Bakit Nga Ba Isang Kahig Isang Tuka Ang Mga Manok?
Alamat ng Manok |
Ang Alamat Ng Manok
Noong unang panahon, sa isang malayong nayon ng Luzon ay may isang pamilyang ubod ng hirap sa buhay na naninirahan lamang sa isang maliit na dampa. Nangangahoy lamang ang ama ng kanilag tahanan na si Mang Ok at ang ina naman na si Nana Huling ay nagtatanim lamang ng kanilang makakain sa ligid-ligid ng kanilang bakuran.
Pito ang supling ng mag-asawa at ang kanilang edad ay halos nasa siyam pababa. Animo'y hagdanan na magkakasunod lamang ang mga taas at edad ng mga ito. Ang edad ng pinakabata ay halos dalawang taong gulang pa lamang. Ito din ang dahilan kung bakit si Nana Huling ay hindi makapagtrabaho sa malayo sapagkat palagi nyang kabuntot ang mga anak at asikaso nya ang mga ito.
At si Mang Ok nama'y masigasig na naghahanapbuhay magmula sa madaling araw hanggang hapon para lamang makahanap ng makakain ng kanyag mag-iina. Bukang liwayway pa lamag ay maririnig na itong gumagawa sa kanilang bahay at kapag bahagya ng sumisinag ang araw ay tinatawag ang mga anak at sabay sabay ang mga ito na lalabas ng kanilang dampa habang pinangungunahan ng kanilang ina.
Isa-isa nitong pinagbibilnan ang mga anak na pinagsasabihan kung paanong dapat ay huwag masyadong lalayo sa kailang ina para di sila mapalayo sa kanilang tahanan at upang di rin sila magalusan at masaktan sa kakalaro sa kung saan-saan.
Mababait ang mga anak ni Mang Ok at Nana Huling. Masunurin ang mga ito bagaman naruon pa rin ang pagiging malilikot at malaro. Pero isang tawag lamang sa kanila ng kanilang ina'y sumusunod na ang mga bata at tinutulungan ang ina nila sa pagkakalahig at pagbubungkal sa mga taniman para makakuha ng mga iluluto.
Sa araw-araw ay nakikita ng mga kapitbahay sa di kalayuan ang buhay nilang mag-anak. Nakikita nila ang sipag at tyaga ng mag-asawa para maitaguyod ang kanilang mga anak. Madalas ay nakikipagtrabaho din kasi si Mang Ok sa mga kapitbahay kapag sila ay may nais na ipagawa na mga pukpukin at gawain na makakadagdag sa kanya ng pambili ng pagkain para sa mga anak.
Ang nagugustuhan ng lahat kay Mang Ok ay ang maagap nitong pagtatrabaho at ang pulidong paggawa. Kaya't ang mga kapitbhay ay naging mapagbigay din sa kanyang pamilya dahil alam ng mga ito ang labis nilang pangangailangan.
Dumaan ang taglamig at ang lahat ay nakapaghanda sa paparating na tag-ulan. Pinakumpuni ng karamihan ang kanilang tahanan kay Mang Ok at nangagsitibay ang kanilang mga tinitirhan. Habang nakapagtabi ng makakain at mga pangunahing pangangailangan ang lahat ng kanyang mga kapitbahay ay naging kabaligtaran naman ito sa pamilya ni Mang Ok.
Palibhasa'y sa taniman lamang umaasa si Nana Huling ng makakain nila at marami ang kanilang anak, hindi napagkakasya madalas ni Nana Huling ang kanilang pagkain. Dumating ang matinding tag-ulan at ang lahat ay di na makalabas ng kani-kanilang mga tirahan. Ang mag-anak ay iniinot-inot na lamng ang kanilag makakain at ang kanilang dapa naman ay ginigiya na ng malakas na bagyong hangin.
Nanginginig sa takot at lamig ang iba nilang anak dahil hindi nagawang kumpunihin ni Mang Ok ang kanilang bubungan.Natuon sa maraming patrabaho sa kanya ng ibang tao ang kanilang ama dahil dito din niya kinukuha ang kanilang pambili ng makakain at pangangailangan. Hindi kakikitaan ng away at panunumbat si Nana Huling. Batid din niya na masikap ang kayang asawa. At alam niyang ginagawa nito ang lahat ng kanyang makakaya.
Lumakas lalo ang ihip ng hangin. Bumuhos ang matinding ulan. Unti-unting tinangay ng malakas na hangin ang mga sawali at kawayan ng kanilang tahanan. Niyakap na lamang ng buong higpit ni Mang Ok ang mga anak at umusal ng dalangin silang mag-asawa para sa kanilang pamilya. Alam nilang walang makakasaklolo sa kanila dahil sa malakas na bagyong kanilang nararanasan. Nakapinid ang lahat ng pintuan at bintana ng kanilang mga kapitbahay.
Sinubukan nilang mag-anak ang humingi ng saklolo para sa kanilang mga anak, Ngunit tila walang nakakarinig sa kanila dahil sa lakas ng ulan at kulog sa kalangitan. Isa-isang nilamig a di kinaya ng mga supling ang sungit ng panahon. Isa-isa itong nalagutan ng hininga at maging si Nana Huling at Mang Ok ay di na rin ito kinakaya.
Umusal na lamang ng dalangin ang mga ito habang nakatingala. "Bathala, kayo na po ang sa amin ay bahala." Iyon lamang at sabay na ipinikit ng mag-asawa ang kanilang mga mata at nalagutan sila unti-unti ng hininga. Animo'y panawagan na kagyat pinakinggan. Ilang saglit lang at ang hangin ay humupa at ang ulan ay unti-unting tumila.
Makaraan ang isang oras, ang bagyong napakalakas ay humupa na. Nangagsibukasan ang mga pintuan at bintana ng ilang mga bahay. At ang kalunos-lunos na dampa ng mag-asawa'y kanilang nakita na nagiba na nga bagyo. Humangos isa-isa ang mga may magagandang kalooban at agad nagnais sila na saklolohan ang mag-anak. Subalit di nila makita ang mga ito.
Isang kataka-takang himala ang kanilang nasaksihan. Mula sa silong ng nagibang dampa ay nakita nila ang uri ng isang hayop na noon lamang nila nakita sa lugar. May palong sa ulo ang pinakamalaki at animo'y koronang maliit lamang ang nasa isa pa. Animo'y hari at reyna. At pagtayo ng may koronang maliit ay biglag naglitawan ang mga maliliit na hayop na alam mong mga supling.
Nanggilalas ang lahat at tuwang-tuwa sa kakaibang mag-anak na kanilang nasaksihan. Nabaling ang atensyon ng mga tao sa mga ito. At ang lahat ay nagsiuwi na. Kinabukasan ng madaling aaw ay naririnig ang ingay na nanggagaling sa gibang dampa. Narinig nila ang unang tilaok ng hayop at pagkatapos ay nakita nila ang mga maliliit nitong anak na nakasuod sa inahin
Naglapitan ang mga tao, at duon nila napagtanto na ito ang pamilya ni Mang Ok at Nana Huling. Pinagmasdan nila ang mga galaw at ang sigasig at tikas nito na alalayan ang kanyang mag-iina kahit saan magpunta. At ang mga supling nama'y di lumalayo sa kanilang ina.
Ang malugod na bathala ay dininig sila, binigyan sila ng ikalawang buhay at ipinamalas sa kanila ng Bathala ang kanyang kapangyarihan. Pinagyaman nito sa maraming pananim ang kanilang paligid upang kahit saan sila'y may makakain. At magbuhat noon tinawag na manok ang mga ito.
***
Aral: May kasabihan tayo, "Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa". Dapat nating tandaan na kapag ang isang tao ay masikap at matyaga ay may gintong gantimpala.