Alamat Ng Bayabas

Bakit May Korona Ang Bayabas

Ang alamat ng bayabas.


Alamat Ng Bayabas

Noong unang panahon ay may isang sultan na lubos na kinatatakutan ng lahat. Sobrang lupit sa kanyang mga nasasakupan ang pinuno ito na tinatawag nilang Sultan Barabas.

Marami na siyang pinasakitan at pinapatay. Hindi na rin mabilang ang ipinakulong niya ng sapilitan sa mga piitan.Palaging nangangamba ang mga tao na baka sa maliliit nilang pagkukulang ay napakalaking parusa ang kagyat sa kanila ay ipapataw.

Matanda man o bata ay takot na takot kapag nasasambit ang pangalan ni SUltan Barabas. Para sa mga tao, ang pangalan ng Sultan ay kasingkahulugan ng kawalan ng katarungan. Hindi lamang ito malupit. May angkin din itong kayabangan at kagaspangan ng pag-uugali. Ang gusto niya'y yumuyuko ang mga tao sa kanya kapag siya ay nakikita.

Gusto niyang isipin ng lahat ng mga tao na siya lamang ang nakakataas sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit parating nakasuot sa ulo ng Sultan ang kaniyang makinang na korona. Suot niya ito kahit saan man siya magpunta. Kahit sa pagtulog ay mahigpit niya itong yakap-yakap. Ang pinakamamahal niyang korona ang nagbibigay sa kanya ng pagkakakilala bilang nakatataas sa lahat.

Isa ring sakim na sultan si Sultan Barabas. Ang malawak na hardin niya na pinamumungahan ng masagana at iba't-ibang prutas ay hindi niya pinapapasukan kaninuman. Mas nais pa nitong mabulok ang mga bungang hinog kaysa ipamigay sa sinumang maralitang nagugutom at kumakalam ang tiyan.

Ang kadamutang ito ay batid ng kanyang mga utusan. Sapagkat ni isa man sa kanila'y walang bungang maaaring hingin o matikman.

Ang kawalan ng katarungan ni Sultan Barabas ay minsan na namang napatunayan. Ayaw na ayaw ng sultan nagabi na ay nasa lansangan pa ang sinuman. Minsan, isang mangingisda ang inabot ng hatinggabi sa panghuhuli ng isda. Walang awang dinakip ito ng mga alagad ng sultan ayon na rin sa kanyang utos.

At dahil walang awa sa kapwa ay iniutos nitong parusahan ang mangingisda na patiwarik na ilublob pa sa tubig at ipinakulong pa ni Sultan Barabas ang pobre. Nakarating sa pamilya nito ang ginawang pagpaparusa at pagpapakulong sa kanya.

Nabalitaan ito ng magdadaing na asawa ng mangingisda ang nagaganap sa kaharian ng Sultan. Dali-dali itong nagpunta at kahit alam niyang natutulog na ang Sultan ay kinatok niya ito sa kaniyang tirahan.

Galit na galit ito ng magising at buong bagsik na nagtanong kung sino siya. Nagpakilala ang magdadaing na asawa ng mangingisda at sinabing naroon sya para makiusap rito napakawalan na ang kanyang esposo at hindi na mauulit ang ganoong pangyayari kailanman. Mabilis ang isip ng gahaman na sultan kayat kaagad nagpakita ng labis na galit-galitan. Lalo pa't nalaman niyang ekspertong magdadaing ang nagmamakaawa.

Nakaisip ang gahamang sultan ng katusuhan. Kunwa'y galit na galit itong nagwala at tinawag nito ang kanyang mga tagabantay at pinadakip ang magdadaing tsaka ipinakagat ito sa mga langgam at pagkaraa'y ipinakulong din sa piitan kasama ng kanyang asawa. Natuwa ang mag-asawa dahil sila'y nagkasama kahit nakakulong.

Upang maging produktibong mga alipin ng Sultan, inatasan niyang tagahuli ng isdang kanyang makakain ang lalaki at ang bawat mahuhuli nama'y pinauusukan kaagad ito sa magdadaing.

Bagamat maligayang magkasama ang mag-asawa kahit sila ay ginawang alipin, di pa rin mawala sa kanila ang kalungkutan dahil naaalala nila ang tanging anak na naiwan sa kanilang tahanan.

Ngunit lingid sa kanilang kaalama'y may mga mababait na ada naman na nagbabantay sa kaisa-isa nilang anak na sa kahit isang musmos pa ay marunong na ring manindigan.

Subalit dahil sa madalas itanong ng bata ang kanyang mga magulang sa mga ada at madalas nila itong nakikitang umiiyak ay naawa ang mga ito sa batang musmos. Inilawan at binigyang tanglaw ng mga ada ang daan patungo sa nakapiit nitong mga magulang kung saan ay nasa tirahan ng Sultan.

Ang mahimbing na pagtulong ay muling nagambala ng mga maliliit na katok.

"Sino ka at sa ganitong oras ng gabi ay nambubulabog?"

"Gutum na gutom na ako! Hihingi ako ng pagkain sa mesang kainan mo."

"At bakit? Napakalakas yata ng loob mo!" ang nag-aalburotong tanong ng Sultan.

"Pinasisid mo ang aking amang mangingisda at pinagpagdaing mo ang aking ina. Sila ang dahilan kung bakit ka ngayon marangya sa pagkain."

"Lintik na bata ka! At anong karapatan mong humingi ng anuman mula sa aking mesang kainan?" nanginginig sa galit na hiyaw ng Sultan sa bata.

"Hindi ikaw ang napagod mangisda at magdaing. Mga magulang ko ang iyong inalipin. Sa anumang kanilang itinanim, sila lang ang dapat na may aanihin!"

"Aba! Akala mo kung sino ka! Hindi mo ba alam na Sultan akong dapat mong igalang?" nangangatog ang sigaw ng gahaman.

Napansin ng bata ang kumikinang na koronang nasa higaan ng Sultan. Tinakbo niya ito at isinuot saka nang-iinsultong nagwika, "Ang korona ay ipinapatong lang sa ulo ng lider na mabuti sa tao. Napakasama mo! Ikinulong mo ang ama't ina ko.Ngayon ay ako naman ang habulin mo at ipakulong kung maaabutan mo!", nang-iinis na nagpahabol ito sa Sultan sa loob ng palasyo.

Galit na galit ang Sultan habang siya'y hinahabol. Hindi maabut-abutan ng sukab ang inosenteng bata sapagkat inililipad ito ng mga ada. Nakarating ang habulan sa malawak na hardin nito ng mga punongkahoy. Sa sobrang pagod ay sumakit ang dibdib ng Sultan na bigla nitong ikinatumba at ikinawalan ng malay. Noon din ay namatay ang Sultan na walang natutunang pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng katarungan at pagiging makatao.

Sa lugar kung saan ito natumba ay inilibing na din kaagad ito. Ang kamatayang dapat sana'y ipinagluluksa ay ikinatuwa pa ng nakararami.

Samantalang nagluklok ang mamamayan ng panibagong Sultan. Ang humaliling Sultan kay Sultan Barabas ay kabaligtaran nito.Para sa kanya ang lahat ay pantay-pantay sa napipiringang katarungan. Tinulungan ng bagong Sultan na makalaya at makapamuhay ng matiwasay ang mangingisda at magdadaing na asawa nito.

Samantalang pinahintulutan naman nito na malayang makapamitas ng bunga sa mga punong hitik ang mga batang nais ng makakain sa hardin na dati ay ipinagdamot ni Sultan Barabas. Pinaalagaan niya ang mga tanim at pinadidiligan araw-araw para makatulong sa nakararami ang magiging mga bunga nito.

Ilang taon ang nakaraan at mula sa pinaglibingan ng Sultang gahaman at masama ang ugali ay naging puno ang isang halaman. Nagulat ang lahat nung ito ay mamunga pagkat kitang kita rito ang korona.

Ang prutas ay bilog na ilog na parang ulo na may korong nakapatong sa dulo. Nang tikman ito ng mga tao'y anong pakla at pait.

"Si Barabas 'yan!" sigaw ng mga nakatikim ng lupit ng Sultan.

"Kasimpait at simpakla ng pag-uugali ni Barabas!"

Ilang araw lang ang lumipas ay lumaki na ang mga bunga ng berdeng prutas. Nang kagatin nila'y napangiwi sila sa asim nito.

"...pagkaasim-asim! Kasing-asim ng mukha ni Barabas!"

Hindi nagtagal at nahinog ang mga bunga sa puno. Ang mga berdeng bunga ay naging dilaw na. At napangiti ang lahat ng pitasin at tikman ito.

"Pagkatamis-tamis! Pagkasarap-sarap ng Barabas!"

Mamula noon, tinawag ng barabas ang berdeng prutas na may korona. Sa ilang bulol pa na paslit kung tawagin nila ito'y..."bayabas!"

At dito nagsimula ang alamat ng Bayabas.

***

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma