Ang Alamat Ng Tinaguriang Gintong Butil
ALAMAT NG PALAY
Noong unang panahon ang mga tao ay walang palay. Ang kanilang kinakain ay pawang mga gulay, bungang-kahoy, isda, at mga hayop. Sila ay nangangaso sa gubat at nangunguha ng bungang-kahoy sa parang. Sila ay maligaya noon.
Subalit unti-unting nangawala ang mga hayop sa gubat at iilan na lamang ang mga bungang-kahoy. Ang mga tao ay lubhang nalungkot.
Ang mga lalaki ay nangaso sa bundok. Sila’y pagod na pagod at gutom na gutom. Sila’y nagpapahinga nang dumating ang magagandang dalaga. Ang mga ito ay engkantada pala. Sila ay makapangyarihan subalit magagalang.
Ang mga mangangaso ay kinumbida ng mga naggagandahang engkantada. Sila’y nagpunta sa yungib. Dito ay napakarami palang engkantada. Sila’y may reyna. Sila’y nagsaya noon, nag-awitan, at nagsayaw.
Nagkaroon ng kainan. Nakita ng mga mangangaso ang malalaking tagayan. Ang mga ito ay punong puno ng pagkain na putting-puti. Noong lamang sila nakakita ng ganitong pagkain.
Natapos ang kainan at ang mga lalaki ay naging bata. Sila ay lumakas. Sila’y pinainom ng puting alak at naging matalino.
Gusto nang umuwi ng mga mangangaso. Ang reyna ay nagsalita, “kayo’y bibigyan ko ng butil. Ito ay itanim ninyo sa tag-ulan. Alam kong kayo ay mabubuti kaya iyan ay sisibol. Iyan ay mamumunga. Anihin ninyo ang bunga.”
“Ang mga butil na inani ay bayuhin at linisin. Ang butil ay magiging bigas. Ito ay inyong lutuin. Iyan ang inyong pagkain. Iyan ang kaloob ko sa mga tao. Hala, umuwi na kayo at ipamalita sa tao.”
Sumunod sa bilin ang mga tao. Itinanim ang butil at ito'y nagsidami at kanilang inani. Binayo at nilinis at nasilayan nila ang mapuputing bigas. Ang bigas ay niluto at ito ang kauna-unahang naging kanin sa daigdig.
***