Ang Hiling Sa Pasko Ng Batang Musmos

Hiling Sa Pasko

Ito ay kwento ng isang batang musmos at ang kanyang munting kahilingan sa araw ng kapaskuhan
Hiling Sa Pasko

Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa pisngi ng musmos na si Sally habang nakatanghod sa mga taong nagdaraan sa loob ng kanilang kariton na may tagpi-tagpi kahoy at karton. Ito ay ginawa ng kanyang ama na may katandaan na at bahagyang may kanipisan ang katawan dahil sa kakulangan sa timbang. 

Ang kanya namang ina ay nagkasya na lamang sa gilid ng bangketa na natutulog sa isang manipis na karton habang nakadagan din dito ang ilang kahon at plastik bilang pananggalang sa lamig na simoy ng buwan ng Disyembre.

Dalawa silang magkapatid. Subalit ang nakatatanda niyang ate ay nag-asawa na sa murang edad na disi-sais at sumama sa napangasawa nito para mamuhay na lamang sa bayan ng Laguna. Doon ay matiyaga din nitong itinataguyod ang kahirapan sa buhay kasama ang anak at asawa. Dahil sa kapos din sa pinag-aralan ay nangangalakal lamang din ang naging kabuhayan ng mag-asawa.

Si Sally ay pitong taong gulang lamang. Nakagisnan na nito ang hikahos na pamumuhay magbuhat ng siya'y isilang. Hindi pa nito alintanan ang estado ng kanilang pamumuhay at kuntento na ito na nagmamatyag sa kanyang mga nakikita.

Maswerte na ang umaga ng pamilyang ito kung sa paggising ng umaga ay magkakaroon sila ng tangan tangan na pandesal at mainit na kape para sa kanilang almusal. Madalas ay nanggagaling iyon sa mga may pusong nagdaraan sa kanilang tabi na nahahabag sa kanilang katayuan. May mga pagkakataon naman na may sumasadya talagang nag-aabot kay Sally ng masarap na makakain dahil mistulang naging gawi na rin ng mga ito ang makita sila sa kaaba-abang kalagayan.

Hindi pa malinaw sa bata ang lahat ng mga nangyayari sa kanyang paligid. Sa murang isip nito ay normal na pamumuhay lamang ang gayon. Nanlilimahid sa araw-araw at may mga pagkakataong kumakalam ang sikmura sa maghapon. Ang ina'y madalas nakasaldak lamang sa gilid ng kalsada at nakatanghod ang kamay nito sa mga nagdaraan na madalas ay wala na rin naman ibinibigay rito.

Nakakaramdam ng pagkaawa ang munting puso ni Sally para sa kanyang ina na parang pinagkakaitan ng mga taong may mga magagarang kasuotan at naggagandahan sa kanilang mga kolorete sa mukha. Awang-awa ang bata kaya't minsang makaisip ay siya na mismo ang nanghihingi ng barya sa mga maabutan nitong naglalakad. At kapag siya ay nakakuha ng pera agad itong humahangos papunta sa ina para ma-intrega kaagad ito. Alam  niya ang kahinaan ng ina. Kapag nakakuha ng barya'y kaagad itong bumibili ng rugby na sya nitong madalas na tangan-tangan. 

Hindi alam ni Sally ang masamang idinudulot ng bisyo ng kanyang ina sa katawan ng tao. Ang malinaw sa kanyang musmos na kaisipan ay nagiging palangiti at malambing ito sa kanya basta't may tangan na supot sa kanyang kaliwang kamay. Ang ama nama'y tila di rin ito iniintindi at parang may mga sariling buhay lamang sa maghapon. Aalis ito ng madaling araw at madalas ay gabi ng kung bumalik sa kanilang kariton. 

Madalas ay umuuwi pa ang ama na nakainom at tila ba nakadiskarte lamang ito ng para sa kanyang sarili. Minsan nama ay masaya itong uuwi na mayroon pang balot ng pansit at ulam na pasalubong. Ang mga pangyayaring ganoon ang labis na nagpapasaya kay Sally. Yung nagkakaroon ng pagkakataon na nagsasalo-salo silang tatlo sa gilid ng kalsada habang nakakubli sa kanilang kariton at masayang kumakain. 

Damang-dama niya ang labis na kaligayahan habang pinagmamasdan ang mga magulang. Alam niya kapag walang problema sa pagitan ng mga ito. Natutulog silang magkakatabi habang pinagkakasya ang mga sarili sa loob ng kariton. Pakiramdam niya'y walang lamig ng panahon ang hindi nila kakayanin basta nasa pagitan sya ng pinakamamahal na mga magulang na nagsisilbing kanyang lakas at labis labis na kaligayahan.

Lumilipas ang mga araw at papalapit ang pasko. Madalas ay nagigising si Sally na nanginginig sa lamig ng hamog sa umaga. Kagaya ng nakagawian, ang mga tao'y humahangos sa kanilang mga pupuntahan. Wari'y walang nakakapansin na mag-isa lamang ito at walang kasama. Hindi naman ito, bumababa ng kariotn kapag alam niyang wala sa tabi-tabi ang kanyang mga magulang. Matyaga lamang itong maghihintay hanggang sa ang mga ito'y bumalik na may dala-dalang pagkain para sa kanya.

Sumasaglit ang ina para dalhan sya ng makakain sa pananghalian. Nakakakita ng simpleng pagkakakitaan ang mag-asawa kapag ganitong magpapasko. Dahil marami ang mamimili at namamasyal sa panahong ito minabuti nito ang maging tagatawag ng mga pasahero ng mga dyip. Samantalang ang kanyang asawa naman ay naghahatid ng mga pasaherong maraming pinamili sa terminal ng mga fx at taxi. Medyo malaki-laki ang kinikita nito kaysa sa ordinaryong panahon.

Pero wari ba'y nakakasilaw ang konting barya na kanilang nakukuha. Ang ama nito'y nagagawa pang magbisyo na halos sa gitnang kalsada na kung matulog. Kung saan na lamang ito abutan ng kalasingan ay dun na din matutulog. At ang ina naman ay nakakaligtaan na ding umuwi sa oras para hatiran ng makakain ang anak na iniiwan lamang sa kariton. Binibilinan na lamang sya ng ina na huwag pupunta sa kung saan-saan para hindi sya huluhin ng pulis. Ito ang panakot sa kanaya ng ina para hindi sya aalis ng kariton.Naging pabaya ang mag-asawa sa kanilang anak na si Sally. Nabagansya ang ama ng hindi nalalaman ng mag-ina kung ano ang nangyari rito. 

Dalawang araw itong hindi umuuwi at ikinaiinit iyon ng ulo ng ina ni Sally. Wari ba'y pati anak ay kinaligtaan na nga ng mga ito. Hindi na napansin ng ina na halos dalawang araw na ring walang kinakain ang bata. Ang bata'y di kakikitaan ng anumang pag-iintindi sa kanyang sarili. Parang di rin nito alintana ang gutom dahil iniiisip din nito kung ano na nga ba ang nangyari sa kanyang ama. Makikita sa mukha nito ang pag-aalala sa kanyang mga magulang. Awa at labis na pagkahabag naman ang nararamdaman nya sa kanyang ina.

Ikatlong-araw ng di pag-uwi ng ama, ang kanyang ina ay umalis para maghanap ng pera. Ibnilin kay Sally na hindi sya dapat umalis at kapag umuwi na ang ama ay sabihin dito na huwag aalis hangga' t hindi sya dumarating. Isang mahinang sagot na "opo", ang narinig ng ina kay sarili at sabay sabing, "uwi ka po kaagad nanay ha!"

At muli ay nakaligtaan ng ina na umuwi para sa pananghalian, ang pobreng bata ay matyaga pa ring naghihintay sa pagbabalik ng kanyang mga magulang. Kinahapunan nga ay biglang umuwi ang ama at ng kanyang tanungin kung saan ito nanggaling ay ikinuwento sa kanya na sya ay ikinulong ng mga pulis dahil nahuli syang natutulog sa gitna ng kalsada at lasing na lasing. Ayon sa ama'y pinagbigyan na lamang sya sa pakiusap nya na hindi na sya uulit sa kanyang ginagawa at nais na nyang makita ang kanyang munting anghel na si Sally.

Sumilay ang masayang ngiti sa nangingitim na halos nitong mga labi. At ang matang nangangalumata ay nagkaroon ng bahagyang sigla ng marinig ito sa ama. "Tay, wag ka ng iinom ng alak ha! At sana alagaan nyo ni Nanay at mahalin ang isa't-isa kasi hinahanap ka nya araw-araw." animo'y utos iyon na binitawan ng batang si Sally sa kanyang ama na wari ba ay tinamaan sa tinuran ng bata.

