Ang Palayok Ni Ingkong Menang

Ang Palayok Ni Ingkong Menang

Maikling kwento na pinamagatang 'ang palayok ni Ingkong Menang'.


Sa isang di kalayuang bayan na malapit sa bundok ng Sierra Madre ay may isang matandang babae na mahilig sa makukulay at bulaklaking bestida. Katulad ng araw-araw niyang kasuotan ay mababanaag sa kanyang maamong mukha ang kabaitan at masayahin niyang aura.

Palangiti at palabati sa lahat ng kanyang makikita ang matandang babae na wari mo ba'y hindi ni minsan man ay nakaranas ng anumang suliranin at problema sa buhay. Masayahin bukod pa sa pagiging matulungin at mababang loob ang masasalamin sa pag-uugali ni Ingkong Menang.



Siya ay humigit kumulang na nubenta anyos na. Ngunit hindi ito makikita sa kanyang kaanyuan. Marahil ay dahil na rin sa kanyang butihing ugali at hindi ito makikitang nakasimangot kahit sumandali lang. Iyon na rin marahhil ang dahilan kung bakit ang lahat ng makakita ay giliw na giliw din kay Ingkong Menang.

Mapagkawanggawa si Aling Menang kahit siya'y matanda na. Lubhang naging inspirasyon sa lahat ang angking sipag at kabaitan nito kung kaya halos sya ang tinaguriang lola ng bayan.

Tuwing umaga'y masigasig itong nananalbos at namimitas ng mga bungangkahoy sa ligid-ligid sa kanilang pook. Pagkatapos noon ay masaya nitong iluluto ang kanyang mga tinipong sariwang gulay at talbos. Ang kanyang lutuin ay kakatwang humahalimuyak sa sa buong nayon. At sa pagtilaok ng mga manok ay mabubungaran na ng lahat ang masayang mukha ni Ingkong menang na may bitbit at pangko na palayok.

Masigla ang lahat sa tuwing umaga sa kanilang paggising. Wari ba'y isang nanay na raming anak ang nakahandang sa kanila ay maghahain. Ang lahat ay nakakatikim ng kanyang masarap na lutuin. Hindi mo aakalain na sa kanyang tangan na palayok ang lahat ng mga tao ay mabubusog at lahat ay makakakain. Higit pa rito ay masiglang masigla ang mga bata sa kanilang bawat subo at kinakain.

Nagtataka man ang lahat subalit dahil sa kaligayahang hatid ni Ingkong Menang sa kanilang lugar, lahat sila'y walang pag-aalinlangan sa ipinapakita nitong malasakit sa lahat. Kaya't madalas ang mga tampulan ng tukso'y isa siyang diwata na kanilang tagapangalaga ng lahat. Labis namang nagigiliw at natutuwa ang matanda sa ipinapakitang pagmamahal sa kanya ng lahat.

Ang ilan nama'y sinasabing makapangyarihan ang kanyang palayok dahil silang lahat ay nabibiyayaan nito ng napakasarap na pagkain. Ipinagkibit balikat lamang ito ng matanda at saka ngingiti ng pagkatamis-tamis.

"Kayo ang nagbibigay sa akin ng walang hanggang galak at ligaya", ang laging sambit ni Ingkong Menang.

Pero ang tao'y sadya yatang mapag-imbot. Pinagnasaan nilang kunin ang lumang palayok na madalas paglutuan ng matanda para sa kanilang araw-araw na makakain. Sa pag-aakalang ito nga ay makapangyarihan, ninakaw ito sa kabila ng mahimbing na pagkakatulog ng matanda.

Ikinalungkot ito ni Ingkong Menang. Sa kabila ng kaniyang katandaan at pagtitiwala sa kanyang mga kababayan, ang isinukli nila sa kanyang pagmamalasakit at pagpapahalaga at isang kabuktutan.

Subalit hindi natinag ang matanda sa kaniyang sinumpaang paglilingkod sa mga tao. Batid niyang hindi naman lahat ay may maitim na budhi at masamang puso. Subalit dahil sa pagdaramdam na tinamo, may kalungkutan ng masasalamin sa kanyang mukha. Hindi na mawaglit sa kanya na ang tao talaga ay walang kasiyahan at kakuntentuhan.

Isang umaga'y di na nakapagrasyon ng libreng pagkain ang lola ng bayan. Hinanap ng mga batang nag-aabang sa kanya sa tarangkahan ng kanilang mga bakuran ang kanilang lola-lolahan. At duon ay natagpuan nila ang malamig ng bangkay ni Ingkong Menang na nakahimlay sa kanyang maliit na tahanan.

Marahil ay may iniinda na rin itong karamdaman dahil sa kanya na rin katandaan. Nalungkot ang lahat. Napaiyak at nanaghoy sa kanyang pagpanaw.

At sa kabila ng kanilang pagtangis, isa ang nagbigkas, "Walang kapantay ang kanyang kabutihan. Hindi na nga natin kailanman iyon masusuklian. At sa mga walang pusong nagnakaw pa ng kanyang palayok, ang pagdaramdam na kanyang naramdaman ay magsisilbi sa kanila na isang dagok."

"Ang kawawang Ingkong Menang, hindi na natin masisilayan ang kanyang maamong mukha at di na mararamdaman ang pagmamahal ng kanyang butihing puso." sambit ng ilang magulang.

At ng pumanaw si Ingkong Menang, ang lahat ay nagkawatak-watak.

***

Aral:

Nakakalungkot isipin na sa kabila ng kabutihan ng isang tao'y wala man lang ni minsan maisukling maganda at tama ang ilan. Sadyang ang ila'y may buktot na pag-uugali at maling katwiran na nakakapanakit ng labis sa may mabubuting kalooban.

Sponsored:




Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma