Ang Lumang Simbahan
Lumang Simbahan |
Lumang simbahan aking napagmasdan
Inaagiw at inaalikabok
Ilang poste'y binubukbok
Kampanaryong maliit
tunog sa tenga'y talagang pilit na pilit.
Upua'y uuga-uga, luhura'y gigiba-giba,
Pader ay may anyong uka-uka
Bentilador ay umikot dili bahabahagya,
Altar anong lungkot na sadya
Mga poong tahimik ay nangungulila
Dalawin mo't pagpupunasan,
Tapunan ng pansin para tayo'y kaawaan,
Ng dakilang poon na ating dalanginan,
Sa tuwing ang ganap sa buhay
Ay may pagbabadya ng kasawian.
Nakalulungkot kung iisipin,
Aalalahanin lamang kapag may suliranin
Limut-limot ang adhikain
Kapag materyal na bagay ang uunahin
Di alintana, walang sinasalamin.
Saka lamang manunumbalik
Katinuan ng pag-iisip
Kapag panahon na ang nagsabi
Na panahon na para ika'y mangandili
At yakapin ang buhay kahit sumandali.
***