Alamat ng Pakwan

Bakit Simpula Ng Dugo Ang Laman Ng Pawan

Bakit nga ba simpula ng dugo ang laman at simbilog naman ng ulo ang pakwan?

Alamat Ng Pakwan


Kung inyong maaalala ay humigit sa tatlong daang taong namalagi sa Pilipinas ang mga Kastila. Nilayon ng Espanya na sakupin ang mga katutubong Pilipino. Naging kasangkapan ng mga Espanyol ang Katolisismo para lalong mapadali at mapag-igi nila ang pamamalakad dito. Bagamat sa Limasawa, Leyte nagdaos ng unang misa, may isang paring Kastilang nagngangalang Padre Novelles ang nakarating sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Sinikap niyang kumbinsihin ng mabuti ang mga katutubo upang maging Katoliko. At para magawa ito, pinag-aralan niyang makapagsalita ng kanilang wika. Madali naman siyang natuto. At dahil matagal na ring sumasamba sa mga anito ang mga katutubo, hirap na hirap si Padre Novelles na manghikayat sa kanila.

Lalong pinag-ibayo at pinagsikapan ng paring Kastila ang pagtuturo ng buhay at mga aral ni HesuKristo. Binigyang diin niya ang pagkapasan ng Anak ng Diyos. Isinalaysay niya ang pagkapasan ng krus upang iligtas lamang ni Hesus ang mga makasalanang tao ng daigdig.

Sapagkat misyunero, marami ang naliwanagan sa katotohanan. Pero kahit marami ang susunod sa itunuturo ng paring Espanyol ay may isang barangay na malugod pa ring sumasamba na mga anito. Ito ay ang barangay na pinamumuan ni Datu Diliwariw. Ayaw ng datu na bigyang pansin at paniwalaan ang mga aral na itinuturo sa Katolisismo. Sa labis na pagkagalit ay ipinadakip mismo ng datu sa mga nasasakupan ang misyunerong nangangaral.

Sapagkat batay sa turo ng Katolisismo ay nagpasan ng krus at ipinako sa kabundukan si HesuKristo. Ito rin ang parusang ipinataw ng di binyagang datu sa paring Katoliko.

Awang-awa ang maraming katutubo sa pagpapasan sa krus ni Padre Novelles. Ang maalikabok at baku-bakong lansangan ng Nueve Ecija ay kanyang pinagtiisang dinaanan. Sa bundok ng mga anito na ngayon ay kilala bilang bundok ng Caraballo ay itinindig ang krus. Habang nagbabaga ang sikat ng gintong araw ay isinakripisyo ng misyunaryo ang kanyang abang buhay. Katulad rin ng kwento ni Kristo , isang matulis na sibat ang tumapos sa hininga ng paring Katoliko. Ang sariwang dugo sa dibdib nito ay mayamang umagos sa lupang pinagtindigan ng krus nito.

Matapos ipapatay ay hindi mapakali si Datu Diliwariw. Naalala niya ang itinuturo ng misyunero na si Hesus daw ay muling nabuhay makalipas ang ika-tatlong araw.

Upang makatiyak, isinama ng datu ang pinakamatapat na kawal ng sumapit ang ikatlong gabi patungo sa pinaglagakan ng yumaong misyunaryo. Gayun na lamang ang kanilang pagkagimbal ng mapag-alaman na ang bangkay na kanilang iniwan ay nawala sa kanyang kinapapakuan. Napaluhod bigla ang datu kasama ng mga kawal. Naalala nila ang mga aral na itinuro ng misyunero tungkol kay Kristo.

Taos pusong humingi ng tawad habang luhaan ang datu pati na ang mga kasama nito. Sa kanilang pagyuko at pagluha ay may napansin silang isang munting halaman sa lupang dinilig ng dugo ng kabanalan. Ang halaman kalaunan ay nagbunga ng animo'y makinis na ulo ng paring misyunero. At ng biniyak nila ito ay may laman na simpula ng dugo, matamis ang lasa at nakakaalis ng uhaw.

Nagsitangis ang lahat ng nakakatikim sa animo'y banal na prutas. Magbuhat nuon, ang naging Kalotikong datu'y palagi nang dumadalaw sa pinagpakuang kabundukan. Ang panata niyang iyon ay kalakip ng pagtanggap sa kaparusahan sa malaking kasalanang nagawa niya sa paring ipinapatay.

Sapagkat tumubo ang halaman sa pinagpakuan kung kaya't nauwi sa pakuan ang ngalan ng prutas na himalang umusbong na lamang. Samantalang ngayon sa panahong kasalukuyan ay kinilala ang prutas sa tawag na pakwan. At iyan na nga ang pinanggalingan ng alamat ng pakwan.

***

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma