Bakit Tinawag Na Alagaw Ang Halaman
ALAMAT NG ALAGAW
Noong ika-labinlimang dantaon, humigit kumulang, ang Lumang Taal ay isang masaganang balangay sa talpukan ng alon ng Lawang Bunbon na sakop ni Raha Matapang. Ang Batangan tulad sa ngayon ay di pa lalawigang natatatag kundi pulu-pulutong na mga balangay sa ilalim ng kapangyarihan ng iba’t ibang raha at lakan. Nang panahong iyon ay kaylimit salakayin ng mga Moro ang baybay-dagat ng Balangay pati ng Ilog Pansipit. Dahil dito’y naglakip ang mga munting balangay upang magdamayan at isailalim ng pangaiwa ng lalong matapang at makapangyarihang lakan. Ang Taal ang pinakamatibay na moog laban sa Kamorohan.
Minsan, si Raha Matapang, bantog na mandaragat ay nagpadala ng mga kawal upang sagupain ang mga Moro sa larangan ng digma sa baybayin ng Mindoro. Ito’y kanyang isinagawa upang ang kanyang kaharian ay malayo sa anumang kapinsalaan ng digma. Napabilang sa mga kawal ang binatang si Marahas na uliran sa bait at sigla. Bago lisanin ni Marahas ang kanyang kasintahang si Mutyang Marikit ay nagbilin ng ganito: “Minamahal kong Marikit, sa pag-alis ko ay dala ko ang kabuhayan at kamatayan. Ang utos ng ating Matanda ng Balangay ay di maaaring suwayin. Ikaw ang unang-unang pupula sa akin kung tatalikdan ko ang tungkuling iniatas ng ating balangay.”
“Oo, lilisan kang baon mo ang aking pagmamahal.”
Si Marahas ay nagpatuloy: “Iiwan ko sa iyong kandili at pag-aaruga ang isang halamang ituring mo naring ako – ang aking sarili. Kung ako ay masawi ito’y malalanta. Kaya siya’y diligin mo at pag-ingatan. Ang luha mo lamang ang tanging lunas.”
Naghiwalay sila.
Nalagas ang mga araw sa tangkay ng panahon. Walang balitang galing kay Marahas. Patuloy din nang pagmamalasakit ni Marikit sa halamang iniwan sa kanya ng kanyang giliw. Pinagyaman niya ang nasabing halaman sapagka’t ito lamang ang naiwang tanging sanla ng irog at taga-pagpaalala ng kanyang katapatan.
Isang araw, ang halaman ay nalanta. Nagsadya siya sa palasyo ni Raha Matapang upang makibalita tungkol kay Marahas. Ang mga kawal na nagbalik sa digmaan ay nagbalita at nagpatotoong si Marahas ay nasawi, nguni’t nasawing taglay ang karangalan sapagka’t sila’y nagtagumpay naman.
Umuwi si Marikit na ang puso’y halos mawalat sa kapighatian. Ang kanyang tanging aliw lamang sa sarili ay ang pangyayaring ang kanyang mahal ay namatay sa ngalan ng kabayanihan.
Gabi’t araw ay dinilig niya ang halaman ng mga patak ng luha. Sa kanyang matamang pag-aalaga, ang halaman ay muling umusbong, lumago ang mga dahong masisinsin at namumulaklak.
Si Marikit ay naging masasaktin. Subali’t ang bawa’t karamdama’y may lunas. Kung siya’y dadalawin ng sakit ng ulo, may lagnat, may sipon at nag-uubo, ang mga dahon ng halaman o ang mga bulaklak nito ay kanyang inilalaga. Matapos magpunas sa pinakulong tubig, siya’y gagaling agad. Kung sumasakit ang kanyang tiyan iinom ng tubig na pinaglalagaan ng halaman. Natambad sa kaalaman ng madla ang lunas na idinudulot nito. Nagsigaya ang mga kapitbahay ni Marikit hangga’t ang buong balangay, di lamang ang buong Batangan kundi ang Katagalugan ay natutong uminom ng alagaw.
Subali’t bakit tinawag na alagaw ang halaman? Si Marikit ang nagbigay ng ngalan… kinuha sa mga salitang “Alaga raw” alaga araw ni Marikit ang halaman.