Bakit Matitinik at Matigas ang Balat Ng Durian
Noong unang panahon ay may isang bayan sa kalakhang Mindanao na may naninirahang matandang babae na kilala rin sa tawag na Tandang During. Sya ay may maliit na kubo sa paanan ng bundok na nakatirik naman sa kalagitnaan ng kanyang malawak na lupain.
Si Tandang During ay ginagawang katatakutan ng mga nanay sa kanilang mga malilikot at makukulit na mga anak. Sinasbi nilang lahi ito ng mangkukulam kung kaya't dapat nila itong iwasan.
Samantala, ang matanda naman ay nasanay nang mamuhay ng nag-iisa sa kanyang malumbay na tahanan. Magmula ng mamatay ang kanyang asawa at mga anak ay hindi na sya umalis pa sa paanan ng bundok. Mahilig sa pananim at tahimik lamang na tao si Tandang During. Dito lamang nya inuubos ang kanyang oras sa maghapon.
May kasungitan kung kaya iniiwasan din sya ng mga tao sa kanilang lugar. Noong kamamatay pa lamang ng mga yumaong pamilya sa buhay ay marami ang nakiramay at nag-alok sa kanya ng tulong. Subalit tinanggihan nya ang mga ito. Sa gayon ay unti-unting lumayo ang kalooban sa kanya ng mga taganayon hanggang magmistula na syang maging panakot na lamang sa mga makukulit na mga batang inaabot ng dilim sa paglalaro.
Taon ang nagdaan. Ang mga makukulit na bata'y ay nagsilaki at nagsipagtanda na. Si Tandang During naman ay nanatiling ganoon pa rin at ang-iisa. Malayo sa tao at hindi nakikisalamuha. Subalit higit lalong nagka-edad at mababakas ang paghina ng maninipis nitong katawan.
Isang gabi, itinaboy ng hanging amihan ang isang kakaibang amoy sa buong komunidad. Hindi malaman kung ano ito at kung saan nanggagaling. Nanatili ang amoy nang mga sumunod pang mga araw at patindi ito ng patindi. Hanggang sa nagpasya ang mga tao na hanapin ang pinanggagalingan ng amoy.
Dinala sila ng kanilang mga paa sa tahanan ni tandang During. At nang matiyak na sa kubo nga nanggagaling ang kakaibang amoy. Hinanap nila ang matanda ngunit hindi nila ito nakita at sa halip ay kapuna-punang napansin ng lahat ang isang puno na may natatanging bunga. May matitigas itong balat at matatalim na tinik. Sa kahinugan ay nagsismula ng bumuka ang mga bunga nito.
Isang lalaki ang umakyat at kumuha ng bunga. Lubhang kakaiba ang amoy nito kaya nagtakip ng ilong ang karamihan nang buksan ang prutas. Subalit ng kanilang tikman ay nasarapan silang pare-pareho. Nagsipagpitas ng mga bunga at iniuwi nila ito sa kani-kanilang mga bahay.
Nang may makasalubong silang isang matanda na tag-ibang lugar at nagtanong kung ano ang kanilang dala ay iisa ang naging sagot ng lahat, "...bunga ng tanim ni Tandang During 'yan".
During yan ang pagkakaintindi ng matanda. Kaya nang kanila itong bigyan ng bunga at kaniyang iuwi sa kanilang tahanan ay ito rin ang kanyang banggit na pangalan sa mga nagtanong sa kanya. At kalaunan nga ay naging isa na itong 'durian'.
***