Ang Pinagmulan ng Alamat ng Makahiya
Marahil ay alam hindi mo pa batid ang alamat ng makahiya at kung bakit ito tumitiklop sa tuwing ito'y nasasagi. Ito ang pinagmulan ng kwento ng halamang makahiya.
Alamat ng Makahiya |
Noong araw may isang dalagang hindi kagandahan sa isang malayong bayan. Natatangi ang itsura ni Akang sa mga kadalagahan at namumukod tangi rin ang kanyang pagiging mahiyain at mababang kalooban.
Hindi man pinagkalooban ng maamong mukha at magandang pangangatawan, mababanaag naman sa dalaga ang kanyang kabutihan. Para sa ilan si Akang ay pangit. At dahil doon ay walang mangingibig ang dalaga. Lubhang mapag-isa at mawilihin ang daalaga sa mga halaman.
Tampulan din sya ng tukso ng ilang kalalakihan. Walang may gustong manligaw sa kanya pagkat mapipili ang mga ito ng mga magagandang dalaga at ang kanilang ibig ay yaong maipagmamalaki sa mga kaibigan. At para sa kanila ay wala ng ganoong katangian si Akang.
Lihim na ipinaninibugho ng dalaga ang naririnig nyang iyon sa mga kabinataan sa kanilang lugar. Kayat habang nagdaraan ang panahon ay nagiging malayo sa kanyang mga kanayon ang kalooban ng dalaga.
Subalit may isang binata na hindi kagandahan ang ugali ang napadpad sa kanilang lugar. Dahil sa madalas na kasawian sa pag-ibig ay nagpakalayo-layo ito sa kanilang bayan. Ang lalaki ay may kapangitan at kayabangan. Magbuhat ng napadpad ito sa kanilang nayon ay puro panliligaw ang ginawa nya sa mga naggagandahang mga kadalagahan. Subalit dahil sa pangit na mukha at magaspang na pag-uugali ay walang natutuwa sa binata.
Madalas ay itinutukso na lamang sya kay Akang.
Ang sabi naman ng ilan ay hindi pa rin sila bagay ni Akang dahil ito ay napakabait at mahiyain samantalang ang binata at napakapangit pati na ang pag-uugali. Ikinagalit ng binata ang masamang biro.
Pagkaraan ng ilang araw, nabalitaan ng lahat na wala na si Akang. Nakita itong wala ng malay sa kanyang maliit na tirahan. Ayon sa nakasaksi'y nagahasa ito bago napaslang. At ang pangit na binata ay nawawala na rin sa kanilang lugar. Napagtanto ng lahat na ito ang may kagagawan ng pagpanaw ng mahiyaing si Akang.
Ikinalungkot ng mga tao ang sinapit ni Akang. Mahiyain at mabait at may mababang kalooban ang dalaga. Matulungin din ito sa mga matatandang nangangailangan at magalang. Nanangis ang kanyang mga natulungan at hiniling sa Bathala na sana'y maparusahan ang may gawa sa sinapit nya.
Ang mga luha ng mga ito'y pumatak sa palibot ng kanyang tahanan. Ang ilang nakabalita'y nagsitangis at nangagsilungkot na parang nawalan ng napakabait na anak. At ang kanilang mga luhang pumatak sa lupa'y nag-iwan ng bakas.
Pagkalipas lamang ng ilang araw ay napuno ng maliliit na halaman ang paligid ng bahay ni Akang. Nagtataka ang ilan dahil kapag ito'y nahawakan, tumitiklop ang mga dahon na parang hiyang-hiya. Subalit hindi mo rin ito basta-basta makakanti dahil sa maliliit nitong tinik na animo pananggalang nito sa mga gagalaw sa kanya. Nuon lamang nila nakita ang gayong halaman.
"Ito ang tugon ni Bathala", ito ang sambit ng mga matatanda. Ito ay pagpapaalala na minsa'y nabuhay at nakasama nila si Akang. Ang mabuti at mahiyain na si Akang.
Nagulat din ang mga kakilala ni Akang na matatanda na nangagsitangis sa kanyang pagkawala. Nagsitubo sa kanilang mga bakuran ang parehong halaman na kapag nahawakan ay animo hiyang-hiya. At ang mga tinik sa kanyang maliliit na tangkay ay sinadya ng Bathala para sa kanyang proteksyon.
Sa kanilang mga puso alam nilang nag-iwan si Akang ng sagot sa kanilang mga dalangin. Sya ay nasa pangangalaga na ng mahal na Bathala.
Lumipas pa ang panahon at nasanay na ang mga tao sa halamang ito. Pinangalanan nila ang halaman na Akanghiya. Subalit kalaunan ay naging makahiya na ang bansag dito.
***