Alamat Ng Sampaguita

Bakit Puti Ang Kulay Ng Sampaguita?

Noong unang panahon, may isang datung kapitapitagan at lubos na ginagalang sa kalakhang Maynila. Mayroon itong isang anak na dalaga na talaga namang pagkaganda-ganda at kahanga-hanga. Hinahangaan ng karamihan ang dalaga dahil sa  angkin din nitong kabaitan. Mababait din kasi ang kanyang ama't ina at talaga namang kagalang-galang. Marami ang sa kanya ay nahahalina at marami rin itong mangingibig. 

Sa kabila ng kagandahan at kabaitan ay hindi alintana ni Sampa ang mga papuri at mga paghangang ibinabato sa kanya. Batid ng lahat ang kababaang loob ng dalaga kung kaya't pinakaka ingat-ingatan din siya at pinakamamahal ng kanyang mga magulang lalo na ng kanyang amang si Datu Guita.

Lumaki si Sampa na maraming nag-aaruga at nangangalaga. Subalit magkaganoon ma'y hindi ito kinakitaan ng pagiging salbahe at mapangmata na pag-uugali sa kanilang mga alila. Hindi matapobre ang pamilya ni Sampa kung kaya't lalong dumarami ang mga tapat na mangingibig at tagahanga ng kanilang pamilya.

Marami ring mga lihim na mangingibig ang dalaga. Marahil ay dahil sa antas ng pamumuhay ng mga ito kung kaya't may mga mangingibig ang magandang dalaga na hindi na rin lumalantad dahil sa agwat ng kanilang pamumuhay. Isa na rito si Jose na hamak nilang hardinero.

Si Jose ay matikas at moreno. Kung hindi lamang sa kahirapan marahil ay masasabi mong may ibubuga ito sa mga mstizong manliligaw ng dalaga kung sa tindig rin lamang at hitsura ang pag-uusapan. Mabait at timid ang binata kapag nakakaharap na ang dalaga. Halos lumaking magkasabay ang mga ito. Dangan nga lamang at ang mga magulang ng binata'y naglilingkod na rin mula't sapul sa kanilang pamilya.

Lihim ding itinatangi ng puso ng dalaga ang kanyang kababata. Bagaman hindi sila madalas mag-usap batid nilang maypagtatangi sila sa isa't-isa subalit si Jose na rin ang kusang dumidistansya sa dalaga. 

Dahil dito'y kinikimkim nilang dalawa ang kanilang mga damdamin. Lihim itong naging bigat sa dibdib ng dalaga. Araw-araw niyang nakikita ang binata na naglilinis ng kanilang hardin at ito'y araw-araw di nagbibigay ng bagong pitas na mga bulaklak na ang ginagawang dahilan ay para sa altar ng dalaga sa kanyang silid.

Ang labis na kalungkutan sa pananahimik ng binata sa kanyang saloobin ay naging sanhi ng kalungkutan nito. At tila ito'y mistulang naging sanhi at iginupo ang dalaga sa kanyang kalungkutan. Nagkaroon ng butas sa puso ang dalaga sa hindi alam na kadahilanan. Hanggang sa ang magandang dalaga ay namayat at kalaunan ay naratay sa kanyang silid. 

Labis ang naging kalungkutan ni Jose sa kaawa-awang kalagayan ng minamahal. Subalit nanatili itong tahimik at tikom ang bibig. Araw-araw ay inaalayan niya ang dalaga ng mga puting bulaklak at iniaayos iyon sa silid ng nakahiga na lamang na dalaga dahil sa kapayatan. Pero bago ito umalis ay buong pagmamahal muna niyang nililingon ang pinakamamahal na kababata.

Alam lahat iyon ni Samita dahil madalas siya'y gising at naghihintay lamang na siya'y kausapin nito.

Ilang araw pa ang lumisan at tila lalong nanamlay na ang kalagayan ng katawan ni Samita. Walang magaling na doktor o albularyo ang makapagpagaling man lang sa kanya. At labis labis ang kalungkutan dito ni Jose.

Kinabukasan ay muling dinalhan ng mga bulaklak ni Jose ang dalaga. Samantalang ang tagalinis ng silid ay nakiusap naman sa kanya na bantayan sandali ito dahil siya'y may kukunin lamang. Sinamantala ni Jose ang pagkakataon. Nilabanan ni Jose ang kanyang katorpehan. Pigil ang kanyang damdamin na pinagmasdan ito at saka lumapit sa gilid ng kanyang kama. Bahagyang dumukwang si Jose sa mukha ng dalaga at ito'y kanyang hinagkan sa pisngi. Naramdaman iyon ng dalaga na sadyang nakapikit lamang ang mga mata.

Bumulong sa kanya si Jose. "Mahal na mahal kita, Sampa" iyon lamang at dumating na ang tagalinis ng silid at ang binata'y nagpaalam. Gumising ang dalaga at umiyak ng labis. Nataranta ang lahat pati ang kanyang mga magulang. Subalit pagkatapos niyon ay nagsalita ang dalaga sa kanyang mga magulang.

"Ako'y masaya na lilisan. Huwag ninyong pababayaan ang inyong mga sarili." ang sabi ni Samita.

Iyon lamang at ipinikit na ng dalaga ang kanyang mga mata. Tila hinintay lamang niya ang mga salitang binitawan sa kanya ng binatang mangingibig na labis din niyang inibig.

Inilibing si Samita at marami ang naluksa. Subali't hindi kinaya ni Jose na sumama sa libing ng dalaga. Labis labis ang kanyang hinagpis sa pagkawala nito. At lumipas ang ilang buwan hindi pa rin ito magawa ng binata. Hanggang isang gabi'y ito'y kanyang napanaginipan. Hudyat para maglakas loob ang binata na dalawin ang minamahal sa kanyang puntod.

Tumangis ng husto ang binata pagkakita sa puntod nito. Ang mga labis na luha'y tumulo sa lupa. Naisip niyang sana'y napangalagaan nya ng husto ang dalaga nuong ito'y nabubuhay pa. Sana'y nagkalakas sya ng loob na hingiin ang mga kamay nito sa kanyang pamilya. Subalit huli na.

 Mula noo'y araw-araw ng dinadalaw ito ni Jose. At isang umaga'y nanggilalas na lamang ito ng makitang puno ng puting bulaklak ang isang halaman at ito'y pagkabango-bangong humahalimuyak. Napakaganda ng mumunting bulaklak na nagkukumpulan at hitik sa mga sanga. 

Nakaramdam ng malamyos na hangin ang binata sa kanyang pisngi. At naalala niya nuong siya'y magtapat sa dalaga. Wari ba'y sumasagot ito sa kanyang mga nasabi. At tumulo ag kanyang mga luha. Siya'y nagalak sa katotohanang nabatid, na siya'y mahal din ng dalaga. Subalit mas labis ang kanyang kalungkutan sapagkat hindi na niya ito mayayakap man lamang o mahahagkan.

Magmula nuon ay kinagiliwan ang bulaklak dahil ito'y kulay puti na animo'y napakabusilak at napakabango at nakakabuti sa pakiramdam. Parang si Sampa na napakaganda at may mabuting kalooban. Makikita lamang ito nuon sa puntod ni Sampa, ang anak ni Datu Guita. Lumipas ang mga buwan at ang bulaklak at tinawag ng Sampaguita.

Dito nagmula ang alamat ng Sampaguita.

***

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma