Ang Iyak Ng Batang Makulit
Iyak Ng Batang Makulit |
Ang bata kapag ngumawa,
hanap ay gintong aruga,
Pansini't lalong lalala,
pag binati'y magwawala
kagalitan mo nama'y
mukhang kaawa-awa,
bulahaw na nga sa madla,
ayaw tantanan ang matanda
kahit saya'y sayad na sa lupa.
Ay! ang batang makulet,
kahit ano na lang ay ipipilit,
kahit pa tenga'y mapihit,
mangungulit ng mangungulit,
maya't maya'y alumpihit,
'di pansin nanay na masungit,
maglulupasay at iingit,
kahit pa mukha'y magkapilipit,
alang magawa kahit ina'y nangangalit.
Ang bata kapag laging nasusunod,
kahit maghapon ka pang manikluhod,
utos ng matanda'y di matutugon,
di na alintana ang tama at mali,,
ang kagustuha'y di nga mababali,
pagtanda katwira'y bakli-bakli,
dahil kinalakiha'y di mawari,
di pasusupil anumang sidhi,
Sisi pa rin sa magulang ang sukli.
Kaya't iyak ng batang makulet,
ay wag ipagwalang bahala,
di lahat ng hinihingi ay dapat ipaubaya,
lalo't sa mali baka sila'y madapa,
Ikaw din na magulang sa huli syang ang ngangawa.
***