Alamat ng Matsing

Masama Ang Maging Mapanghusga Sa Kapwa


Bakit Masama ang maging mapanghusga ng kapwa at ang maalamat ng kwento ng matsing
Alamat Ng Matsing

Alamat Ng Matsing

Sa isang mayamang kaharian, noong unang panahon, may isang prinsesang ubod ng ganda. Siya ay si Prinsesa Amapela na ang lahat ay humahanga sa taglay na kagandahan.

Ngunit sa likod ng kanyang kagandahan ay ang napakasamang ugali. Ang prinsesa ay ubod ng sungit, suplada at mapanghusga. Napakataas ng pagtingin niya sa kanyang sarili "Ayoko sa mga taong pangit! Palayasin sila sa palasyo!" ang palaging sigaw nito sa tuwing makakakita ng pangit na tauhan sa palasyo.

Dahil sa prinsesa, ang lahat lamang ng magaganda ang nakakapasok at nakakapagtrabaho sa loob ng palasyo. At ang mga pangit ay itinataboy sa labas upang maging mga alipin at manggagawa.

Sa paglipas ng panahon, dumating ang takdang araw ng pagpili ni Prinsesa Amapela ng mapapangasawa. At naghanda nga ang kaharian ng bonggang bongga . Inimbitahan ang maraming maharlikang tao buhat sa iba't ibang kaharian. Nagsidating din ang maraming makikisig na prinsipe upang ang isa sa kanila ay maaaring mapangasawa ng prinsesa.

Di nga nagtagal at isa isa ng nagpakitang gilas ang mga maharlikang dayuhan, nagsimula nang mamili si Prinsesa Amapela ng mapapangasawa. Ang lahat ng prinsipe ay tumayo sa kanyang harapan at nagbigay- pugay at galang. Isa sa mga prinsipe ang nagustuhan ng prinsesa, at ito'y si Prinsipe Algori.

Si Prinsipe Algori ay isang napakakisig na prinsipe na animo Adonis na namumukod-tangi sa lahat ng naroroon. May kabighabighani itong kakisigan at kagwapuhan na nakapukaw sa pansin ni Prinsesa Amapela. Ngunit bago pa man napili ni Prinsesa Amapela ang makisig na prinsipe, ay may nakita siyang pagkapangit-pangit na prinsipe na nakatayo sa likuran nito.


Hindi napigilan ng prinsesa ang sarili

"Sino ka? Hindi ka nahiya sa iyong sarili!

Napakapangit mo! Lumayas ka rito at magbalik ka na sa kuwebang pinanggalingan mo!" ang bulyaw nito. Nabigla ang lahat sa inasal ng prinsesa. "Siya ang aking napili! Siya ang aking mapapangasawa,"
ang agad na idinugtong nito sabay turo kay Prinsipe Algori. 

Masayang lumapit si Prinsipe Algori sa prinsesa at humalik sa kamay nito. Isa-isa nang nag-alisan ang mga nabigong prinsipe, ngunit nanatiling nakatayo sa harapan ang pangit na prinsipe.

"Ano pang hinihintay mo! Lumayas ka na! Ayaw kitang makita!" ang muling bulyaw ng prinsesa na tila nandidiri. Malumanay na nagsalita ang prinsipeng pangit, "Hindi ako manghihinayang sa isang tulad mo. Kung ano ang ganda ng iyong mukha ay siya namang kapangitan ng iyong ugali," ang wika nito.

Bigla ay nagbago ang ang anyo ng prinsipeng pangit. Ito ay naging isang napakakisig na lalaki, higit kaysa kay Prinsipe Algori. Namangha ang lahat, sapagkat ang pangit na prinsipe pala ay ang "Diyos ng Kakisigan." Bumaba ang isang kumpol ng ulap, at sumakay rito ang "Diyos ng Kakisigan," at tuluyan nang lumisan

Nanghinayang ang lahat, lalo na ang hari at reyna. Ngunit higit sa lahat, nanghinayang ng husto si Prinsesa Amapela, bagay na hingi niya ipinahalata.

Agad na ikinasal ang ng hari sina Prinsesa Amapela at Prinsipe Algori. Ngunit matapos ang kasal, ganun nalang ang gulat ng lahat. "Ngayong mag-asawa na tayo, kilangan ka nang sumama sa aking kaharian," ang wika ni Prinsipe Algori. "Anong ibig mong sabihin?" ang nagtatakang tanong ng prinsesa.

Bigla, nagbago ang anyo ni Prinsipe Algori. Ito ay naging isang kakaibang nilalang ng puno ng balahibo ang buong katawan. Nagsigawan at nasindak ang lahat, lalo pa't bigla na ring nagbago ang anyo ni Prinsesa Amapela. Nabalot din ito ng balahibo sa buong katawan, at nagkaroon pa ng buntot.

Hindi makapaniwala ang lahat, subalit huli na. Dinala na si Prinsesa Amapela sa kagubatan ni Prinsipe Algori, na siya palang "Diyos ng mga hayop-gubat." At si Prinsesa Amapela nga ang kauna-unahang matsing sa kagubatan. Ito ang naging parusa sa kanyang pagiging suplada at mapagmataas.

Kaya dapat nating tandaan na hindi natin dapat husgahan ang tao sa kanyang panlabas na anyo, dahil ang higit na mahalaga ay ang tunay na pagkatao at pag-uugali.

***

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma