Matuwa at maaliw sa mga simpleng kwento pambata. Bigyang sigla ng makukulay na Kwentong Alamat, Mga Maikling Kwento, Talambuhay, mga Salawikain at Kasabihang nagpapakita ng kaugalian makulay na buhay ng mga Filipino.
Sabi nga ni Rizal, ang ating mga kabataan ang syang pag-asa ng ating Inang bayan. Tunay nga naman talaga na sila ay nakakatuwa at nakaaaliw na pagmasdan. Kagigiliwan mo silang tunay dahil sa kanila mo makikita ang totoong kahulugan ng buhay. Sa kahit na anong estado ng pamumuhay sa mga batang walang muwang, ang lahat ay pantay-pantay.
Salat man sa karangyaan, wala man silang yaman na matatawag, kamusmusan nila ay sapat para mabuhay ng tama at maluwat. Buhay nila ay laging payapa, isip ay laging kalma, kahit minsa'y may pagkalam sa sikmura. Umiiyak man kapag nasasaktan, pero hindi mapagtanim at kanilang galit ay sandali lamang sa tuwi-tuwina dahil ang mga busilak nilang puso ay laging naglalaan ng oras para sa kapatawaran.
Ito ang salamin ng mga kabataan noong nakalipas na limang dekada ng buhay. Masaya, busilak, at payak sa luho. Kaligayahan nila ay simple lamang basta sila ay nakapaglalaro. Maligaya na sa tagu-taguan at larong piko. Aktibo sa paghaharang taga, at luksong tinik, at pagtutumbang preso dahil lahat ng ito sa kanila ay sapat at naghahatid na ng sanlaksang ligaya.
Kung natatandaan mo pa nga ang larong syato, chinese garter at jackstone, simple lang ang mechanics pero lubos kang matutuwa lalo na kung lagi kang nagwawagi.
Pagkaraan ng limang dekada, mayroon nang ibang anggulo ang sumasalamin sa buhay ng kabataan. Sa katunayan, may nasasalamin akong hindi kaiga-igaya sa kanilang mga napagkakatuwaan at mga libangan. Hindi man lahat sumasang-ayon sa aking sapantaha, subalit maaari mayroon din tayong maitutulong para pagbabago ay maisagawa. Magawan baga ng paraan at tulong-tulong nating maitama. Para hindi rin sila maging kaawa-awa pag tanda.
Ang mundo ay patuloy sa pag-ikot. Wala sa palad ng sinuman sa atin ang may kakayahan para magmando kung ano ang magiging kaganapan ng buhay natin sa hinaharap. Kailangan lamang nating magpatuloy lagi at mabuhay ng walang sinasagasaan na kahit sana sino pa ito. Gumawa ng tama at mabuhay ng tama. Ipagmalaki natin na hinubog tayo ng panahon na may paninindigan at prinsipyong totoo.
Sa pagpapatuloy ng ating Site na ito. Alamin natin at tukuyin ng maigi ang lahat ng pagbabago sa pag-ikot ng mundo sa daigdig ng mga bata. Kung paano sila sa kasalukuyang panahon. Kung bakit ganyan at bakit hindi ganoon. Kung bakit maraming tanong na minsan parang wala yatang sagot. Kung bakit may mga sagot na parang ang layo sa tanong.
Samahan nyo sana ako sa pagtuklas ant pagbibigay focus sa buhay ng kabataan. Upang magpatuloy sa kasalukuyan nilang buhay ang pag-asa na nagbibigay din sa ating lahat ng direksyon. Direksyon na mangarap ng masaganang buhay. Direksyon na maging totoo sa lahat ng bagay. At direksyon na itaguyod ang tama at mabuhay ng masaya.
***