Haiku
Isa itong uri ng maikling tula na ang karaniwang paksa ay tungkol sa kalikasan at pag-ibig kung ang tradisyunal na haiku ang pag-uusapan. Subalit ang modernong haiku naman ay hindi lamang ito ang tema.
Ito ay nagmula sa bansang Japan at ang haiku ay nagtataglay ng labingpitong pantig sa kabuuan. Naghahayag ng damdamin at may akmang talinghaga sa mga salita.
Mayroon lamang itong tatlong taludturan na sa una at ikatlong taludtod ay binubuo lamang ng tig-limang pantig. Samantalang sa ikalawang taludtod nama'y nagtataglay naman ng pitong pantig.
8 Halimbawa ng orihinal na Filipino na Haiku na may 5/7/5 na pagpapantig at 3 taludturan:
Kunsumido...
Kunsumido ka
Maligo ng maaga
Mahimasmasan
Tuyong Dahon
Dahong nalagas
Inilipad ng hangin
Buhay nagwakas
Sinag
Gabing mapanglaw
Wari mo walang ilaw
Kislap ng tala
Alikabok
Maduming hangin
Kita sa himpapawid
Langhap ng baga
Buhangin sa Dalampasigan
Kaygandang masdan
Pinong buhanging dala
Dama ng paa
Maitim Na Bunga
Sabit sa sanga
Nangitim at bukbok na
Nakakapit pa...
Anahaw
Dahong malapad
Tabing sa sikat-araw
Lilim sa ulo
Ang Kuting
Hanap ang ina
Matinis na palahaw
Tangis ng kuting
Langgam Sa Sanga
Umaakyat na!
Meron bigat na dala
Higit sa kanya