Saan Nagmula ang Kwento Ng Banahaw
Alamat Ng Banahaw
Nuong araw na hindi pa kilala ang malaking bundok sa gitna ng pulong Luzon sa ngalang Banahaw at ang mga bayang nakatayo sa paanan nito ay hindi pa nangagsisi-usbong at ito'y isang liblib pa lamang subalit mayroon na ring mga taong naninirahan. Mas marami nga lamang ang mga mag-aanakan na naninirahan sa malapit sa ilog.
Isa na sa mga naninirahan rito ay ang mag-asawang Lucban at Bayabas na biniyayaan naman ng nag-iisang anak na lalaki. Pinangalanan nila itong si Limbas. Si Limbas ay may namumukod tanging lakas, tapang, at bilis. Natanyag ang pangalan ni Limbas sa paligid-ligid ng malaking bundok dahil sa bibihirang may makaligtas na buhay ng usa, baboy-damo, unggoy at malalaking ibon kapag lumipad na ang kanyang panudla.
Umaalingawngaw ang katapangan at kagitingan ni Limbas sa mga karatig bayan at naging hantungan din ito ng paghanga ng lahat.
Nagulat ang lahat ng isang araw ay napapabalitang nawawala ang binata at gayon na lamang ang paninimdim ng kanyang mga magulang. Hindi makakain at hindi makatulog sa hindi pagdating ng kanilang tanging anak.Makalipas ang pitong araw na punong-puno ng pag-aalala at pagkabalisa ay muling nagbalik si Limbas. May dala-dala siyang isang balutan ng sari-saring damit at mga nagsasarapang mga pagkain.
Mangiyak-ngiyak sa tuwa ang kaniyang mga magulang ng siya ay makita. Nagkwento ang binata sa kanyang karanasan. Isang maginoong may puting balbasin ang sa kanya ay nakipagkilala. Isa siyang engkantado. Sa maharlikang tahanan nito sa tugatog ng bundok ay doon isinama nito si Limbas.
"Doon sa lugar na iyon, ang lahat ng mga hayop ay pawang mga puti ang kanilang mga balahibo. Pati mga manok at maging ang mga usa. Ang kakawan ay sadyang napakalawak at talaga namang hitik na hitik ang mga bunga. May sasakyang hinihila ang dalawang kabayong puti na siya nilang ginagamit sa paglalakbay sa buong Luzon. At sumama lamang naman ako, at sa pag-uwi ko'y hindi mawawala ang dulot."
Iyong balutan ng damit at pagkain na pasalubong ni Limbas sa kanyang mga magulang ay siyang unang dulot ng maginoo. Ang bilin nito kay Limbas bago maiabot ang dulot ay dapat munang humalik ng kamay si Limbas sa kanyang mga magulang. Anupa't ang hindi paghalik ng kamay ay makapagpapabago sa dalang dulot. Paulit-ulit na nawala si Limbasng pituhang araw at sa tuwing siya'y babalik, sari-saring kasuotan at pagkain ang dala ng binata na nakasisiya sa kalooban ng kanyang mga magulang.
Minsang pabalik ng bahay si Limbas ay isang balutan ng maliliit na bolang ginto ang padala ng maginoo. At sa tuwa ni Limbas ay nakalimutang humalik muna ng kamay sa kanyang mga magulang ang binata. At kara-karakang binuksan ang balot at sinabing, "Narito po ang ating kayamanan, mga bolang ginto!"
Subali't ng buksan ang balutan ay hindi ginto ang laman nito kundi mga bunga ng Anahaw.
Kaya't sa pagkagulat ay napasigaw si Limbas ng, "Ba! Anahaw! Ba! Anahaw!"
At buhat noon ay tinawg na Banahaw ang malaking bundok na iyon sa gitnang Luzon. Gayon din ang bayan ng Lukban at Tayabas ay nagsimula sa pangalang Bayabas at Lukban, na galing naman sa mga magulang ni Limbas.
***