Bakit Pinupuksa Ng Butiki Ang Mga Kulisap
Noong araw, sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na naninirahan sa tabi ng kakahuyan. Ang ina; si Aling Rosa ay isang relihiyosong babae.
Alamat Ng Butiki |
Palagi siyang nagdarasal, at sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki na magdasal at mag-orasyon bago sumapit ang dilim. Ang anak, si Juan ay isang mabuti at masunuring anak.
Palagi niyang sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal.
Bago dumilim, kahit saan siya naroroon ay umuuwi siya upang samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang bahay.
Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa, natutuwa naman siya at naging mabait ang kanyang anak na si Juan na nakatuwang niya sa pagtatanim at sa paghahanap ng mga makakain.
Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si Juan ay naging isang makisig na binata.
Si Aling Rosa ay nanatili na lamang sa bahay at palaging nagpapahinga, samanatalang si Juan ay siyang naghahanap ng kanilang makakain sa araw-araw. At kahit mahina na si Aling Rosa ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.
Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungang-kahoy sa gubat, isang babae ang kanyang nakilala; si Helena.
Si Helena ay lubhang kaakit-akit, kung kaya't agad na umibig dito si Juan. At dahil sa panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang makauwi.
"O anak, ginagabi ka na yata nang uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako nasamahang mag-orasyon," ang wika ni Aing Rosa sa anak.
"Pasensya na po, Inay! Nahirapan po kasi akong maghanap ng mga prutas sa gubat," ang pagsisinungaling ni Juan. Nahulog nang husto ang damdamin ni Juan sa dalaga. Hanggang minsan, nabigla si Juan sa sinabi ni Helena.
Dumalas ang pagtagpo ni Juan at Helena sa gubat.
"Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang pag-ibig mo para sa akin, kaya nagpasya na ako na ito na ang huli nating pagkikita."
"Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na tunay ang aking pag-ibig. Sabihin mo, at kahit ano ay gagawin ko, " ang pagsusumamo ni Juan.
"Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin ang puso ng iyong ina na nasa iyong mga palad!" ang matigas na wika ni Helena.
Hindi makapaniwala si Juan sa narinig Malungkot itong umuwi dahil binigyan siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala ang puso ni Aling Rosa bago mag-hating gabi.
Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni Aling Rosa na mag-orasyon, Nagtungo ang mag-ina sa harap ng kanilang bahay. Ngunit habang nagdarasal, iba ang laman ng isip ni Juan.
Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla, hinugot ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod. Bumagsak sa lupa ang ina ni Juan, at kahit nanghihina ay nagsalita ito.
"Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad na kita, dahal mahal kita. Ngunit humingi ka ng tawad sa Diyos!
Napakalaking kasalanan ang nagawa mo sa iyong sariling ," ang umiiyak na wika ni Aling Rosa.
"Dios ko po, Inay! Patawarin n'yo ako!" ang nagsisising nawika ni Juan na nagbalik na sa katinuan ang isip, Umiyak nang husto si Juan lalo na nang pumanaw ang kanyang ina.
Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya na naging isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan nga ay naging isang butiki; ang kauna-unahang butiki sa daigdig.
Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak si Juan nang makita niyang si Helena ay naging isang pagkapangit-pangit na engkanto. Humalakhak itong lumapit.
Sa takot, dagling gumapang si Juan nang makita niyang papanhik ng bahay hanggang makarating sa kisame.
Nakita rin ni Juan na ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging iba't ibang uri ng kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.
Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na napagawi sa kanya. At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating anyo ang engkanto, at nagtago na lamang ito sa mga halamanan bilang kulisap.
Bakit pumapanaog ang butiki kapag dapithapon?
At dahil sa pangyayari, nagsisi nang husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa kanyang ina, sinasabing si Juan at ang mga sumunod pa niyang lahi ay patuloy pa ring bumababa sa lupa bago dumilim upang mag-orasyon.
At hanggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga butiki ang mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.
***