Bakit Maganda at Kaakit-Akit Ang Kulay Ng Paru-Paro
Alamat Ng Paru-Paro
Sa isang malayong dalampasigan ay makikita at matatanaw ang isang kakit-akit na tahanan. Taglay nitong lahat ang pitong matitingkad na kulay ng bahaghari. Natatamnan ng samut-saring kulay ng bulaklak ang paligid nito.
Gayundin ang mga punongkahoy na hitik sa mga bungang nakasisilaw sa mata kung masinagan ng silahis ng araw.
Subalit ang nakatira sa tahanang ito ay isang diwatang sadyang pagkapangit-pangit.
Ang itsura nya'y hindi kaiga-igaya dahil may mga mata itong tila nagniningas na apoy, namumula ang balat sa mukha at ito'y puro kulubot. Ang damit nya ay isang matandang kasuotan at kung lumakad ito ay pahingkud-hingkod. Ang mga kamay nya at may tangan na basahan na nakapulupot.
Ang sinumang mapadaan ay nahahalina sa ganda ng kanyang tahanan. Panay lamang ang kanilang papuri at sulyap sa mga tanim nitong magaganda. Subalit wala ni isa mang nangangahas na bumisita dito dahil sila'y natatakot sa taglay na kaanyuan ng diwata.
Isang umaga, may magkapatid na maralita ang palaboy laboy lamang sa lansangan. Wala silang permanenteng tirahan at hindi na nagsisipasok sa paaralan. Ang magkapatid na palaboy ay isang batang lalaki at batang babae na sa kabila ng kahirapan ay namumuhay ng maligaya at laging magkasama.
Araw-araw ay masaya nilang pinagmamasdan ang ganda ng paligid. Madalas nilang naibubulalas, "Ang langit ay asul at ang bundok ay lunti." At kapag nakakita sila ng mga ibon at batis, ang dalawang bata ay labis-labis ang tuwa."Mataas ang lipad ng ibon at ang lagaslas ng ilog ay parang sa isang panaginip."
"Ligaya, masdan mo ang magandang bahay na iyon," sabi ng batang lalaki.
At sa kanilang paglilibot ay nakita nila ang bahay ng diwata. Ang nasa kanilang tanawin ay nagpatighaw sa pagnanasa nilang magkaroon ng magandang tirahan at perang panakip sa pangangailangan.
"Nakikita ko, Malakas, napakaganda ng kaniyang halamanan. Naaamoy ko ang halimuyak ng mga bulaklak. Napakaganda at nakakatakam ang mga bungang pinilakan at parang ginintuan ang kulay na nangagbitin sa mga sanga ng punongkahoy," ang nasambit naman ni Ligaya.
"Tayo na sa hardin," alok ni Malakas sa kapatid.
"Wala bang nakatira rito?" ang pagtatakang tanong ni Ligaya.
Binuksan ng dalawa ang tarangkahan ng halamanan. Sa mga unang sandali, sila'y parang nagbantulot at nahintakot ngunit dahil maaliwalas ang paligid, iyo'y naging panandalian lamang.
Dahil walang umiino sa dalawa, sila'y namupol na lamang ng bulaklak. Nagsimula namang umakyat ng punongkahoy si Malakas upang kumuha ng mga prutas. Masaya siyang nanginain habang pinapatakan si Ligaya ng katas ng napakatamis na prutas.
"Walang nakatira rito!" ang winika ni Malakas.
"Oo, naalala ko noong ako'y maliit pa, may isang mamang nagkwento sa akin tungkol sa lunang katulad nito. Huwag na tayong umalis dito," sabi ni Ligaya.
"Ako'y ulila ng lubos at walang maghahanap sa akin." sabi ni Malakas.
"Gayon din ako, huwag na nating lisanin ang pook na ito, nakakasawa na ang maging palaboy at walang permanenteng tirahan," sagot naman ni Ligaya.
Tuwang-tuwa na nagkasundo ang magkapatid na manahan na lamang sa lugar na iyon. Ngunit, sa di kalayuan ay paparating na pala ang napakapangit na diwata na hihingkud-hingkod. Langhap ng langhap sa hangin habang ito'y papalapit ng papalapit sa kanyang tahanan.
Lalong nagpapangit sa kanyang kulubot na mukha ang ginawi niyang kapipisngot pisngot. Naaamoy niya na may ibang tao sa paligid. Dagli-dagli itong nagbukas ng tarangkahan at tumambad sa kanya ang magkapatid na kapwa nahintakutan sa kanyang anyo.
"Bakit kayo nangahas na pumasok!" ang bungad nitong tanong.
"Bakit ninyo pinupol ang aking mga bulaklak at pinitas nyo pa at kinain ang bunga ng mga punongkahoy." patuloy pa nito.
Ang dalawa ay nanginig sa takot. Naglakas loob na sumagot si Malakas kahit ito'y nanginginig pa sa takot. "Mawilihin po kami sa bulaklak, at napakaganda po kasi ng inyong mga tanim. Gusto po namin...gusto...masarap po...ang mga prutas..."pikit mata nitong tinuran sa diwata.
"Mga pangahas! Bakit hindi muna kayo humingi ng pahintulot."
"Inaamin po namin ang aming kasalanan. Kami po'y handang magbayad sa kahit na ano pong paraan. Kami po'y walang pera at mga ulila na. Gawin nyo na lamang po kaming inyong mga alila. Handa po kaming magsilbi!" ang tanging nasabi ni Ligaya.
Nanlaki at nagningning ang mga mata ng diwata. Pinagulong-gulong nito ang mga malalaking bilog ng mata. Pinakisay niya ang buong katawan, pinangiwi-ngiwi ang labing nanunuyo sa katandaan at nag-isip.
"Naunawaan ko kayo. Pakikinabangan ko kayo."
Pumikit ng bahagya ang animo'y nangangalit nitong mga mata. Bumulong ng mga salitang may sa engkanto at namangha ang dalawang bata. Karakaraka ay naging isa itong napakagandang diwata. Siya'y may tangan na mahiwagang baston na may nakakabit na bituin sa dulo.
"I...isa po kayong...napakaganda nyong diwata! gilalas ni Malakas.
Si Ligaya nama'y unti-unting nagbaba ng kamay mula sa pagkakasilaw sa liwanag na nagmula sa diwata. At sa pagdilat ng kanyang mata, nakita niya ng harapan ang diwata. May tangan itong bagwis na yari sa bulaklak.
"Yamang mawilihin kayo sa mga bulaklak, kayo'y gagawin kong tagapangalaga ng mga ito. Mula ngayo'y mahahagkan ninyo ang aking mga bulaklak at maaari kayong magpasasa sa aking mga bunga! At dahil sa makulay at busilak ninyong puso, magiging kasingkulay din kayo nito"
Pagkasabi nito ay dumantay ang diwata sa kanyang mahiwagang baston at inigkas ang mga ito sa hangin. Sa isang iglap sila'y nagkapakpak at unti-unting lumiit. Ang kanilang kulay ay buhay na buhay at napakaganda sa mata. At sila'y nagpadapu-dapo sa halaman.
"Kayo ay tatawaging mga paru-paro, tagapangalaga ng mga bulaklak. Hindi na kayo magugutom kailanman."
"Ako ngayo'y isa ng paru-paro," ang bulalas ni Malakas.
"Tayo na ngayo'y mga paru-paro ng diwata!" ang sigaw ng dalawa habang dumadapo sa naggagandahang bulaklak.
"Ako din, napakaganda ng aking kulay. Masdan mo ang aking mga pakpak. Itim, asul, lunti at kulay kahel!"
***