Ang Pag-iibigan Nina Prinsesa Alindaya at Prinsipe Malakas
Alamat Ng Bundok Pinatubo
Masagana ang Kahariang Masinlok. Magandang-maganda noon ang umaga. Maningning ang sikat ng araw . Sariwa ang hanging amihan. Lunti ang mga halaman sa paligid. Masigla ang awit ng mga ibon. Bughaw ang Kabundukan. Subali't ang kagandahan ng umaga ay hindi nakasiya sa Datu. Wala siyang madamang kaligayahan sa lahat ng namamalas.
Malungkot na nakapanungaw ang Datu. Nakatuon ang mga paningin sa bughaw na kabundukan. Nakakunot ang noo at tikom ang mga labi. Nagbuntung-hininga nang malalim.
"Malungkot na naman kayo, mahal na Datu" narinig niya sa may likuran. Bumaling ang Datu. Nagtanong ang mga mata ni Tandang Limay. Isa ito sa mga bumubuo ng "Konseho ng Matanda."
"Ikaw pala. Nalulungkot nga ako, Tandang Limay. Naalaala ko ang aking kabataan." at nagbuntong-hiningang muli. Humawak siya sa palabahan ng binata.
"Nakita mo ba ang mga bundok na iyon?" nagtaas ng paningin ang Datu.
"Oo, aking Datu, nguni't ano ang kinaalaman niyon sa inyong kalungkutan?" tanong ni Tandang Limay. Napag-usapan na ng "Matanda" ang napapansin nilang pagkamalungkutin ng Datu. Siya nga ang naatasang magsiyat tungkol dito.
"Doon ako sa mga bundok na iyon laging nangangaso. Natandaan mo marahil na kay limit kong mag-uwi ng baboy-ramo at usa sa aking ama at mga mahal sa buhay."
"Opo. Kayo, mahal na Datu ang kinikilalang pinakamagaling sa pana noon. Napabantog kayo sa ibang kaharian dahil sa napakahusay ng inyong katangian sa pangangaso," sang-ayon ni Tandang Limay. "Iyan nga ang suliranin ko ngayon. Para bang gustung-gusto kong magawa uli ang mga bagay na iyon, Nguni't napakatanda ko na upang pagbalikan ang kabundukang iyon. Napakalayo na ang mga pook na iyon para sa mahina kong katawan," at muling nagbuntong-hininga ang Datu.
"Maaaring hindi na nga ninyo makakayanan ang maglakbay nang malayo. Nguni't maaari naman kayong magkaroon ng ibang libangan," pasimula ni Tandang Limay.
"Bahagi na ang aking buhay ang pangangaso. Hindi na rin ako makadarama ng kasiyahan kung iba ang aking magiging aliwan," malungkot na umiling-iling ang Datu.
Naging usap-usapan sa buong kaharian ang suliranin ng Datu. Nabalita rin sa ibang bayan ang pagkamalungkutin ng pinuno ng Masinlok.
Makalipas ang ilang araw, dumating sa palasyo ang isang salamangkero. Matanda na siya at mabalasika ang kanyang anyo. Malaki ang paghahangad niya sa kamay ni Prinsesa Alindaya, ang prinsesa ng Masinok nguni't malaki rin ang pag-ayaw nito sa kanya.
Nagbigay ng kaukulang paggalang ang panauhin samahal na Datu.
"May magandang panakula ako tungkol sa inyong suliranin kung inyong mamarapatin, mahal na Datu," saad ng salamangkero.
"Sabihin mo at handa akong magbayad sa inyong kapaguran," turing ng Datu
"Magpapatubo ako ng isang bundok sa kapatagan ng masinlok na malapit sa inyong palasyo para sa inyong pangangaso ipakasal lamang ninyo sa akin si Prinsesa Alindaya," pahayag ng panauhain.
"Kung matutupad mo ang iyong sinabi ay ibibigay ko sa iyo ang kamay ng aking anak," mabilis na pasiya ng Datu.
Madaling kumuha ng isang maliit na batumbuhay ang salamangkero. Ito'y parang isang batong mutya. Itinanim niya itong tila isang binhi ng halaman. Biglang-biglang sumipot sa pinag tamnan ang isang maliit na puno. Tumaas iyon. Lumaki nang lumaki hanggang sa maging isang bundok.
"Aba, anong laking bundok! Si ba iyan tumubo sa itinamin na batong mutya ng salamangkero?" paksa ng usapan ng mga tao.
Samantaa sa palasyo, iniluhang gayon na lamang ni Prinsesa Alindaya ang naging pasiya ng ama. Ipinagdamdam niya nang labis tila siya kalakal na ipinagpalit lamang sa isang bundok.At sa lalaki pa namang kanyang kinamumuhian. Laging lumuluha ang magandang prinsesa Nagkaroon siya ng karamdaman. Naging malubha ang kanyang sakit. Dumating ang araw na itinakda ng Datu sa pagkuha sa kanya ng salamangkero.
"Ikinalulungkot ko na hindi ko mapasasama sa iyo ang aking anak. May sakit ang mahal na prinsesa. Magbaik ka sa ibang araw," saad ng Datu sa salamangkero.
Umuwing masamang-masama ang loob ng matanda. Galit na galit siya sa Datu. Sinapantaha niyang gusto na nitong sumira sa usapan. Nagulong gayon na lamang ang kanyang loob. Lagi niyang naiisip si Prinsesa Alindaya at ang kanyang kabiguan. Hindi niya napansing palaki nang palaki ang bundok. Ito'y kanyang nakaligtaan.
"Mahal na Datu, Halos natatakpan na po ng bundok ang buong kapatagan. Malapit na pong humangga ang bundok sa tabing-dagat. Wala na pong matitirhan ang mga tao," sumbong ng matatanda sa Datu
"Hulihin ngayon din ang salamangkero. Putulan siya ng ulo. Lubhang nakakapinsala sa kaharian ang bundok na pinatubo niya," mabalasik na utos ng hari. Natakot siya sa maaaringg mangyari sa kaharian.
Namatay ang salamangkero nguni't patuloy pa rin sa paglaki ang bundok. Araw-araw ay pataas ito nag pataas na lalong ikinabahala ng mga tao. Walang maisipang gawin ang Datu. Palubha nang palubha ang suliranin.
Nakaabot ang balita hanggang sa malalayon kaharian. Nakarating iyon sas pandinig ni Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Balita siya sa taglaay na lakas at kabutihang-loob. Agad siya siyang maglakbay patungong Masinlok. Humarap sa Datu ang matikas na prinsipe.
"Nakalaan sa inyo ang aking paglilingkod, Mahal na Datu," magalang na badya niya.
"Nakalaan akong magbigay ng kaukulang gantimpala. Humihiling ka kahit Anong bagay kapag nagtagumpay ka. Lunasan mo ang suliranin ng kaharian, Prinsipe ng Pangasinan," pahayag ng Datu
"Wala po akong hinihintay na gantimpala, aking Datu. Tayo na sa labas."
Si Alindaya na noo'y magaling na ay naganyak sa tinig ng panauhin. Sumilip siya sa siwang ng pintuan. Malakas na malakas ang naging pitlag ng puso ng dalaga.
Nanaog ang Datu pati ang prinsipe. Madali nilang sinapit ang paanan ng bundok.
Sa isang kisapmata, binunot ng prinsipe ang bundok. Parang pagbunot lamang ng isang maliit na punong-kahoy. At sa isang iglap din, ipinatong niya iyon sa kanyang likod na walang iniwan sa pagbalikat ng tinudlang baboy-ramo. Mabilis din siyang humakbang na papalayo at inihagis ang bundok sa lugal na kinaroroonan nito ngayon.
Bumalik ang prinsipe at ang Datu sa palasyo sa gitna ng pagbubunyi at pagsasaya ng mga tao. Galak na galak ang kaharian.Pagdating sa palasyo, niyakap ng Datu ang prinsipe. Iniutos niya ang malaking pagdiriwang para sa karangalan ng prinsipe noon ding gabing iyon.
Gabi ng kasiyahan at kasalukuyang nagsasayaw ang prinsesa sapagkat nahilingan ng amang Datu. Walang kakurap-kurap ang mga mata ng prinsipe sa pagsasayaw ng magandang prinsesa. Nabatubalani siya ng magandang prinsesa. Walang humpay ang palakpakan ng mga manood at higit lalo na ang prinsipe ng matapos ang pagsasayaw ng dalaga.
Kiming umupo ang prinsesa sa tabi ng Datu.Siya'y tahimik habang nakatungo.
"Ang aking anak, si Prinsesa Alindaya, mahal na prinsipe," ang nakangiting pagpapakilalang Datu. Yumukod ng buong kisig at maginoo tumingin sa prinsesa habang ang prinsesa nama'y ngumiti ng napakatamis sa binata.
Walang alis ang tingin ni Prinsipe Malakas sa dalaga. Hindi naman ito matagalan ng dalaga na wari ba'y hiyang-hiya sa kabigha-bighaning titig ng prinsipe.
"May sasabihin ka ba, Prinsipe Malakas?", ang basag ng Datu sa katahimikan sa pagitan ng dalawa.
"Hinihingi ko ang inyong pahintulot na makausap ko ang mahal na prinsesa, mahal na Datu," ang tugon ng binatang prinsipe.
Subalit, "Higit pa riyan ang maibibigay ko," ang nakangiting sabi nito.
At hindi nga nagtagal ay nasaksihan sa Masinlok ang marangyang kasal nina Prinsesa Alindaya at Prinsipe ng Pangasinan. Nagsaya at nagdiwang ang kaharian sa loob ng anim na araw.
Samantalang ang guwang na nilikha ng pagkabunot sa bundok ay napuno ng tubig at ito ay naging isang munting lawa.
Naging maganda at matulain ang lawang ito na tila tinawag ng mga tao na "Lawa ni Alindaya" sapagkat nagpapagunita iyon sa kagandahan at kayumian ng prinsesa at ng pag-ibig niyang siyang dahilan ng pagkakaroon ng Bundok na Pinatubo.
***
Sponsored: