Alamat Ng Makopa

Bakit Hugis Kampana Ang Makopa

Alamat Ng Makopa

Noong unang panahon ay may isang bayan na kalapit lamang ng isang mataas na bundok at halos naliligiran ng mala-pulong gubat.

Ang mga mamamayan dito ay tahimik at maligaya s akanilang pamumuhay. Ang malalawak na bukirin ay mayabong na punong-kahoy ay nagbibigay ng masaganang ani na siyang ikinabubuhay ng bawat taong naninirahan doon.

Ngunit sa lahat ang ipinagmamalaki ng mamamayan ay ang kanilang gintong kampana na nakasabit sa simboryo ng simbahan. Ang pinagmulan nito ay matagal nang nakalimutan. Ayon sa mga kanunu-nunuan nila ang kampanang iyon ay nagisnan na nila at kanila ngang ginagalang. Dito ay may napapaloob na hiwaga at ang paniwala'y doon nanggagaling ang biyayang tinatamasa nila sa buhay.

Ang batingaw na iyon ay napakaganda ng hubog, malakas at buo ang tunog. Kung tumutunog ay kinariringgan ng napakagandang tinig. Ang bawat taong makakarinig ay sapilitang nagsisiluhod at taimtim na magpapasalama sa Maykapal dahil sa kanilang mga biyayang tinatanggap.Talagang napakalaki ng pagsamba at paggalang ng mga tao sa kanilang batingaw.

Maraming tao sa malalayong bayan ang nakaalam sa kahalagahan ng kampana. Hindi lamang kakaunti ang nagkaroon ng masamang pagnanasa na makamtan ang nasabing batingaw.Higit sa lahat na may nais ay ang mga tulisang naninirahan sa gubat. Balak nilang tunawin ito kapag nakuha na nila.

Isang araw, ang buong bayan ay nagimbal sa isang malakas na sigaw: "Tulisan, tulisan, ang mga tulisan ay dumarating!" Di nag-aksaya ng panahon ang pari at ang dalawang sakristan, biglang ibinaba ang kampana't itinago. Nang dumating ang mga tulisan ay wala na ang batingaw. Datapuwa't hindi nagtapat ang mga ito hanngang sa magait na ang mga tulisan ay pinagpuputulan sila ng leeg. Umalis ang mga tulisan na hindi dala ang pakay nila na batingaw.

Ang bayan ay nagulo. Lahat ng tao'y nalungkot pagkat ang pinahahalagahan nilang batingaw ay di nila makita-kita. Ang nakakaalam lamang ng pinagtaguan nito ay ang tatlong pinatay ng mga tulisan. Lahat ay nangasihanap, mapa-bata, matanda, mayaman at mahirap ay nagtulong-tulong na rin. Ngunit hindi nila ito natagpuan. Lumipas ang maraming araw ang batingaw ay patuloy na naglaho.At sa hinaba-haba ng panahon, ang mga tao ay nakalimot na sa kanilang mga banal na gawain pati na rin sa kanilang pananampalataya. Wala ng pumupunta sa simbahan para magdasal. Ang mga bukid ay naiwan ding mga nakatiwangwang. Lagi na lamang may gulo sa kabayanan. Ang bayan ay nababalot na ng kalungkutan at kapighatian.

Maraming taon na ang nakalipas, isang umaga ang mga taong nagdaraan sa may simbahan aynakakita ng isang punongkahoy sa may tabi ng kumbento. Ito ay hitik na hitik sa bunga at kakaiba ang hugis nito. Hugis kampana ang mga ito at nagkukumpulan sa bawat sanga ng puno. Nagkagulo ang mga tao sa paligid ng puno. Nagtataka kung saan nanggagaling ang punong iyon na bukod sa hugis kampana ay mamula-mula ito.

Isang matandang lalaki ang pumagitna sa mga taong naroroon at nagsalita, "Habang ako'y natutulog para akong nakarinig ng isang tinig na nagsassabing hukayin ang ilalim ng isang puno sa tabi ng kumbento. Ngunit ito'y di ko pinansin sa pag-aakalang wala itong anumang kahulugan."

Kaagad ay naghukay ang mga kalalakihan. Nagbabakasakaling may ibig ipakita sa kanila ang pangitain na iyon ng matanda. Laki gulat ng mga tao ng sa kanilang paggagalugad ay natagpuan nila ang batingaw sa ilalim ng mga ugat ng nasabing puno. Ang mga tao ay napaluhod at napadasal ng bigla. Binitbit nila ng tulong-tulong ang batingaw para muling ilagay at patunugin sa kampanaryo. Ilang saglit pa'y maririnig na ang napakagandang tunog ng kampana sa buong nayon. Ito ay nagbigay ng sigla at kasiyahan sapuso ng mga tao habang sila'y taimtim na nananalangin at nagpapasalamat.

Samantalang ang mahiwagang puno naman ay nagpatuloy sa pagbubunga at kalaunan ay natutunan na kainin ng mga tao. Ang mga bata'y natutuwa sa hugis ng mga bunga nito na akala mo'y kopa. At dahil nga dito'y tinaguriang 'makopa' ang naturingang prutas. Ito ang alamat ng makopa.

***

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma