Bakit Pinangalanan Itong Bundok Ng Kanlaon
Alamat Ng Bundok Kanlaon
Namumuhay ng masagana at tahimik ang mga Bisayang taga-Negros noong araw sapamumuno ng kanilang butihing hari na mapagmalasakit sa kanyang nasasakupan. Ang mga magbubukid na nagtatrabaho sa kanyang malawak na bukirin ay binibigyan ng magandang hati sa kanyang ani.
Ngunit sumapit ang tag-ulan at ito'y nagpatuloy ng ilang araw. Ang ulan ay lumakas at nagpatuloy na may kasamang malakas na ihip ng hangin. Dahil dito'y bumaha sa mga bukid at ang tubig ay umapaw hanggang tuhod. Tumaas ito ng hanggang baywang ngunit hindi pa rin ito tumigil hanggang sa ito'y maging hanggang leeg na.
Ang mga tao'y nabahala sa kanilang tanawin. Halos tubig na ang kanilang natatanaw sa mga bukirin. Nangangamba sila kung saan pa sila makaka-ani ng kanilang makakain. Batid nila na malaking kawalan sa kanila ang sanhi ngmalakas na pag-ulan.
Dahil sa labis na pagmamalasakit ng Haring Laon sa kanyang mga tao, hindi na niya inintindi ang mga pananim. Inisip niya ang kapakanan ng mga ito. Kung kaya't inipon niya ang mga tao at inatasan ang bawat isa para sa kanilangkaligtasan.
"Gumawa kayo ng mataas na buntonng lupa," ang utos ni Haring Laon
"Kami po ay wala ng naisalbang anumang kasangkapan," ang tugon ng lahat.
Sumandaling nag-isip ang hari at pagkatapos ay iwinagayway nito ang kanyang birang at nagkaroon nga ng mga piko at pala.
"Wala pong mga bato. Ang bunton ng lupa ay dapat maligid ng mga bato," mungkahi ng ilan.
At muling iwinagayway ng hari ang birang at lumitaw sa kanilang harapan ang mga kailangan.
Sa sikap at tyaga ay nakagawa nga sila ng isnag bundok.Umabot ito ng halos anim na libong talampakan. Duon sila namalagi hanggang sa humupa ang tubig sa kapatagan. Nagsipagpatuloy pa rin sila sa paghukay at paggawa ng lagusan ng tubig patungo sa dagat upang mapabilis ang paghupa ng tubig baha.
Ngunit sa kasamaang palad ay may kakila-kilabot na malaking ahas sa nakaligid sa bundok na iyon. Ito ay may pitong ulo na bawat mata'y kulay lunti at ang hininga ay usok kung araw at kung gabi nama'y nagiging apoy na naglalagablab.
Nahintakutan ang mga tao at di malaman ang gagawin. At sa kanilang pagtataka'y may dumating na isang mahiwagang binata at nagpakilala sa ngalan na "Kan".
"Narinig ko ang inyong ligalig at ako'y narito para magbigay ng tulong. Papatayin ko ang ahas." ang buong tapang na sinabi ng makisig na binata.
Ipinangako naman ng hari na kung mapapatay niya ang ahas ay ipagkakaloob nito ang kanyang mga ginto at ipakakasal sa kanyang magandang anak na prinsesa.
Naghanda ang binata sa planong pagpatay sa ahas. Ang binata'y nagpakita ng kakayahang mag-utos sa mga langgam. "Magtipon kayong lahat at magsigapang sa buong katawan ng mapaminsalang hayop at siya'y inyong kagatin," ang utos niya sa mga ito.
At pagkatapos ay tinawag naman niya ang mga bunton ng mga putakti at muli'y nag-utos na sila'y magtipon para pupugin ang mga mata ng lahat ng ulo ng ahas hanggang sa mabulag.
Pagkaraa'y tinawag niya ang mga uwak at muli, "Inyong tukain at kalmutin ang kaniyang mga ulo at katawan hanggang ito'y mamatay."
Ang lahat ng inutusan ay sumunod at ang ahas ay napatay.
Pinugutan ni Kan ang pitong ulo ng ahas at inialay kay Haring Laon. Nagbunyi ang mga tao at mula noon ay tiwasay na namuhay muli ang mga taga-Negros. Ang makisig na binata ay ikinasal sa anak ni Haring Laon at nagkamit ng yaman gaya ng ipinangako sa kanya.
Bilang pag-alala ng mga taga-Negros kay Haring Laon at sa mahiwagang si Kan, ang bundok ay pinangalanang Kanlaon. Ito'y bilang parangal at pasasalamat sa kanilang mga kagitingan at pagmamalasakit sa lahat.
***