Monet, Ang Batang Galawgaw

Ang Batang Galawgaw

Ito ang kwento ni "Monet, Ang Batang Galawgaw", isang maikling kwento na ang tauhan ay isang batang babae na ttiyak na kagigiliwan at kaaaliwan ng mga mambabasa.
Monet,Ang Batang Galawgaw

Si Monet

May isang batang babae na lubos na kinaiinisan ng kanilang mga kapitbahay. Siya ay si Monet na halos hindi yata nahilig sa paliligo ng araw-araw. Si Monet ay pitong taong gulang na at lumaki ito sa poder ng kanyang Lola Tasya na matagal ng biyuda. 

Si Lola Tasya ay ang butihing ina ng nanay ni Monet na namatay ilang buwan lamang ng siya ay maisilang. Dahil bata pa ang kanyang mga magulang ng nagsipag-asawa, ang ama ni Monet na si Mang Gardo ay muling nag-asawa at inihabilin na lamang nito ang kanyang anak na si Monet sa kanyang lola na noo'y wala na rin namang kasama.

Si Monet ay masasabing busog naman sa pagmamahal ng kanyang lola Tasya. Subalit habang lumalaki ay naging makulit at malikot pero mabait ito. Madalas ay hinahayaan na lamang ito ng matanda lalo pa at madalas ay pagod din ito galing sa pagtitinda ng gulay sa talipapa. Tanging ito lamang ang ikinabubuhay nilang maglola. 

Si Monet ay laging nakatawa at masigla kapag nakikipaglaro sa mga kaibigan. Labis ang kanyang pagiging aktibo sa lahat ng laro mapa Chinese garter at piko. Palakaibigan at masayang ka-kwentuhan. Yun nga lang, madalas din siyang kabwisitan at iwasan. Dahil laging laman ng kalsada, lalo na sa araw na walang pasok, kilala si Monet sa tawag na batang grasa. Sa murang isip nito ay hindi niya alintana ang mga matang nangungutya at nanlilibak sa kanya. 

"Hayan na ang batang grasa," ang sabi ng isang batang naglalaro ng i-pad sa tabi ng kanyang ina.
"Hay, naku!  Iligpit nyo na ang mahahalagang gamit nyo at baka mawala pa yan bigla." ang sabi naman ng matabil nitong kapitbahay.
"Hoy, Eman pumasok na dun sa loob at baka pagdidikitan ka na naman ni Monet dahil jan sa i-pad mo" ang sabi naman ng ina nitong kung akala mo ay aagawan ang anak ng kung ano.

Ito ang madalas na trato ng nakararami kay Monet. Animo'y isa siyang basura na pinandidirihan. Sa murang isip nito ay nababasa na ng kanyang isip na hindi siya gusto ng mga ito. Kaya naman lalo siyang naging masayahin at aktibo dahil nagbabakasakali sya na matuwa sa kanya ang karamihan. 

Alam niyang wala syang ginagawang masama sa mga ito. Bunga ng kuryosidad lamang kaya't madalas siyang makikitang nakikiumpok sa karamihan at nakiki-usyoso lalo na sa mga makabagong gadget na madalas ay meron ang kanyang mga kaibigan. Ngunit kahit ganoon, hindi nya naman talaga ito pinag-iinteresan.

Nagtataka na nga lang sya dahil madalas kahit na anong ipakita niyang pagkamagiliwin sa kanila ay siya namang kabaligtaran ng mga reaksyon ng mga ito. Pero sa kabila niyon ay hindi nawalan ng sigla si Monet sa pakikipagkaibigan. Umaasa siya na makikita rin nila ang kaniyang butihing puso.

Isang umaga, sa kanyang paglalaro sa lansangan ay may nakita syang isang matandang gusgusin. Marahil dahil sa pagkauhaw, ito'y bahagyang napasandal sa pader na bakod na sapo ang ulo. Lumapit si Monet at nag-alok ng tulong na animo'y matanda na.

"Ano pong nagyayari sa inyo. Kailangan nyo po ba ng tulong?" sabi ni Monet
"Para akong nahihilo. Marahil ito'y uhaw at gutom. Maaari mo ba akong mabigyan ng maiinom?" ang tugon ng matanda habang ito'y hinang-hina.
"Naku, 'yun lang po ba? Sandal lamang po at ikukuha ko kayo." at dali daling tumakbo si Monet para manghingi sa mga malapit na kakilala. 

Nanghingi si Monet na may halong pakiusap. Hindi nya initindi kung ano man ang sabihin ng mga ito sa kaniya. Pursigido itong makatulong sa matandang nangangailangan.

Nakita ng matandang gusgusin kung paanong nakiusap sa bawat maliliit na tindahan ang paslit para maihingi lamang sya ng munting makakain at maiinom man lang. Kinurot ang puso ng matandang babae sa nasaksihan dahil nakita rin niyang karamihan sa mga ito'y tumatanggi lamang.
Pero dahil pursigido ang bata na sya ay matulungan kung kaya't siniguro nito na maipaghahatid sya nito kahit maliit na baso ng tubig at hininging biskwit kahit sa kapwa bata lamang.

Nahabag ang matandang gusgusin sa bata na noo'y nagtangka lamang pala na magbalatkayong mahirap para makahanap ng taong matulungin upang kanyang mabiyayaan. Subalit higit pa dito ang kanyang natagpuan. Ang matandang babae'y isa ng biyuda. At dahil wala namang naging anak, naging gawain na lamang nito ang maging mapagkawanggawa. Subalit sa pagkakataong ito'y nagdesisyon ang matanda. Nais nyang kupkupin at pag-aralin na lamang si Monet. Dahil kakaiba ang ugaling kanyang nasaksihan sa bata. At bukod pa rito ay napakagaan ng kanyang kalooban dito.

Para sa kanya isa man batang paslit ang kaniyang nakikita, busilak at napakaganda naman ng pagkatao nito kahit isa lamang syang hamak lang na bata. Hindi nalason ng mga nasa paligid nito ang mabuting puso at ugaling makikita mo sa kanya. Para itong matandang mas may isip pa sa mga taong kasalubong nito sa lansangan.

Pagka-abot sa munting pagkain na panlaman sa sikmura ay agad nagtanong ang matanda kung saan sya naninirahan. At bumungad sa kanya ang kanilang simpleng tahanan. Pinakiusapan ng matandang babae na silang maglola'y kanyang tutulungan, pag-aaralin at dadamitan. 

Labis-labis ang katuwaan ni Monet sa narinig. Matagal na nyang pinangarap na sya ay makatungtong sa paaralan. Nangako ang matandang babae na sya pag-aaralin at ang nais lang nitong itumbas sa kanya ay ituring syang pamilya at sya ay huwag din maging mapang-abuso at bulakbol sa pag-aaral.

At umalis na ang matandang na nangakong babalik para sila ay sunduin. At naiwan si Monet at Lola Tasya na punong-puno ng pag-asa.

Ngunit makalipas ag tatlong araw, hindi pa rin ito nagpaparamdam. Si monet ay muling nakipaglaro sa kanyang mga kaibigan sa lansangan, muling inalipusta at kinantyawan dahil hindi na raw sya binalikan ng matandang babae bagkus ay nadismaya na rin ito sa kanyang kakulitan at pagiging galawgaw.  Nangingilid ang mata na hindi na lamang pinansin ni Monet ang usapan tungkol sa kanya. Alam nya na sila'y patuloy na pinag-uusapan ng mga dalahirang bibig na sanay na sanay manlibak ng kapwa.

Walang anu-ano'y may biglang bumusina sa likod nya na isang puting van. Nagulat ang lahat ng bumaba ang isnag matandang babae na may mamahalin na damit at nakangiti ng pagkagandaganda sa kanya. Hindi nya ito nakilala, ngunit lumapit ang matanda at sya ay niyakap. Nagulat ang lahat ng mga nakakakilala kay Monet. 

"Sino po kayo?" ang tanong ni Monet. Na bahagya pang nahiya dahil sa napakalinis nitong kasuotan.

"Hindi mo na nga ba ako natatandaan?  Oh, nakagayak ka na ba? Di ba't sinabi ko na sa inyo na susunduin ko kayo at tayo ay uuwi na sa aking bahay?" ang tugon nito kay Monet.

"Namilog at nanlaki ang mga mata ng bata at saka ito napangiti at mahigpit na napayakap sa matandang babae. "Tinotoo no po ang inyong sinabi?" ang sabi nito sa matandang babae.
"Wala akong ipinangako kanino man na hindi ko tinupad. At ipinangako ko, na ikaw ay gusto kong makasama dahil isa kang mabuting bata at may busilak na puso malayo sa kaninuman, at iyon ay pawang katotohanan." ang nakangiting sabi nito habang ang mga matang nanonood sa kanila at walang masabing kahit ano dahil sa nasaksihan.

Biglang nakaramdam ng pagkainggit ang mga nakakakilala kay Monet. Ang iba'y natulala at ni walang masabi. Ang tanging nasambit na lamang nila ng papaalis na ang maglola sakay ng van kasama ng matandang mayaman ay, "...napakabait naman kasi at sadyang napakabuti ni Monet. Hindi nakapgtataka na sya ay mabiyayaan sa buhay."
At nagkibit balikat naman ang iba, habang ang ilang mga nanay na dati'y nangungutya kay Monet ay nakaramdam ng inggit at pagkapahiya sa sarili.

Aral sa kwento:
Ang pagiging mapanghusga sa kapwa ay hindi magdudulot ng mabuti kaninuman. Bumabalik ito na parang salamin sa ating sariling mga kalooban. Nabubura minsan nito ang busilak na puso pagkat impluwensya nito ay parang lason sa isip ninuman.
Ang magtanim ng magandang halimbawa sa kapwa ay kinapupulutan ng magandang aral na nagbibigay madalas ng magandang pag-asa sa buhay.


***
Malikhaing Kwento ni Ma.Kulet
Mas Bago Mas luma