Alamat ng Rambutan


Bakit Mabuhok ang Rambutan

Noong unang panahon ay may mag-asawang nagngangalang Ka Andoy at Aling Pising. Nakatira sa isang malayong pook na malapit sa isang bundok na kung tawagin ay Rabba . Malimit mangahoy sa kagubatang iyon ang matandang lalaki para gawing panggatong at uling na ipinagbibili naman sa bayan ng kanyang esposa. Hindi nabiyayaan ng anak ang mag-asawa ngunit patuloy pa rin silang umaasa sa kanilang bawat dasal na mabigyan sila ng anak.

Isang umagang nangangahoy si Ka Andoy, napansin nito ang isang yungib sa gitna ng kagubatan.

"Tila ngayon ko lamang napansin ang kwebang ito", wika nito sa sarili.

May kaunting takot sa kalooban subalit pilit pa rin niyang sinilip kung ano ang nasa loob ng madilim na yungib. At mula sa kintatayuan ay nanggilalas sya sa nakita. Akmang sasagpangin ng tigre ang isang usa. Kaagad nakahagilap ng isang piraso ng matigas na kahoy ang matanda at binato nito ang tigre upang malihis ang atensyon nito. Dahil dito'y galit na sinunggaban ng tigre si Ka Andoy. Mabilis namang nahawakan ng mangangahoy ang kanyang palakol kaya nasugatan nito ang leeg ng tigre. Kaagad na kumaripas ng takbo habang walang humpay sa pagdurugo ang sugat sa leeg ng mabangis na tigre.

Nagulat ang mangangahoy ng mapansing kulay abo ang dugo ng tigre.

"Ngayon lamang ako nakakita ng dugo na kulay abo", wika nito sa sarili.

Agad na natuyo ang dugo at humalo ito sa lupa. Pinuntahan nya ang takot na takot na usa. Ngunit sa kanyang paglapit ay nagitla sya ng bigla itong magbago ng anyo. Ang kaawa-awang usa ay naging isang magandang diwata. Ang diwata ay nagtamo ng sugat. Kapansin-pansin na ang dugo nito ay puti.

Sa takot at pagkabigla ay umakmang tatakbo ang matanda pero pinigilan sya ng diwata.

"Salamat kaibigan, nailigtas mo ako sa kamay ng itim na salamangkera. Ako ng pala si Rodona, ang diwata ng bundok na ito. Matagal na kitang nakikitang namumulot ng mga kahoy. Batid kong mabuti ang iyong kalooban", ang sabi ng diwata.

Hindi pa rin makapagsalita ang mangangahoy na si Ka Andoy.

"Ang tigre ay ang nagbabalatkayong si Mantesa. Gusto nyang kunin ang bundok na ito para dito gawin ang kanyang mga salamangka. Nais nya akong paslanginpara makuha ang aking puso upang magkaroon sya ng kapangyarihan sa mga puno at hayop na nasasakupan ng aking lupain" ang wika ni Rodona.

"Kung isa syang salamangkero, bakit hindi nya ito ginamit sa akin?" ang nagtatakang tanong ni Ka Andoy.

"Walang kapangyarihan sa Mantesa laban sa mga nilalang sa bundok na ito, maging sa hayop o halaman. Kapag nakuha nya ang aking puso ay saka lamang sya magkakaroon ng kapangyarihan sa mga nananahan rito," ang paliwanag ng diwata.

"Mukhang malubha ang iyong sugat, sumama ka sa akin at ng ikaw ay magamot ng aking asawa." ito ang nag-aalalang sambit ni Ka Andoy.

"Ang buhay ko'y hindi na magtatagal, at habang ako'y may natitira pang kapangyarihan bibiyayaan ko kayo ng iyong asawa ng isang anak. Ang tanging hiling ko lamang ay kunin mo ang aking puso sa aking pagpanaw at sunugin mo ito at ilagay sa banga ang mga abo. Itago mo ito sa inyong tahanan upang magsilbing proteksyon ninyo at ng lupain na ito laban kay Mantase", iyon lamang at binawian na ng buhay ang magandang diwata.

Sinunod naman ito ni Ka Andoy.Ikinuwento niya ang buong pangyayari kay Aling Pising. Makalipas ang siyam na buwan ay nagsilang na nga ng napakalusog na sanggol. Labis na ikinatuwa ng mag-asawa ang biyayang ipinagkaloob sa kanila. At dahil babae ang kanilang naging anak, pinangalanan nila itong Rabona. Ito ay hango sa pangalan ng diwatang si Rodona at ang bundok ng Rabba.

Masayahin si Rabona. Minabuti ng mga magulang nito na ilihim sa kanya ang pangyayari ukol sa diwata. Sumapit ang ika-labing anim na taon ni Rabona. May namataan ang dalaga na isang pusa sa kagubatan at iniuwi nya ito sa kanilang tahanan. Kakaiba ang pusang ito dahil sa kapal ng kulay dalandan na balahibo nito.

Sumapit ang ika-12 ng hatinggabi at biglang nagpalit ng anyo ang kakaibang pusa. Sya pala si Mantesa. Nagsagawa ng ritwal si Mantesa para sumpain ang dalaga. At sa kalagitnaan ng orasyon ay nagising si Ka Andoy dahil sa bulong ng salamangkera.

"Layuan mo ang aking anak!" sigaw ni Ka Andoy.

"Wala ka ng magagawa Andoy! Masdan mo akong mabuti. Maraming salamangka ang pinag-aralan kong gawin para lang maghilom ang halos napugutan kong ulo dahil sa pagtatanggol mo kay Rodona," ang humahalakhak na wika ni Mantesa.

Naalala ni Ka Andoy ang abo ng puso ng diwata na kanyang pinagkatago-tago. Kinuha nya ito at isinaboy sa paligid ng salamangkera. Hindi nakagalaw ang salamangkera. Nabalot sya ng kapangyarihan ng abo ni Rodona. Sinamantala iyon ni Ka Andoy na agad nakakuha ng itak at tinaga ang mangkukulam. Nagliwanang ang paligid at naging abo si Mantesa. Nagising si Rabona at takot na takot na niyakap ang kanyang mga magulang.

Nabigla ang dalaga ng mapansin ang kumakapal nyang buhok sa katawan pati na ang paghaba ng kanyang buhok.

"Marahil ay dahil ito sa sumpa ni Mantesa," ang sabi ng ama.

Dali-daling nagpunta sa albularyo sa katabing bayan ang pamilya.

Mainam at hindi nabuo ang sumpa. Maaari nating maagapan ang walang humpay na paghaba ng 'yong buhok pero hindi na natin maibabalik pa sa normal ito", ang sabi ng albularyo.

Dala marahil ng konting pagbabago sa kanyang buhok ay nagkaroon rin ng unti-unting pagbabago sa pag-uugali ni Rabona. Naging tamad itong mag-aral gayun din sa mga gawaing bahay. Nawala na rin ang sigla nito para ayusin ang sarili. Lagi na lamang sinusuklayan ni Aling Pising ang anak.

"Nay, ayaw ko ng magtrabaho dito sa bahay dahil naiinis ako sa buhok na ito", sambit ni Rabona.

"Anak, hwag kang mawalan ng pag-asa at magpatuloy ka sa buhay mo. Isipin mong ang lahat ay pagsubok lamang na dapat mong malampasan", pagsusumamo ng kanyang ina.

"Ah basta, ayoko na! Umalis na kayo sa harapan ko at ipaghanda nyo na lamang ako ng makakain. Kayo ang may kasalanan kung bakit nagkaganito ang buhok ko!" hinanakit ng suwail na anak.

Pasensya ka na, ang lahat ng ginagawa namin ay para rin sa'yong kapakanan. Sige at ipaghahanda kita ng makakain." ito ang malungkot na tugon ni Aling Pising sa anak.

Isang gabi, naisipan ni Rabona na sunugin ang kanilang tahanan habang natutulog ang kanyang mga magulang. Maingat niyang sinalansan ang mga tuyong kahoy sa ilalim ng kanilang bahay upang di magising ang mga ito. Nang akmang sisindihan na niya ang mga tuyong kahoy para magliyab ay biglang nagliwanag ang kanyang paligid. Nagliparan ang bawat butil ng lupa paikot sa kanya at nabalutan sya nito. Sa ganoong pagkakataon ay nakita nya ang isang magandang babae sa kanyang harapan.

"Ako si ROdona", ang sabi nito.

"Pero ang sabi'y patay ka na," gulat na gulat na tanong ni Rabona.

"Ako'y namatay na subalit nananatili sa puso ng iyong mga magulang. Ako ay may kaugnayan sa'yo sapagkat ako ang nagbiyaya sa iyong mga magulang upang ikaw ay isilang. Ako ay nanatili sa iyong pagkatao subalit nagpadala ka sa pagsubok. Ang tunggalian namin ni Mantesa ay hindi nagtapos ng ako ay mamatay sa kweba sa bundok ng Rabba. Nagpatuloy iyon sa iyong puso. Nang dahil sa mumunting pagsubok, ikaw ay nagpatangay at nagbago. At hindi ka pa nakuntento. Naisipan mo pang gawan ng masama ang iyong mga magulang. Dapat sana'y ikaw ang magsisilbing regalo sa kanila subalit ikaw pa ang nagtatangka ngayon sa kanilang buhay!" galit na sabi ni Rodona.

Natauhan bigla ang dalaga sa winika ni Rodona.

"Patawad po. Nagpadala ako sa pagsubok. Hindi na po mauulit. Tatanggapin ko po ang inyong kaparusahan. Ayoko na pong maging pabigat sa kanila. Kung maibabalik ko lang ang panahon para mabigyan sila ng kasiyahan" nagsusumamong sabi ni Rabona.

Yun lang at nagliwanang ang buong kapaligiran at nawala na rin ang dalawa.

Kinaumagahan ng magising ang mag-asawa ay hindi na nila makita ang dalaga. Napahagulgol na lamang si Aling Pisisng ng masilayan ang mga tuyong dahon at posporo sa silong ng kanilang baang hay. Naisip na nila ang pagtatangka ni Rabona na sunugin ang bahay. Ngunit sa tapat ng posporo ay may nakita silang halaman na may kakaibang mga dahon.

Inalagaan ng mag-asawa ang halaman at ng ito'y lumaki at nagkabunga ay nanggilalas sila sa nakita. Napaluha si Aling Pising ng masilayan ang mga bunga nito. Makapal ang tila buhok sa balat nitong mamula-mula. Tinikman ng mag-asawa ang hinog na bunga at natuwa sa tamis at sarap nito.

"Rabona!" ang pabulong na wika ni Ka Andoy."Hindi sya nawala sa atin, Pising! Kahit paano'y may ala-alang syang iniwan sa atin." ang maluha-luha nitong winika.

Tinawag ng mag-asawang Rabona ang bunga ng puno na nang lumaon ay naging rabonan at ng malaunan ay tinawag na itong rambutan. Ngayon ay kilala na ito na isang masarap na prutas dito sa Pilipinas. Ipina-aalala nito ang mga pagsubok na pinagdaanan sa buhay ni Rabona.

***

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma