Si Banok Ang Batang Scout!

Ang Batang Scout

Maikling Kwento tungkol sa batang scout na ang pangunahing tauhan ay nagngangalang Banok.
Ang Batang Scout

Si Banok

Si Banok ay isang batang magilas. Maliksi kung gumalaw at maaasahan lalo na kung may kaibigang nangangailangan ng kanyang tulong. Masayahin at marunong makipagkaibigan.

Si Banok ay nasa ika-limang baitang na. Masipag syang mag-aral at di pabaya sa kanyang mga tungkulin bilang lider sa loob ng kanilang paaralan. Bukod pa dito ay isa rin siyang palabati at magalang na bata sa mga nakatatanda. Kapag nasisilayan ng kanyang mga guro ang kanyang mga ngiti at naririnig ang kanyang magalang na pagbati'y maligaya na ang kanilang mga araw. 

Si Banok ay isa ring mabait at masunurin na anak. Hindi niya nakakaligtaan na magmano sa matatanda at humalik sa kanyang mga magulang. Isa rin sya sa mga batang itinatanghal bilang kapita-pitagan sa kanilang barangay. Ikinalulugod iyon ng kanyang mga magulang at maging ng kanyang mga kaibigan. 

Isa si Banok sa mga batang may magandang pangarap sa buhay. Ito ay ang makitang maayos at matiwasay ang pamumuhay ng kanyang mga mahal sa buhay at gayundin ang kanyang mga kaibigan at ka-barangay. Hindi man ito maintindihan ng karamiha'y di naman sya natitinag sa kanyang kagustuhan at mga pangarap sa buhay. Sa kanyang isipan, kapag ang buhay ng lahat ay maayos at at may pagkain sa hapag lahat ng pamilya'y masagana at masayang mamumuhay. Walang batang papasok ng kumakalam ang tiyan at walang magulang na magaaway dahil walang pang-matrikula ang anak sa eskwelahan.

Si Banok ay isa rin lamang ordinaryong mamamayan na naninirahan sa kanilang hindi din kalakihan na tahanan. Sya man ay nakatatandang kapatid sa tatlong supling ng kanilang mga magulang. Nakakaranas man sa buhay ng kakapusan, hindi naman nya ito iniinda bagkus ay ginagawa niya na inspirasyon ang kanilang kasalukuyang buhay para makapag pursigido sa buhay.

Sabi ng kanyang mga magulang, 'libre ang mangarap pero para magkatotoo ito ay dapat magsikap'. Ito ang laging isinasaisip ni Banok. Masaya nilang itinataguyod na mag-anak ang kanilang araw-araw ng may ngiti at pagdarasal sa Maykapal na gabayan sila sa buhay. Kaya't naniniwala si Banok na kahit anong suliranin at kakapusan ay kanilang malalampasan basta buo silang pamilya at buo ang kanyang loob na tuparin ang kanyang mga pangarap sa buhay.

***


Aral:

Ang tulong-tulong na pamamaraan ng isang mag-anak ay malaking bagay para makaahon sa hirap.

Ang mabuting pananaw sa buhay ay nakakadulot ng maayos na pamumuhay. Ang mangarap ay libre at para ito ay mangyari dapat tayo ay matutong magsikap. Samantalang ang batang lumaki sa pangaral at may magandang asal ay tatandang may mabuting pananaw. 

Ang batang scout ay isang batang palakaibigan, magalang, matulungin, maaasahan, masunurin, masayahin, at mapagkakatiwalaan at higit sa lahat ay naghahangad ng malinis na pamumuhay.


Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma