Alamat ng Gagamba

Bakit Nga Ba Mahilig Gumawa Ng Sapot Ang Gagamba

Alamat Ng Gagamba

Noong araw ay may isang dalagang nagngangalang Gamba. Kilala siya bilang isang magaling na mananahi sa kanilang bayan. 

Ang alamat ng gagamba at kung bakit mahilig gumawa ng sapot ang gagamba.
Alamat Ng Gagamba

Alam ng lahat na maliit pa lamang si Gamba ay masigasig na itong humabi ng tela. Iba't-ibangdisenyo na ang nagawa niya dahil sa kanyang angking talento sa paghahabi. Dahil alam niyang siya ay pinakamahusay, taas noo si Gamba kung maglakad at walang sinumang pinapansin.

Wala siyang kaibigan at hindi iyon mahalaga sa kanya. Madalas ay maliit ang tingin niya sa nakararami. Dahil sa sobrang bilib sa sarili, hindi na niya napapansin ang unti-unting pagpangit ng kanyang ugali.

"Ate, maaari mo ba akong pahiramin ng karayom mo at pamburda? Nais ko rin sanang matuto gaya mo. Pwede ba?"
Galit na tumugon si Gamba sa kapatid na babae. 

Kahit alam ng kapatid na medyo madamot din si Gamba pagdating sa mga kagamitan nito. Hindi niya matiis na hindi lumapit dito at humingi ng kaunting pabor. Pinipilit niyang makitungo ng maayos sa kanyang ate, subalit...

"Lumayo-layo ka nga rito. Huwag mong mahiram-hiram ang pamburda ko at baka masira mo pa ito. Wala ka namang maipambibili kung saka-sakali. Layo!

Tumakbong umiiyak ang kapatid na babae ni Gamba. Ramdam niya na hindi siya itinuturing na kapatid ng ate niya dahil hindi siya kasing galing nito. Parang langit ang taas nito at lubhang napakahirap abutin.

Nang sumunod na araw, ang kapatid na lalaki naman ni Gamba ang lumapit sa kanya. Nakisuyo itong sulsihan ang napunit nitong kamiseta. Subalit itinaboy rin ito ni Gambana animo'y ibang tao.

"Istorbo ka. Doon ka sa nanay magpatahi ng kamiseta mo! Tutal naman ay walang ginagawa ang matandang iyan! Hala, duon ka!"
Dinig na dinig ng ina ni Gamba ang mapagmataas na boses nito mula sa di kalayuan. Nagpupuyos ang damdamin ng kahabag-habag na ina. Gusto sana niyang saktan ito subalit nagpigil siya alang alang sa iba pa nitong mga kapatid.

"Sumosobra ka na Gamba. Obligasyon mong magpakita ng kagandahang asal sa iyong mga kapatid. Hindi mo sila dapat pagdamutan bagkus ay dapat mo pa nga silang tulungan. At hindi lang kapatid mo ang dapat mong pakitaan ng kagandahang loob. Lahat ng nangangailangan ay dapat mong kalingain. Matuto ka ring gumalang."

Ngunit parang walang narinig si Gamba.Nagpatuloy lang ito sa paghabi ng tela mula sa sinulid na nasa ikitan niya. Napailing na lamang ang ina at masama ang loob na iniwan si Gamba.

Isang hapunan, hindi nakatiis ang ina at inaya nitong maghapunan ang mga anak ng sabay sabay. Subalit, isang pagalit na sigaw lamang ang isinukli ni Gamba sa kanya.
"Ano ba kayo. Iniistorbo nyo na naman ako. Di nyo ba nakikitang marami pa akong tinatapos na tahiin?"

"Ba...baka magkasakit ka, anak, kung malipasan ka ng gutom."
"Hayaan nyo nga muna ako. Alam ko ang ginagawa ko." pasinghal na sagot nito sa ina.

"Gamba, kasalanan sa Diyos ang pagtanggi sa pagkain anak."
"Anong kasalanan? Kailan pa naging kasalanan ang maging masipag sa pagtatrabaho? Wala akong pakialam kung kasalanan man iyon. Uulitin ko, huwag kayong istorbo sa mga ginagawa ko. Pwede ba?"

"Patawarin ka ni Bathala." ang luhaang sabi ng kaniyang ina.

Sa awa ng magkakapatid sa kanilang ina, napahiling na lamang ang kapatid niyang babae ng ganito dahil sa inis kay Gamba, "Sana humabi ka na lang ng humabi habangbuhay."
"Oo nga, humabi na lang ng humabi...ng humabi...ng humabi," dugtong ng kapatid niyang lalaki.

Dumagundong ang kulog, at biglang nagdilim ang langit. Gumuhit ang matalim na kidlat sa kalangitan. Isang makapangyarihang tinig ang umalingawngaw at ito'y halatang galit.

Narinig ni Bathala ang hiling ng magkapatid.

"Naging mapagmataas ka sa kaunting kaalamang bigay ko sa iyo. Labis kang naging mapag-imbot sa iyong kapwa. Di mo kinalinga ang mga kapatid na kailangan mong tulungan. Hindi mo rin binigyan ng puwang sa puso ang magulang mo. Pati na ang biyaya sa hapagkainang dulot ko ay tinalikuran mo. Marapat kang parusahan. Dahil paghahabi lang ang binigyan mo ng halaga, paghahabi na lang ang gagawin mo araw-araw, minu-minuto!"

Pagkasabi nito ay biglang nawalang parang bula si Gamba mula sa kanyang kinauupuan. Isang insektong paikot-ikot na humahabi ng sapot ang tanging makikita sa silyang kanyang dating kinauupuan.

Napahagulgol na lamang ang ina sa sinapit ni Gamba. Wala na itong nagawa kundi ang tumangis at pagmasdan ang munting nilalang na nasa sapot. Alam niya na ito si Gamba. 

Magmula noon ang insekto ay tinawag na gagamba. Inaalala nila kung papaanong hindi tumitigil si Gamba mula sa kanyang paghahabi. Gayundin ang gagamba, ngunit hindi ng sinulid sa ikitan kundi ng sapot mula sa kanyang katawan.

***

Aral ng Kwento:

Ang taong mapagmahal at marunong gumalang ay lubos na kinalulugdan ng marami. Aanhin mo ang talentong sa iyo lang makikita kung tatanda ka namang may lumbay at patuloy na nag-iisa. 

Sponsored:


Mas Bago Mas luma