Bakit Palaging Dala-Dala Ng Pagong Ang Kanyang Bahay
Alamat Ng Pagong
Alamat Ng Pagong |
Marahil ay nakakita na kayo ng pagong. Kung hindi pa kayo nakakita ng buhay na pagong ay tingnan na lamang ninyo ang nasa larawan.
Noong unang panahon, sa isang malayong pamayanan na kung saan ang mga naninirahan ay simple at payak na namumuhay, ay nakatira ang magasawang biniyayaan ng isang napaka gwapong anak. Ang bata ay lumaking masipag at mabait. Pinangalanan ng mag-asawa ang kanilang anak na A-gon.
Si A-gon ay lumaki na isang makisig at maginoong binata. Ang lahat halos ng kadalagahan sa kanilang munting bayan ay ninanais na sana'y masulyapan man lamang nya kung sya ay magdaraan.
Kinikilig ang lahat ng mga dalaga kapag nakikitang siya ay napapasulyap sa kanila. Hindi rin mapigil ng ilang kalalakihan ang mainggit sa kanya.
Ang ilan namang may mga asawa na ay hindi na pinahihintulutang makisalamuha pa o makipagusap man lang sa kanya ng kanilang mga esposo. Batid nilang mabuting tao si A-gon. Subalit dahil sa ganda nyang lalaki ay nagseselos ang ilang mga kalalakihan sa kanya at nangagsisitakot na baka hindi na sila mahalin ng kanilang mga asawa.
At dahil sadyang masipag, isinubsob nya ang kaniyang panahon sa paghahanapbuhay. Hindi sya namimili ng gawain at ni hindi rin marunong mag-utos kaninuman. Bagay na lalong hinangaan sa kanya ng lahat ng kababaihan. Nagpupuyos naman ang damdamin ng mga kalalakihan lalo na ng mga lasinggero at mga batugan. Pakiwari nila'y tinanggalan sila ni A-gon ng karapatan na maging mangingibig ng mga naggagandahang dilag sa kanilang bayan.
Lumaon ay naging lubhang mahiyain ang binata. Kahit anong iwas niya sa lahat ay wala siyang magawa. Habang nakikita niyang aliw na aliw sa kanya ang mga kababaihan, ang mga lalaki nama'y nanlilisik ang mga matang nakatingin palagi sa kanya. Ayaw ni A-gon ng away kung kaya mas pinili niya ang dumistansya na lamang sa mga ito. Batid ng kanyang mga magulang ang damdamin ng kanilang anak. At hindi iyon madali sa kanila.
Minsan, dahil sa kalungkutan ay naisip ni A-gon na mamasyal sa tabing dagat. Dito ay malaya niyang naihihinga ang kanyang hinanakit sa mga kababata at kababayan. Nasabi nya tuloy sa kanyang sarili, "Mabuti pa ang tubig sa dagat, malaya sa pag-agos at walang inaalalang anupaman." At napatingin sya sa kanyang repleksyon sa tubig, at bigla na lang niyang nasambit, "Bakit hindi na lang ako naging isang pangit."
Araw-araw sa kaniyang pag-iisa, ay ang mga buhangin at tubig sa dagat ang kaniyang binibisita. Dito sya napapanatag at nagiging masaya. Napupukaw nito ang kaniyang malungkot na pag-iisa. Pansamantala rin niyang nalilimutan ang mapapait nyang karanasan sa mga taong kanyang nakakasalamuha.
Isang umaga, gumising ang lahat na masamang masama ang panahon. Sa lakas ng hangin ang lahat ng mga puno ay nangagsitumba. Dumadagundong ang lakas ng ihip ng hangin at sumasabay ang alon sa dagat. Kasabay nito ay unti -unting nilamon ng tubig ang lupa. Ang mga bahay na yari sa pawid ay inanod ng baha.
Ang lahat ay nagsitakbo at nangagsilikas upang hindi maabutan ng tubig. Ang iba sa pagkamangha ay hindi na nakuha pang makatakbo at sila ay inabot ng tubig. Si A-gon ay naging maliksi sa pagkilos. Matapos niyang ilikas ang mga magulang ay agad syang bumalik sya upang tulungan ang mga kababayan.
Buong tapang na sinagip ni A-gon ang mga bata at kababaihan. Samantalang ang mga kalalakihan ay nagkanya-kanya ng langoy patungo sa mataas na lugar. Ang iba ay hindi na nakagalaw upang tumulong pa sa pagsagip dahil hindi rin naman sila marunong magsilangoy.
Ang kahuli-hulihang sinagip ni A-gon ay isang matandang babae na nakakunyapit na kanyang unti-unti ng nasisirang batalan. Hindi na ito makagalaw dahil sa lamig ng tubig. Ang payat at hapis nitong mukha ay nanlalambot na sa pagod sa matagal na pagkakahawak sa mga haligi ng kahoy.
"Inang, kumapit kayo sa akin ng mabuti." saklolo ni A-gon sa matanda.
"Lubhang busilak ang iyong kalooban, A-gon. Hindi nababagay sa iyo ang pagtratong natatanggap mo sa mga tao. Narinig ko ang iyong pagtangis."
Nagulat si A-gon sa tinuran ng matanda. At sa kanyang paningin ay unti-unting naging isang anyong tubig ito na hugis tao. Sa pagkabigla ay nakabitaw sa pagkakahawak si A-gon at lumubog ito sa tubig. Mula sa malayo ay tanaw ng lahat ang paglubog ni A-gon. At sa kanyang paglubog ay hindi na muli pang nakita ng lahat na pumaimbabaw ang katawan nito.
Samantala sa kailaliman ng tubig ay unti-unting nagbago ang anyo ni A-gon. Nagbago ang hugis ng kanyang katawan at "Na...nakakahinga ako sa tubig", ang wika nito.
Mula sa kung saan ay nakarinig sya ng tinig,
"Malaya ka ng pumunta sa lupa at lumangoy sa tubig. Hindi ka na makukutya ng kahit sino at mamumuhay kang panatag mula ngayon."
Samantala, natahimik ang lahat habang nakatingin sa kinalubugan ni A-gon. Naisip ng mga kababaihan na sana'y marami pang maging A-gon. Hindi dahil sa kaniyang kagwapuhan kundi dahil sa kanyang kabutihang loob. Humingi naman ng kapatawaran ang mga kalalakihan sa mga magulang nito.
Naisip nilang lubhang napakalayo hindi lang ng itsura nito kundi maging ugali. Hindi man lamang nila nakuhang mailigtas ang mga mahal nila sa buhay bagkus ay puro sarili lang nila ang kanilang naisalba. Samantalang si A-gon na kinaiinggitan nila at pinag-isipan ng masama ay sya pang sumagip sa kanila.
Noon nila nakita kung bakit lubos ang paghanga ng mga kababaihan sa kanya. Ni wala sa kalingkingan nito ang kaya nilang gawin. Sising-sisi sila sa kanilang mga ginawi.
Nang humupa ang baha at tumigil ang napakalakas na ulan, ang lahat ay nagsimula ng magtayo ng kanilang mga barong-barong. Mula sa di kalayuan ay may nakitang kakatwang hayop ang lahat.
Mabagal itong lumakad at may dala-dala itong talukab sa likod. Napakapangit kung pagmamasdan at parang may pagkamahiyain ito. Tumigil ito pansamantala at pagkatapos ay lumakad papuntang dalampasigan. Karakaraka'y nakita nila kung paano itong walang takot na lumusong sa tubig.
"Nakakalakad sya sa lupa!"
"At nakakalangoy din sa tubig!"
"A...Agon." ang nasambit ng inang lumuluha.
Alam ng lahat na iyon si A-gon. Nakita nila iyon sa kaniyang kilos at gawa. Nagpasalamat ang lahat sa kabutihang loob nito. Nakalimutan ng lahat ang inis na naramdaman nila rito bagkus ay napalitan ito ng awa. Kaya't hanggang sa kasalukuyan may paniniwala ang matatanda na hindi dapat pinaglalaruan ang mga pagong dahil ang naglalaro nito'y nagiging malilimutin.
Sa paglipas ng panahon, tinawag nila itong Pagon hanggang sa naging Pagong.
Aral sa Kwento: