Ampeng Busangot, And Dalagang Laging Nakasimangot

Ang Dalagang Busangot


Isang maikling kwento tungkol sa dalagang laging nakasimangot at masungit na naging dahilan ng kanyang pagpangit.
Ampeng Busangot

 Siya ay si Ampeng Busangot, ang dalagang palaging nakasimangot.
***

Ang Kwento ni Ampeng

"Ka-Blaag!", isang malakas na kalabog ang nagpagising sa magkakapitbahay isang sabado ng umaga.

 "Ano ba yang lagabog na yan at ang aga-agang namang mambulahaw ng mga natutulog! Sabado na nga lang ang pahinga meron pang bulabog sa umaga" ang maririnig na sabi ng isang babae sa kalapit bahay lang halos nila Ampeng. 

"Naku!, siguradong si Ampeng busangot na naman iyan. Ang tinuran ng asawang lalaki na agad din namang bumalik sa pagtulog. Masanay na lang tayo."

Samantala ang iba'y humudyat na ng gising sa umaga dahil animo'y alarm clock na nila ang ganitong sitwasyon sa araw-araw. Dito nagsisimula ang buhay sa Kalye Malaya. Ilang saglit pa'y may mga nag-iiyakan ng mga bata, at naghihiyawan na at nagkakalampagan na ang mga kaldero at makina sa iba't ibang dako ng iskinita.

 Samantalang ang bahay ni Ampeng na pinagmulan ng samu't saring ingay bago pa man ang lahat ay nagsimula na ring magkalampagan. Hagis dito hagis doon, kalt dito at kalat doon ang mababanaag sa mga nagnanais na tumanaw mula sa kanyang maliit na gate sa harapan ng kanyang bahay. Mabubungaran mo ang makulay na makulay na mga kalat ni hindi mo maintindihan kung sadyang inimbak o wala lang talagang mapagtapunan.

Kilala syang s Ampeng Busangot, ang dalagang ipinanganak na nga yatang nakasimagot. Isa syang dalaga na palaki ng kanyang matandang dalagang tiyahin na hindi mo masabing simangot din na kagaya nya. Medyo may kasungitan na nga lamang din ito dahil matandang dalaga ika nga. Sya ay si Manag Boneng na kilala sa kanilang iskinita na matandang white lady. Putian ang kanyang mahahabang buhok na tila ba alambre na rin sa tigas. Mahilig din ito lumabas sa gabi para lumanghap ng malamig na hangin na para naman sa iba'y animo'y nananakot sa dilim.

Samantalang si Ampeng naman kapag ganito na ay himbing ng natutulog na akala mo'y pagod na pagod sa maghapong pagkakalat. Hindi nito alintana ang dumi sa paligid at ang naimbak na masangsang na amoy ng kanilang tahanan. Kuntento na rin ito na hindi madalas nakakapaghilamos man lang bago humilata. 

"Hindi yata natutong maglinis, magligpit at maligo ang dalawang yan. Animo'y mga bruha ng makabagong panahon eh." ang sabi ng babaeng wala na yatang inobserbahan sa araw-araw kundi ang mag-tiya.

"Hay naku! Hindi na tinatablan ng dumi ang mga yan. Pati mga mikrobyo ay siguradong naglayasan na ang iba dahil sila'y over crowded na." ang sagot naman ng isang may katandaan na din na dalaga.

Para sa karamihan, kakatwa ang buhay ng mag-tiya. Madalas silang centro ng daldalan ng mga kapitbahay na walang mapaglibangan lalo pa't nauubusan na rin siguro ng mapag-uusapan. Kaya't sa araw-araw ay mababanaag mo sa mukha ni Ampeng ang pagkadismaya kapag sila ay nabubungaran.

"Itong mga tsismosang 'to, wala na namang makitang iba. Sarap pagtitirisin ng mga dila." ang bulong ni Ampeng sa sarili habang labis-labisna ang pagkakalukot ng mga mukha dahil sa hindi maitagong pagkadismaya sa mga tsismosa nitong kapitbahay.

Ang mga nag-uumpukang kababaihan nama'y tila mas naaaliw na makita kahit pa yata milyang layo na ang mas grabeng pagkakasimangot ng mukha nito dahil ginawa na nila itong parang series sa telebisyon na komedya ang tema. 

"Hay, ewan ko ba kasi dyan kay Boneng...kung tutuusi'y napakaganda naman sana nung dalaga. Na-iwanan lang ng nobyo'y akala mong napagsukluban na ng langit at lupa." ang sabat ng isang matandang lalaki na kamakailan lang ay nakikiumpukan na rin sa tindahan ni Aling Tasya. Wala ng magawa sa bahay kung kaya't nakikipagkwentuhan na rin paminsan sa mga ito magbuhat ng matanggal na sa pinagtatrabahuang pabrika dahil say ay may edad na.

Nanlaki naman ang mata ng isang kadadarating lang na nanay para bumili sana ng limampisong mantika.

"Talaga po ba! Aba'y may nagkamali pala kay Manang Boneng na umibig, ganun po ba? Aba'y mukhang napakasaklap ng pangyayari na yan." ang sabi nito.

"Teka, ibig nyong sabihin ay magandaa si Manang Boneng noong araw na sya ay dalaga. Parang hindi naman po yata kapanipaniwala." agad namang sinag-ayunan ng nagwawalis lang sa harapan ng kanilang bahay na malapit sa tindahan.

Hindi na nakatiis at sumali na rin sa umpukan ang may-ari gn tindahan na si Aling Tasya na noong araw pala'y isa ring mabuting kaibigan ni Manang Boneng. "Maganda, maputi at mabait naman talaga si Boneng." anang matandang babae.

"Talaga!" Namumulagat ang mga matang sabay sabay na tinuran ng tatlong babaeng tsismosa na halatang hindi makapaniwala sa narinig. Para sa kanilang kapanapanabik ang mga susunod na sasabihin ni Aling Tasya. May katandaan na ito at alam nilang halos kasintanda nga ito marahil ni Manang Boneng. At hindi nila inabot ang mga panahon ng kadalagahan ng mga ito.

Tila naman naging inspiradong magkwento ang matandang babae na akala mo'y isang titser na sabik na magturo sa kanyang klase. 

"Magkaibigan naman talaga kami ni Boneng," ang sabi nito. "Nung araw ay siya ang nag ma-Maria Elena dito lalo pa't talaga namang namumukod tangi ang ganda nyang si Boneng sa karamihan. Marami talagang manliligaw yan dito at may mga dumarayo pa nga galing sa ibang bayan. Masungit lang kasi ang ama ni Boneng at sadyang mapanghimasok sa buhay nilang dalawang magkapatid." Ang tinutukoy nito ay ang ina ni Ampeng na namayapa na. 

"Apat na taon ang agwat ng magkapatid na si Auring at Boneng. Napakaganda ng nanay ni Ampeng kaya't napakarami din ng umaligid na manliligaw dito. Pero sa kasawiang palad ay umibig ito sa isang taga malayo. Hindi naman tumutol ang mga magulang nila dito pero napag-alaman ng ama nila na ito'y may asawa na at anak sa ibang bayan. Halos ikakasal na sana  nila ang dalawa. Kaya pilit pinaglayo ni Mang Domeng sila Auring at Pedring. Napaghiwalay naman nila ang mga ito dahil idinemanda nila ang binata ng harassment." ang nagmumuni-munign kwento ni Aling Tasya.

"Huli na ng malaman ng mga magulang ni Auring na siya pala ay buntis, at iyon na nga si Ampeng. Kung tutuusi'y inalagaan nila ng maayos ang pagbubuntis nito. Pero naging lubhang matigas ang ulo ni Auring dahil nalaman nila na nakikipagtagpo pa rin ito kay Pedring. Iyon ang naging dahilan ng atake sa puso ni Mang Domeng. Na ikinalungkot ng labis ng asawa nito kaya halos naging sukob ang pagkamatay ng mag-asawa. Natauha naman kahit paano si Auring at kusa na rin itong nakipaghiwalay sa ama ni Ampeng." sabi ni Aling Tasya.

"Pero halatang hindi nya kinaya ang depresyon, dahil sa pagkamatay ng magulang at sa sapilitang pakikipaglayo sa kasintahan. Nagratay ito at dinapuan ng matinding karamdaman. Sa pagkakaalam ko'y breast cancer. At hindi nito kinaya kaya maaga ring pumanaw. Yun ang dahilan kung bakit si Boneng ang nangangalaga ngayon kay Ampeng." anang matandang lalaki na mula simula ay nakikinig kay Aling Tasya.

"Naiwang nangungulila sila Boneng at Ampeng sa kani-kaniyang mga magulang. Pero lingid sa alam ng mga magulang ng mga ito, si Boneng ay mayroon ding lihim na kasintahan. Ang pangalan nya Simeon. saksi ako sa pag-iibigan nilang dalawa dahil naging kaibigan ko si Simeon. Pero nabahag yata ang buntot ng loko dahil hindi pa man sila ay may anak na syang pangangalagaan at magiging obligasyon." ang sabi pa nito.

'Naku, e wala naman talagang matigas na buto yang si Simeon. Hindi makaalis sa palda ng kanyang nanay. Paano naman nya pangangatawanan si Boneng." ang sagot naman ni aling Tasya na halatang dismayadong naalala ang binatang dating kasintahan ni Boneng.

"Ang hindi lang maganda ay labis na inibig kasi ito ni Boneng. Kaya ng umalis ito pa-Maynila ay hindi na nito pinansin ang lahat ng nanligaw sa kaniya. Inisip siguro nya na ganundin ang gagawin ng karamihan ng mga lalaki." ani  Mang Rogelio.

"Naku, aminin mo, nagkagusto ka rin naman talaga kay Boneng. Hindi mo lang talaga nasungkit ang kanyang matamis na oo." ang nangingiting sabi ni Aling Tasya.

"Lalong pinanlakihan ng mga mata ang mga tsismosa na ngayon ay lima ng katao. Sabik na sabik na nagtanong ang isa sa mga ito, "Kaya po ab hanggang ngayon ay binata pa po kayo, Mang Rogelio?"

"Hala, ay kapanapanabik at singkulay naman pala ng absura sa bahay ng mag-tiya ang kwento ng aknilang buhay ey." ang sabi naman ng isa pa.

"Ibig nga bang sabihin, Rogelio, ikaw ay umaasa pa rin kay Boneng ha?" ang napapangiting winika ni Aling Tasya rito.

Isang malalim na buntunghininga ang pinakawalan ni mang Rogelio sa mga ito. " Walang naging inspirasyon sa buhay si Boneng kundi si Ampeng. Nakakabilib nga at sa kabila ng silang dalawa lamang ay tinaguyod niyang mag-isa ang pamangkin at napalaki nya ito at napagtapos. Kung kayo ba iyon ay magagawa nyo rin na isuko ang sarili ninyong buhay para maitaguyod ang para sa pamangkin ninyo? ang tanong ni mang Rogelio.

Nag-isip naman ang mga tsismosa na anomo'y mga estudyandeng binigyan ng katanungan na pagkahiraphirap at walang maisagot dahil hindi mga nakapagbasa ng kanilang mga libro.

"...kung tutuusi'y maganda si Ampeng. Marahil ay naging paraan lamang ito ni Boneng para mailayo na rin sa mga manliligaw at mga lalaking walang buto ang kanyang pamangkin. Marahil ay nadala lang sa buhay." anang Aling Tasya.

"Hindi pa naman siguro huli ang lahat", nagniningning ang matang sabi Mang Rogelio.

At nanggilalas ang mga tsismosa na animo'y may aabangang magandang kabanata sa buhay ng mag-tiya.

Nang sumunod na araw nga ay dumaan si Mang Rogelio na dalang guisadong pansit bihon sa magtiyahin. Nagulat naman si Boneng at parang napakatagal na panahon ay ngayon lamang nya muling nakita ang matandang binata. Bahagyang nagningning ang mga mata nito na akala mo'y sabik na makakita ng kakilala. Bahagyang naman nagulat si Ampeng ng mabungaran ang matandang lalaki. Natulala ito na parang hindi maintindihan ang mga pangyayari. Pero mapapansin na may kasiyahan sa mukha dahil medyo umaliwalas ng bahagya ito. 

Takang-taka man ay pinatuloy nila si Mang Rogelio. Aligaga si Ampeng na magtanggal ng gamit na nakapatong sa uupuan nito. Halatang hindi tumatanggap ng bisita ang magtiya dahil walang upuang walang kalat na nakapatong sa mga ito.

"Nangungumusta at pinagdala ko lamang kayo ng pansit" ang sabi ni Mang Rogelio. Halatang natuwa ito sa nakitang reaksyon ng magtiya dahil nadalaw sya. AT magbuhat noon ay araw-araw ng dinadalaw ni Mang Rogelio ang dalawa. Kinakitaan na rin niya ng pagsisinop sa bahay ang mga ito. Labis na ikinamangha ito ng mga tsismosa. Nakita nila ang malaking pagbabago ng kalinisan sa bahay ng mga ito. 

"Mayroon talagang himala!" ang nagsisimula na namng umpukaan ng mga tsismosang magkakapitbahay sa tindahan ni Aling Tasya. Nabungaran kong napaka-ayos ng bakuran nila Manang Boneng at Ampeng. 

"At alam nyo bang natanawan ko kahapon si Mang Rogelio na tumutuong nagdadamo kasama ni Manang Boneng at Ampeng sa bakuran nila?" ang ibinida naman ng isa pang tsismosa.

Araw-araw ay nakakasaksi ng pagbabago ang magkakapitbahay sa buhay ng magtiya. At ang pagbabagong iyon ay hindi katulad ng dati na para sa kanila ay katawatawang pag-usapan, bagkus ay parang isang himala at kakatwang pangyayari naman. 

Hanggang sa nagulantang sila ng halos nasa likod na pala nila ang isang may kagandahang itsura ng isang dalaga. Maayos na nakasuklay ang mga buhok nito na nakatali sa likod at may lasong panyo at malinis ang pananamit. Maaliwalas ang mukaha at may ngiti sa mga labi. Halatang makinis ang kutis at balingkinitan ang pangangatawan kahit ang damit nito ay maluwag.

Hindi ito namumukhaan ng mga tsismosa. Parang bagong salta na galing sa ibang bayan ang tingin nila. Pero hindi nila ito araw araw nakikita kaya medyo napapatingin sila dito dahil sa angkin nitong simpleng ganda. Nagulat si Aling Tasya sa nakita, kilala nya ang dalaga dahil hindi maikakailang kamukhang kamukha sya ng kanyang ina. Napakasimple manamit pero maganda at mapupungay ang mga mata. 

"Ampeng!" sabi nito sa dalaga. "Mabuti naman at lumalabas ka na. Kumusta na ang iyong tiya? Sabi ko na at napakaganda mo ring dalaga. Natutuwa akong bibili ka sa aking tindahan." sabi pa nito.

Nagulat ang mga kababaihan nag-uumpukan. Hindi akalaing ganito pala kaganda si Ampeng kapag nag-ayos. Nhiya sila sa kanilang mga sarili at anmoy nabuhusan ng malalamig na tubig ang bawat isa sa kanila. Mas magandang hindi hamak kaysa sa kanila ang kilala nilang si Ampeng Busangot. Hindi lang nila ito makita marahil dahil animo'y madusing palagi at ni hindi nagsusuklay at naliligo. Sabihin mo pang madalas ay t-shirt  lamang na luma ang parating suot nito. ANg mga buhok nito dati'y parang naninigas na alambre at palagi ng nakalugay. At ang mukha ay halos hindi mabanaag dahil natatakapan ito ng mahaba nitong buhok sa twing lumalabas ng bakuran para maghagis ng mga bagay-bagay.

"Ikaw nga ba si Ampeng Busangot?" ang tanong ng magaling na tsismosa. 

"Pero bakit? Anong nangyari?" anang isa pa.

Inikutan nila ito na parang hindi makapaniwala sa nakikita. Ni walang bakas ni Ampeng Busangot ang kanilang makikita. Natatawa na lamang na umiling iling si Ampeng sa kanila. "Eto na naman sila!" sa isip-isip nya.

"Ako nga po!" sabay bahagyang pagpapakita ng nakasimangot niyang mukha. At dahil dito ay bahagyang natauhan ang mga ito. 

"Ikaw nga talaga! Naku at napakaganda mo naman pala e. Bakit hindi na lang palaging ganyan. Nakakainggit ang kinis ng iyong kutis. Marahil ay dahil sa hindi ka palalabas ng bahay." ang tugon ng isa pa ding tsismosang kapitbahay.

Dahil dito'y nagmamadaling nagpaalamanan isa-isa ang mga tsismosa, napagkasunduang hindi na rin muna maglalalabas para maging epektibo rin daw sa kanila ang magpaputi para naman ging maganda din silang kagaya ni Ampeng. Lihim na natuwa si Aling Tasya sa iginawi ng mga ito. Alam nyang mula sa araw na iyon ay hindi na pagpipistahan ng mga ito ang buhay ng magtiya.

Naiwan naman si Aling Tasya at Ampeng sa magkaharap sa tindahan. Nakangitian ang dalawa.

"Aling Tasya, imbitado po kayo sa pag-iisang dibdib ng aking tiya Boneng at tiyo Rogelio sa makalawa na gaganapin sa munisipyo sa bayan. Nais po nila kayong maging saksi sa kanilang kasal. Hindi na po ako tumutol dahil sadyang napakabait po ni tiyo Rogelio. At kami naman po nakapag-usap na ng mabuti. Sila na rin po kasi ang tumatayo at tatayong mga magulang ko ayon sa kaniya." Lubos lubos na ligaya ang makikita sa mukha nito habang kausap ang matandang babae.

"Naku! Ganun ba? Natutuwa ako para sa kanilang dalawa. Hindi na rin naman sila mga bata. Pero masaya akong binigyan nila ng pagkakataon ang kanilang mga sarili para magkaroon ng isang magandang buhay pamilya at maging magkakasama kayo ng isang masayang pamilya. Sabihin mo sa kaibigan ko na amkakaating ako at dadalhan ko sila ng isang magandang regalo" ang sabi nitong tuwang-tuwa kay Ampeng.

Hinawakan pa nito ang kamay ng dalaga at sinabing, "Maligaya ako para sa iyong bagong pamilya, Ampeng! magbuhat ngayon ay hindi ka na si Ampeng Busangot." sabi ng matanda. Napakunot ng noo at muling parang napa-simangot si Ampeng pero walang anu-ano'y ngumiti din ito kaagad na parang nakakaloko na labis na nagpatawa sa matanda. Masayang umuwi sa Ampeng dala ang bagong pag-asa sa bago niyang buhay pamilya.

At iyon ang naging simula ng pagbabago ng buhay ni Ampeng Busangot na nakatira sa Kaye Malaya. Kakaiba sa buhay na nakita ng karamihan sa simula pa lamang. Ngayon ay ehemplo na sila ng kalinisan at kagandahan ng tahanan. Malalago ang kanilang tanim at makulay na namumulaklak ang kanila ng hardin. Itinanghal bilang kapitan ng Kalye Malaya si Mang Rogelio at Si Manag Boneng naman ay nagbibigay naman ng libreng turo sa pagtatanim sa kanyang mga kapitbahay at nasasakupan. Habang si Ampeng naman ay naging tagapalakad na ng magandang proyekto para sa mga kabatan sa kanilang lugar.



Ang pamilya nila ay pinag-uusapan pa rin pero hindi para kutayain at pagtawanan bagkus ay isng inspirasyon sinusundan ng karamihan sa kanilang nasasakupan.

***

Aral:

Ang kalinisan ng kapaligiran ay may kakambal na kaunlaran.

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma