Ang Maalamat Na Kwento Ng Niyog
Alamat Ng Niyog |
Noong unang panahon sa bundok ng Cristobal ay may isang mabait na ina. Masipag at maalaga sa kanyang mga anak. Talagang napakabuti niyang ina at sadyang mahal na mahal niya ang kanyang mga anak.
Dahil sa sampu ang kanyang anak, talagang nahirapan siya ng husto sa pag-aaruga sa mga batang ito. Halos hindi na ito tumigil sa maghapon at pati gabi ay halos gawin nitong araw para lamang maibigay ang pangangailangan ng kanyang mga supling.
Madalas ay hindi nito alintana ang pagod. Natatapos niya ang isang araw na may mga pagkakataong ni hindi nakakakain at walang sapat na tulog. Magganun man ay mababakas mo pa rin sa kanya ang kaligayahan kapag naibibigay niya ang sapat na pangangailangan ng mga anak.
Ngunit sa kasamaang palad ay alam ng ina na nagkakaroon sya ng hindi maipaliwanag na karamdaman. Madalas ito'y nanghihina at kinakapos ng hininga. Ngunit dahil sa labis na pagmamahal sa kanyang mga anak, ang lahat ng iyon ay di na niya iniinda pa.
Isang araw, nagkasakit ang ina at bigla na lamang namatay. ula sa pagkakatulog ay nawalan na ito ng buhay. Ang kaawa-awang mga bata ay nag-iyakan at lahat sila'y nalungkot at ang sabi nila ay ganito:
"Sino na ang magpapakain sa amin? tanong ng Pinakamatandang anak.
"Sino na ang mag-aalaga sa amin?" tanong ng ikalawang anak.
"Sino ang maglalaba ng ating damit?" tanong ng ikatlong bata.
Habang sila ay nag-iiyakan, may biglang dumating na isang babae na di nila kilala. Siya'y maganda at maputi. Ang kanyang anyo ay animo isang diwata.
"Huwag na kayong umiyak," Sabi niya. "Di kayo pagbabayaan ng inyong ina. Ilibing ninyo siya at magbantay kayo sa kanyang libingan. Makikita ninyo na may tutubo roon na puno. Ang punong iyon ay pagkukunan ninyo ng makakain araw-araw."
At pagkasabi nito sa kanila'y biglang nawala ang maputi at magandang babae. Akala ng mga bata ay nanaginip lang sila.
Sumunod naman ang sampung mababait na mga bata. Pakalibing sa ina nila, binantayan nila ang libing araw at gabi at pagkatapos ng sandaling panahon ay may nakita na nga silang isang halaman na tumubo.
Mabilis ang paglaki nito at kaagad ay naging isang mataas na puno. Nagtaka ang mga bata dahil sa taas ng puno at sa dami ng bunga nito. itik na hitik ito sa bunga.
"Marahil aakyatin ko na lamang itong puno," sabi ng pinakamatanda at dali-dali siyang umakyat at pumitas ng bunga.
"Mga ulo ninyo," ang sigaw niyang babala sa itaas, "Ibabagsak ko ito at buksan ninyo,"
Nang biyakin ng ikalawang anak ang bunga, nakita nilang may tubig ito.
"Naku! Ang puti at ang tamis ng tubig," sabi nila.Tinikman nila ang laman at ang nasabi ay: "ang puti at kay sarap naman ng lasa ng bungang ito,"ang wika ng ikaapat na anak.
Naghulog pa ng maraming bunga ang batang umakyat sa itaas ng puno. Samantalang nagkanya kanyang dampot naman ang mga nasa ibaba. Ang isa'y tagabukas at ang iba'y pinakain naman ang mga batang mas maliliit pa sa kanila.
Nagkainan at nag-inuman sila at ngayon nakita nila na di nga sila magugutom pang muli. Ang mga bungang iyon ay ang kauna-unahang niyog dito sa daigdig.
***
Aral:Walang katumbas na anuman ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak. Maging ang ating Inang Kalikasan sa mga tao sa sanlibutan.