Bakit Bantog Si Mariang Sinukuan
Alamat Ng Bundok Arayat
Kilala ang bundok na Arayat na makikita lamang sa lalawigan ng Pampanga.
Batid ng nakararami ang mahiwagang kwento na kinapapalooban ng naturang bundok. Isa ang bundok sa kamngha-manghang tanawin na matatagpuan sa lalawigan ng mga Kapampangan.Ang bundok ay pinamumugaran ng isang hiwaga na ayon pa sa mga unang matatanda ay dahil sa isang napakagandang babae ang nagmamay-ari rito. Tinawag nila siyang si Maria. Si Maria diumano ay lubhang mahiwaga sa lahat. May ilang nagsasabi na kakaibang ganda ang katangian ni Maria at di ordinaryo sa lahat ang kanyang mga katangian.
May ilang naliligaw na mangangahoy ang nakasaksi sa mga hitik sa bunga na mga punongkahoy sa bundok arayat ngunit sa pangamba ay di nila ito mapangahasan na pitasin. Sinasabing nagpapakita lamang ito sa kanyang magandang kaanyuan sa mga may busilak na kalooban. Ngunit, diumano'y nakikisalamuha at bumibili rin ito sa pamilihang bayan. Nagtitinda rin ito kung araw ng linggo para maipamahagi ang mga sariwang bungang kahoy sa mga tao.
Subalit hindi mo raw ito makikilala sa kadahilanan na ito'y madalas nagbabalatkayo. Marami ang nagpapatunay na ito'y sadyang mahiwaga. Ang kabundukan aay masagana at at hindi mapag-imbot sa mga taong nangangalam ang sikmura ang diwata ngbundok Arayat. Angsinumang humihingi ng pasintabi ay malayang nakakapamitas at nakakakain rito.
Subalit, napagtanto rin nila ang ayaw ng tagabantay ng kalikasan. Sapagkat ang sinumang magtangkang kumuha ng mga pananim ng higit pa sa kanyang kailangang pansarili ay hindi natututunan tahakin ang landas pauwi. Sinasabayan iyon ng pagdidilim ng mga ulap at malakas na hangin. Hanggat hindi sumusuko at ibinababa ang mga nakuha'y kagyat bumubuhos ang ulan. Kapagka umuusal na ng paumanhin sa nasabing diwata na tanda ng pagsuko ay himalang titigil ang pag-ulan at aaliwalas ang langit.
Kasunod noon ay madali na ring matututunan ng taong iyon ang landas pabalik sa kanyang tahanan. Ang ilang dayuhan nama'y sinasabing nagagayuma ng magandang saliw ng musika na kapagka kanilang sinundan ay tatahakin ang tipak ng batong-buhay sa tuktok ng bundok na usap-usapang pinaglalabahan ng engkanto. At para hindi magayuma ay kailangan lamang nitong baligtarin ang kanyang kasuotan at umusal ng paumanhin para sila'y mapahintulutang makababa ng bundok.
At magmula noon, ay iniingatan na ng mga naninirahan rito na magambala si Mariang Sinukuan sa takot na sila'y maligaw muli sa kabundukan. At para hindi na ikagalit ng diwata ay ikinalat nila ang kwento ni Mariang sinukuan ng lahat ng sumubok na mangahas umakyat sa bundok ng Arayat.
***