Ningning Ng Umaga
Ningning Ng Umaga |
Bawat puso'y naghahangad,
Umagang walang kasing tingkad,
Kumikinang sa pag-asa,
Gintong pangako'y aninag sa kanya.
Busilak at may tanging ganda,
Maningning na kulay ay sumisilay na,
Kahit lamlam ng luha ang mga mata,
Di mag-aatubiling hintayin pasikat na umaga.
Mapalad kang nilikha,
Kapag naabot mo ang mga tala,
Pero mas mapalad ka sa buong madla,
Pag ang biyaya sa umaga nagmula.
Hindi man maabot ng isip,
Butihing puso'y pilit sisilip,
Tatahakin ang ningning ng liwanag,
Sasagip ang Bathalang lilingap.
Ang umaga'y may laang pangako,
Sa bawat taong nasa siphayo,
Biyayang sasagip sa bawat buhay,
Pag-asa'y walang kapalit na tunay.
Huwag kang malulumbay,
Ang pinapatay ng tao'y bibigyan ng buhay,
Kailangan lang makita ang pag-usbong,
Paniniwalang tapat sa Panginoon.
Ika'y patuloy na bibigyan,
Pag-asang walang labis sidlan,
Patuloy lamang pangalagaan,
Ika'y hindi naman talaga tinalikdan.
***