Ang Batang Gabay

Si Luna, Ang Batang Gabay

Si Luna, Ang Batang Gabay

Balingkinitan ang murang katawan sa edad na pitong taong gulang. Matatas man sa pananalita at maliksi kung gumalaw, si Luna ay may masasabing maliit at kulang talaga sa timbang kumpara sa mga batang kasing edad nya.

Subalit hindi ramdam ng batang si Luna ang lahat ng ito. Sa murang isip ay isa na syang gabay na maituturing.

Tuwing umaga ay nagigisnan ng bata ang masigasig at masipag na amang walang ginawa kundi simulan ang araw sa pamamalakol ng mga tuyong kahoy para gawing panggatong. Ito ang ginagamit ng ina ni Luna para sa pagluluto ng kanilang makakain sa araw-araw.

Pagkatapos magsibak ng mga kahoy ay tatawagin na ni Mang Kanor ang anak na si Luna. Masigla itong tatakbo at isusuot ang mga tsinelas na pinudpod na ng panahon sa kakalakad kasama ang amang buhat isilang ay pinagkaitan na ng liwanag. Isinilang na may kapansanan sa paningin ang kanyang ama. Bulag ang mga mata nito at nakakaaninag lamang ng animoy' aninong balangkas ng tao na nnagpapalakas ng pakiramdam nito sa paligid.

Maaga kung gumising ang mag-anak. Ito'y nakagawian na nila at marahil ay dahil na rin sa pangangailangan kung kaya ang musmos na bata ay parang sanay na sanay na sa gawaing ito bilang panganay na rin sa tatlong magkakapatid.

Mapagmahal na bata bata at anak si Luna. Sa murang isip ay batid niyang malaki ang responsibilidad na naka-atang sa kanya bilang panganay sa kanilang magkakapatid na may amang bulag at inang may pagka-masasakitin. 

Pagkagising sa umaga'y hanap na kaagad ni Luna ang patpat ng may isa't kalahating metro ang haba na sya nilang tangan mag-ama sa magkabilang dulo habang binabagtas ang mabato at mabundok na talahiban para puntahan ang kanilang pananim na gulayan. Si Luna ang mistulang mata ni Mang Kanor sa bawat lakad na kanilang pupuntahan. Sa murang isip ay siyang nagmistulang gabay ng matandang bulag para makapagtrabaho para sa kanilang pamilya.

At kapag pakiramdam ni Mang Kanor na napapagod na ang maliliit na binti at paa ni Luna ay pinapasan niya ito sa kanyang ulunan na ang mga paa'y nakalaylay sa kanyang mga balikat. Sa ganito'y ibinibigay ni Luna sa ama ang direksyon ng kanilang lalakaran kung kaya't buong kumpyansa ang matandang lalaki sa kanilang paroroonan. 

Ang mga nakakakilala sa mag-ama'y naantig ang puso sa kanilang nasasaksihan na pagsusumikap at pagtityaga ng mga ito sa buhay. Ganuon na lamang ang paghanga ng marami sa batang si Luna na minsan ma'y di nagpakita ng kasabikan sa pakikipaglaro sa kapwa bata bagkus ay laging nakaalalay sa kanyang ama ng buong pag-aalala at pagmamahal.

Si Luna ay isa ring batang madasalin kung kaya't sa kabila ng kanilang kondisyon ay di nagiging mahirap sa kanilang mag-anak ang makatawid sa araw-araw nilang buhay. Marami ang sa kanila ay buong pagmamahal na nagbibbigay ng tulong sa mag-ama dahil na rin sa kanilang mabubuting kalooban. At ang lahat ng kanilang tinatanggap na biyaya ay sinusuklian naman nila ng buong pusong pasasalamat at tapat na pakikipagkapwa tao.

***

Aral sa Kwento

Mahirap ang maging mahirap, subalit mas mahirap ang maging tamad. Ang lahat ng kabutihan at pagtityaga ay may sukling mabuting biyaya  basta taos sa puso ang gawa.

Si Luna ay salamin ng kahirapan na sa murang isip ay sinubok ng pagkakataon ang kabutihan ng puso at pinanday ng pagmamahal sa kaniyang pamilya. Salat man sa rangya ng buhay, may yaman naman na di mahahanap at mapapantayan ng kahit nong materyal na bagay. At sa puso ng Maylikha ay may pagkatao na gintong tunay.

Sponsored:

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma