Bakit Maagang Tumitilaok Ang Mga Tandang
Alamat Ng Tandang
Noong unang panahon, ang sansinukob ay nasa pangangalaga ni Sidapa. Siya ang kilalang "Bathala ng Digmaan" na nangangalaga ng kapayapaan sa sangkatauhan. Batid ni Sidapa na nasa pakikipagkaibigan ng mga pinuno ang susi para hindi magkaroon ng hidwaan ang bawat pamayanan.Bago pa lang sumikat ang araw ay buong sigla ng kinakapanayam ng Bathala ang napakaraming punong tagapamahala ng bawat barangay na nakapila sa kanyang bulwagan. Si Sidapa ang nagsisilbing tagapayo ng mga ito upang mapanatili ang kapayapaan sa lahat dako. Sinisikap niyang paigtingin ang pagmamahal at pakikipagkaibigan sa puso ng bawat isa.
May mga datung hindi kaagad nakakasangguni sa Bathalang si Sidapa. Kapag nangyayari ang ganito, nauuwi sa alitan at digmaan karakaraka ang mga baranggay, dahil na rin sa sigalot sa pagitan ng mga pinuno nito. At lubos na nalulungkot ang Bathala kapag may nasusugatan o namamatay sanhi ng labanan.
Matutulis na sibat at matatalim na itak ang karaniwang panlaban ng mga mandirigma. Nakakikilabot at nakakadurog ng puso kung paanong nakikitlan ng buhay ang bawat mandirigma sa labanan. Naniniwala si Sidapa na hindi dapat naghahari ang poot sa puso ninuman. Naniniwala siyang kapag may digmaan ay walang pag-iibigan. At kung maghahari ang pag-iibigan ay mawawalan ng digmaan.
Galit na galit si Sidapa. Maraming hindi pagkakaunawaan ang naganap dahil hindi sya ginising ng madaling araw ng kanyang Sundalong Orasan. Dahil dito ay natuloy ang isang madugong digmaan sa pagitan ng dalawang malalaking hukbo. Ipinatawag ni Sidapa ang Sundalong Orasan. Humarap ito sa kanya na lasing pa at halatang hindi pa nahihimasmasan.
"Ikaw ang dahilan ng madugong digmaan na pinipilit kong hindi maisakatuparan."
Nagulantang ang diwa ng Sundalong Orasan ng makita ang nangangalit na mukha ng Bathala.
Saka lamang sya natauhan."Pa...patawad po, Bathalang Sidapa."
At sa isang kisapmata, ang Sundalong Orasan ay unti-unting lumiit at nagkabalahibo sa buong katawan. Naging pakpak ang mga kamay at nagkatahid ang mga paa. At nais pa sana niyang magmakaawa kay Sidapa subalit huli na ang lahat. Hindi na sya makabigkas ng salita at sa halip ay tumilaok itong napakalakas na animo'y nagpapa-alala sa lahat.
Labis ang lungkot ng Bathalang Sidapa sa mga pangyayari. At dahil na rin sa sama ng loob sa sangkatauhan ay hindi na sya nakisalamuha sa karamihan. Nilisan nya ang lahat ng walang paalam.
Umalingawngaw ang tinig ng Bathalang Sidapa.
"Tanda iyan ng iyong kapabayaan!"
"Tandaan mo ang iyong kapabayaan."
"Tandaan mo."
At sa sobrang kahihiyan, ang sundalong orasan ay hindi na nagpabaya kailanman.Tinawag na rin syang Tandang. Tumitilaok sya sa madaling araw at ginigising ang sandaigdigan. Kasabay nito ay pinipilit din nyang hingin ang kapatawaran ng Bathalang si Sidapa. Kung kaya sa tuwing tumitilaok ang Tandang ay nakatingala ito sa kalangitan.
Ito ang maalamat na kwento ng Tandang.
***