Napansin ng ama ang kakaiba sa pangangatawan nito at ang pangingitim ng labi pati na rin ang pamumutla ng anak. Subalit bago pa siya makapagtanong sa anak ay sinabi na nito sa kanya na "Tatay, ang hiling ko sa pasko sana ay kumain ulit tayo ng magkakasabay at masayang matulog na magkakatabi. At saka sana ay may magbigay ng regalo sa akin na kumot kasi giniginaw na po talaga ako. Masarap po siguro ang may kumot tay, noh'!"

Narinig at naabutan lahat ng ina ang mga sinabi ng anak. Humahangos na rin itong umuwi dahil nabalitaan na rin pala nito na isa ang asawa sa napalaya ng araw na iyon mula sa kanilang barangay. At kaagad din nitong naalala na ilan araw din niyang nakaligtaan pakainin at ibigay ang pangangailangan ng anak. 

Parang binubuhusan ng tubig na malamig ang pakiramdam ng ina ni Sally. Alam niyang napakalaking pagkakamali ang ginawa niyang pagpapabaya sa anak. Ngayon lamang nya napansin ang panlalambot at panghihina sa katawan ng bata. Hindi nya halos tinapunan ng atensyon ang musmos na anak sa nakalipas na apat na araw dahil sa pagka-aburido sa buhay. Hindi nya maihakbang ang mga paa palapit kay Sally dahil sa nakita niyang kalunos-lunos na itsura nito ngayon. Maputlang maputla at nangingitim na ang labi at nangangalumata ang bata at hindi na bahagyang kumikilos sa kanyang kinauupuan sa sulok ng kariton.

Hindi na magawang magalit ng ama sa kanyang asawa bagkus ay napahagulgol na lamang sya sa tindi ng pagsisisi sa mga ginawa niyang kapabayaan. 

"Tatay...nanay...ang lamig lamig po. Giniginaw po ako." pagkasabi nuon ay tumalima ang mag-asawa na yakapin at kublihan ng ibang karton ang gilid ng kariton apara hindi ito tagusan ng malamig na hangin. Niyakap ng ina ang kanyang bunso at saka ito umiyak ng umiyak ng buong pagsisisi. Nagbadya naman ang kanyang ama na itakbo ang bata sa pagamutan subalit ng maramdaman ni Sally na katabi na ang mga magulang ay unti-unti na rin itong nawalan ng hininga.

Napaluhod na lamang ang ama at buong hinagpis niyang ibinuhos ang labis na pagsisisi. Ang ina nama'y humahagulgol na humihingi ng kapatawaran sa walang buhay na niyang anak na si Sally. Pangko sa kanyang mga bisig at buong puso niya itong paulit-ulit na hinahagkan na madalang niyang gawin nung ito'y nabubuhay pa lamang. Ngayo'y pilit siyang nagsusumamo na idilat ni Sally ang kanyang mga mata at pilit nangangakong hindi na sila magiging pabayang magulang.

Tumunog ang kampana sa simbahan at iyo'y hudyat ng misa de gallo. Ang pobreng bayta'y maaliwalas ng nakapinid ang mga mata na para bang sinasabi niyang siya ay maligaya na at nakasama pa rin niya ang mga magulang bago sya lilisan sa mundong pagkapait-pait ang buhay na idinulot sa kanyang murang katwan. Ngunit sa kanyang busilak na puso at musmos na kaisipan, siya'y mistulang anghel na isinugo ng Amang Diyos sa kalangitan sa dalawang tao na ngayo'y laan ng binubuksan ang mga sarili sa pagbabagong buhay sa araw ng kapaskuhan.

Mula sa kalawakan ay nagniningning na nagpakita ang laksa-laksang mga bituin sa kalangitan. Nagkikislapan ang mga ito at patuloy sa pagtingkad ang mga makikinang nitong mga kulay na para bang may ipinagbubunyi na isang anghel na paparating.

At muling tumunog ang kampana ng simbahan. Tapos na ang misa. Ipinagdiriwang na ang kapanganakan ni Jesus. Ito din ang araw ng pighati sa buhay ng mga magulang ni Sally dahil siya'y lumisan na. Subalit ito din ang unang araw na magbibigay sa kanila ng pag-asa para sa isa pang pagkakataon ng kanilang mga buhay.

***

Sa Paskong Darating lahat  tayo ay manalangin ng taos sa puso. Magpasalamat at maniwala sa biyaya ng Maykapal...

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma