Ang Alamat Ng Magandang Mayon
Alamat Ng Bulkang Mayon
Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Raha. Ang Raha ay may anak na lubhang napakaganda at kaakit-akit at ang tawag sa kanya ng karamihan ay 'daragang magayon' ang ang ibig sabihin ay 'magandang dalaga'.
Marami ang naaakit sa kanyang angking kagandahan kaya di na mabilang ang mga tanyag na datu at mayayamang ginoo ang nagtangkang sumungkit sa kanyang matamis na pagsinta. Isa na rito si Kauen na anak ng isang mayamang Raha sa kanugnog na kaharian.
Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo ang dalaga. Si Kauen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay mapapasa-kanya pagdating ng araw.
Mula naman sa malayong katagalugan ay narinig ni Gat Malaya ang nababalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Maraming pagkakataong dumaan para makaniig ang paraluman pero lagi na ay may sagabal. Minsan ay nakitang namumupol ng bulaklak ang dalaga sa malapit sa isang munting ilog. Kinamaya-maya'y makikita ng nagtatampisaw sa malinis na tubig ng batis ang magandang binibini.
Ang binata ay nakaisip na magparinig ng himig ng isang masayang awit para lamang matawag ang pansin ng dalaga. Nagkatitigan sila ng binata.
Nabuhay ang loob ng prinsipeng Tagalog at winika, "Magandang mutya, ako ay nanggaling pa sa malayo upang ikaw ay at makita ang natatangi mong kariktan!"
"Sino ka? Isa kang pangahas!"
"Paumanhin kung ika'y aking nagambala. Ako'y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit dito. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako'y masisiyahan na."
Bantulot na inihagis ng dalaga ang bulaklak. Nasalo ito ng binata sa kanyang mga palad at kaagad niya itong idinantay sa kaliwnag dibdib.
"Maaari bang kita'y makitang muli?"
At dito nagsimula ang tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.
Isang araw ay nagmungkahi ang binata,"Ikaw ay aking iniibig. Tayo nang magpakasal!"
"Ngunit ang Raha, ang aking ama! Dapat muna niyang malaman!"
"Huwag kang mag-alala. Hihingin ko ang kamay mo sa kanya."
Pumayag ang Raha at kaagad itong sumang-ayon sa dalawang nag-iibigan. Nagustuhan ng Raha ang prinsipe dahil ito'y magalang at maginoo kung kumilos. Itinakda niya ang ang kasal sa pagbibilog ng buwan matapos ang anihan.
Nagpaalam sumandali si Gat Malaya para ipaalam sa kanyang mga magulang ang nakatakda niyang pag-iisang dibdib. Kakaunin lamang niya ang kanyang magulang at sila'y babalik ng Albay.
Nabalitaan ni Kauen ang napapabalitang pakikipag-isang dibdib ng dalagang magayon sa binatang taal. At dahil hindi tanggap ang naging kabiguan sa dalaga, sinamantala nito ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya ang dalaga.
"Kung hindi ka mapapasa-akin ay walang magkakamit sa iyo sinuman!" ang sambit ng binatang si Kauen.
Ang prinsesa ay nangangamba sa buhay niya at ng kanyang ama. Dahil sa kabila ng mga pagbabala sa binata ay nagpatuloy ito sa pagpunta sa kanila.
"Ako'y magiging iyo lamang kung si Gat Malaya ay hindi na bumalik!"
Mabilis na lumipas ang mga araw at linggo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Gat Malaya. Hindi pa rin ito bumabalik. Gabi-gabi taimtim na nagdarasal ang dalaga sa pagbabalik ng katipan. Tahimik lamang itong nakaupo sa durungawan at naghihintay.
Dumating ang kabilugan ng buwan at napilitang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan, kainan at sayawan. Sa gitna ng kasayahan ay dumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.
"Narito na ako Daragang Magayon! Naparito ako upang angkinin ang aking nobya!" sabi ni Malaya.
"Hindi Maaari!" tugon ni Kauen.
Nagtunggali ang dalawang binata at sila'y nagsukatan ng lakas. Si Malaya ay subok sa galing sa espada subalit si Kauen nanam ay mmalansi at mapaglinlang.
Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbong pagitna upang sawayin ang mga binata. Sa kasamaang palad ay tumama ito sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ang dalaga ngunit pataksil na sinibat ito ni Kauen. At naging dahilan iyon para kapwa malagutan ng hininga ang magsing-ibig.
Ang masayang pagdiriwang ay napalitang ng pagdadalamhati. Nagluksa ang Raha at ang buong palasyo. Ipinag-utos nito na ilagak ang labi ng magkasintahan ng magkasama sa iisang hukay.
Lumipas ang mga araw at taon. Himala ng mga himala. Ang lupa s apuntod ng libingan ay tumaas hanggang sa ito'y ganap ng maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis nito. Tinawag nilaitong Bundok ng Mayon bilang pag-alala sa napakagandang si Daragang Magayon.
***