Ang Kumot Ni Pinang

Ang Kumot Ni Pinang

Maliit pa si Pinang ay gamit na niya ang kanyang dilaw na kumot na bago pa lamang sya ipinanganak ay matyaga ng ginagantsilyo ng kaniyang ina. Paborito nya itong paglaruan habang sya ay nasa duyan at animo'y di ito makatulog sa gabi kapag di nya ito katabi. 

Umiiyak din ang batang Pinang kapag nawawaglit ito sa kanyang paningin lalo na at kapag ito'y pinipilit ng ina na labahan. Titigil lamang ang batang si Pinang kapag ito'y kanyang nasilayan na sa sampayan.

Aliw na aliw ang kanyang ina sa labis na pagkahumaling nito sa kanyang kumot. Wari ba'y parang kakambal nya itong lumalaki at di ipagpapalit ang kahit na anumang bagong laruan para sa kanyang kumot. Nakaburda sa maliit na bahagi nito ang pangalan ni Pinang. Hinabi iyon ng pagkaganda-ganda at tinabihan pa ng bulaklak na disenyo.Masinsin ang pagkakatahi at isa iyon sa tuwang-tuwa si Pinang na pinagmamasdan palagi.

Isa sa ugali ni Pinang kapag katabi ang kanyang kumot ay palagi nya itong inaamoy-amoy at mahigpit na niyayakap. Hindi nya talaga ito ikinukumot. Makailang ulit ng tumahi ng panibagong kumot ang kanyang ina para may kahaili ito subalit hindi ipinagpapalit ni Pinang ang kanyang lumang dilaw na kumot.

Walang magawa ang ina kundi hayaan na lamang ang anak na nakagawian. At dahil nais din nitong maintindihan kung bakit ganuon na lamang ang pagkagusto ni Pinang sa kanyang kumot, iisa ang naging tugon ng ngayon ay siyam taong gulang na si Pinang. "Dahil alam ko pong labis-labis ang pagmamahal nyo sa akin na kahit hindi nyo pa ako naipapanganak ay labis nyo na akong hinihintay na makita. Kaya't labis ko po itong pinahahalagahan, Inay!"

Sapat na ang narinig ng ina ni Pinang para mapayakap sa anak. Alam niyang lalaking mabuting bata at mapagmahal ang kanyang si Pinang. Alam niyang hanggang sa pagtanda'y pangangalagaan at mamahalin sya nito kagaya na lamang ng pangangalaga nito sa kanyang dilaw na kumot.

***


Aral: Ang pagmamahal ng Ina sa anak ay di mapapantayan ng sinuman o anuman bago at pagkatapos itong masilayan pero gagawin ang lahat para sa kanilang kaligayahan. At ang wagas na pagdadakila ng anak sa kanyang ina ng may pagmamahal at paggalang.

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma