Alamat ng Sili

Bakit Maanghang Ang Sili

Ang sili noong unang panahon ay sinasabing matamis at masarap kainin. Subalit dahil sa isang ugaling hindi kanais-nais ay naging maanghang ito. Bakit nga ba naging maanghang ang sili?


Alamat ng sili at ang maalamat na kwento nito kung paanong naging maanghang ang sili.
Alamat Ng Sili


Alamat Ng Sili


Noong unang panahon kung saan luntian pa ang paligid at malinis ang simoy ng hangin na dumadampi sa mga dahon at punongkahoy na nagpapasayaw sa mga ito. Makikitang masagana ang mga kakahuyan at kagubatan sa mga tanging yaman. Masisiglang humuhuni ang mga ibon sa paligid at masayang naglalaro ang mga paro-paro sa parang na animo'y mga saranggolang nagpapaligsahan. Hitik ang bawat halaman sa makukulay na bulaklak at iba't ibang gulay at prutas na talaga namang pagkasarap-sarap kapag iyong kinain.

Mayaman ang kapatagan at kagubatan sa maraming masasarap at matatamis na prutas na lingid sa lahat ay binabantayan ng isang napakagandang diwata. Ang diwatang yaon ay sadyang mahilig magbalatkayo at mamasyal upang libutin ang iba't ibang lugar ng taniman na kanyang nasasakupan. Bilang tagapangalaga ay binabantayan nya ang lahat ng may buhaysa kanyang paligid mula sa mga halaman hanggang sa mga hayop, malaki man o maliit.

Masayang nagkukuwentuhan ang bunga ng mga gulay gaya ng mangga, kalabasa, pipino at kamatis at nagpapaligsahan ang mga ito sa kani-kanilang iba't ibang lasa at sustansya. At sa isang tabi ay naroon din ang puno ng sili na hitik na hitik sa matitingkad at mapupula nitong bunga. Alam niyang mas matamis at mas maganda ang kulay niya kumpara sa mga katabi nitong bunga. 

Kaya naman bahagyang naka-ingos ang mga ilong nito at paismid na sinabing, "huwag na kayo mag-abala pang magtalo dahil kung sa lasa rin lang naman ay di kayo sa akin mananalo" ang buong yabang na tinuran nito sa mga katabing gulay at prutas.

Bahagyang natahimik ang paligid dahil batid naman ng lahat na hindi magpapatalo ang munting sili.Sinikap na lamang nilang maging kalmado sa pakikipag-usap sa sili kahit madalas ay lumalabis din ang kayabangan nito.

Ang nais palagi ng sili ay pinupuri ang kanyang matingkad na kulay at ang kanyang matamis na lasa. Ayaw niya ng may aali-aligid sa kanya ultimo paru-paro. Wari ba'y mababawasan ang kulay at lasa ng kanyang mga bunga kapag ito ay nadapuan man lang ng mga lumilipad na insekto.

Ang hindi alam ng sili ay matagal na s'yang pinagmamasdan ng diwatang tagabantay. Lihim itong naiinis sa ginagawang pang-aalipusta ng sili sa kanyang mga kapwa bunga at naninibugho ang diwata kapag nakikita ang pakikitungo nito sa mga paborito niyang paro-paro sa parang.

Isang umaga, may matandang balot na balot ng bahagyang nangungutim na damit at ang tanging dala lamang nito ay isang baston na ginagamit nitong pangsaklay dahil bahagyang iika-ika itong lumakad dahil na rin sa katandaan, ang animo'y naligaw sa kanilang lugar. Hapis ang mga mukha nito at nangangalumata sa pagod ang matandang babae. 

Halata ang pagkagutom kung kaya ng makakita ng mga bunga ng prutas ay kaagad itong humingi ng tig-iisang bunga sa mga punong halaman. Masaya namang nagpaunlak ang mga prutas at gulay sa matandang babae. At dagling nangislap ang mga mata nito ng mapansin ang matingkad at mapulang kulay ng mga bunga ng sili at nananakam itong nanghingi ng bunga.

"Maaari mo ba akong bigyan ng iyong bunga?" ang wika ng matandang babae sa maliit na puno ng sili. Umiral ang pangit na ugali ng sili kung kaya't ganito ang kanyang sinabi, "Naku, wag kang kukuha ng aking bunga...hindi ito masarap kagaya ng iyong akala. Mapapaso ka sa aking lasa at baka umusok lang ang iyong mga ilong at tenga at hindi ka mabubusog dahil ito'y maliliit lamang", ang pagsisinungaling nitong sabi. 

Pagkawika ng sili sa matanda ay biglang kumumpas ang matandang babae at nanumbalik ang anyo nito bilang isang diwata. Nanlaki ang mga mata ng sili at hindi na nakakibo pa dahil sa sindak. 

"At dahil sa iyong angking kadamutan at kapangitan ng ugali, ikaw'y tatanggap ng kaparusahan. Kagaya ng iyong tinuran, ang iyong matamis na lasa ay magiging nakakapaso na. Ang iyong mga kulay bagaman maganda sa mata ay hindi magiging kasiya-siya kapag kinain na. Hindi na pagkakaguluhan ang iyong mga bunga bagkus ay may pagkakataong iiwasan ka pa. Anihin mo ang bunga ng iyong pagiging madamot at makasarili." iyon lamang at naglaho na ang magandang diwata.

Napaiyak na lamang ang sili. Huli na para pagsisihan pa nya ang kanyang naging pag-uugali at masamang ipinakita sa mga kasama. Umusal na lamang sya ng paumanhin at humingi patawad sa nagawang pagkakasala sa diwatang tagapangalaga. Magbuhat noon ay hindi na makikitang nagyayabang ang sili. Batid ng lahat na hindi na kailanman maibabalik ang matamis na lasa ng mga bunga nito. 

***

Aral: Ang pagiging labis na madamot sa kapwa ay di kailanman magbubunga ng maganda. Hindi rin mainam ang masyadong bilib sa sarili. 

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma