Mga Prutas sa Pinas

Mga Prutas Sa Pinas


Mga prutas gaya ng kalamansi, suha at dalandan

Tikman at ngiwing mukha ang 'yong daratnan,

Dayap na pagkabango-bango, amuyin kapag hilong-hilo

Asaha't mawawala pati sakit ng ulo.


Papaya, melon, abokado at pakwan,

Kainin kapag di madumi, at may sakit sa tyan.

Mawili kang ito'y kanin, pagkasarap kapag inihain,

Lalo na't gawa pa sa malamig na inumin.


Sa ginintuang dilaw tiyak mata mo'y bibilog,

Kapag manggang hinog sa harap mo'y ihahandog,

'Yun ngang manibalang kapag may kasama na bagoong,

Ang laway mo'y siguradong gugulong.


Ano pang iyong mahihiling, humingi ka nga lang ng saging,

E di nga ba't sangkatutak na prutas na ang darating.

Latondan, lakatan, senyorita, morado, saba at lagkitan,

Isama na rin natin ang inabaniko, tindok at utungan.


Di naman pahuhuli ang mga prutas na ire,

Kahit pa nga nuknukan pa ng dami ng buto,

Di kakinisiang prutas na kung tawagi'y atis at guyabano,

Kapag kinain mo'y siguradong may benepisyo.


Ito namang santol, bayabas, sampalok at kalamansi,

Maaaring ipang-ulam kahit magkangiwi-ngiwi,

Gawin mang pampalasa'y di ka talagang magsasawa,

Kalimitan pa kung ito'y hanapin natin na sadya.


Ito namang singkamas na pagkaputi-puti,

Kagatin mo't matamis kang ngingiti,

Kapag kinain mo'y walang uhaw na sandali,

Lalo na sa matamis na bukong ubod langit na minithi.


Nakakain ka na ba ng hinog na makopa,

Pagkahali-halina't mamula-mula sa hugis na mala-kampanilya,

Samantala ang rambutan na kanyang kakulay

Kapag nakita'y parang nahintakutang bunga.


Ang madalang na prutas na atin ng makikita,

Mga bata ngayo'y di na nila tiyak na masyadong kilala,

Maliliit man ito sa ating paningin ay wag ismolin,

Aratiles, sinigwelas at buli sa kanila ka'y mawiwili.


Ano ang masasabi kapag alimuran ay kinain ng mabuti,

Minsa'y matamis, minsa'y maasim na hindi mawari,

Kaiba man kay mangoosteen na mula-mula ang tiyan,

Patuyuin ang balat at may mainit pang tsaa na pagsasaluhan.


Samantalang sa langka na masarap sa halo-halo't minatamis,

Mabuto at madilaw at malutong kung kagatin,

Kay durian na kaparehong kamukha rin pero maanggo,

Katulad din ni marang maputing laman kasama ng buto.


Matamis na kayumangging chiko rin ay maige

Kapag nasobrahan naman sa kain sa mga prutas na ganire,

Hanapin lamang si duhat, kaymito at kamatsile.

Wag lang kakain ng madami at baka ikaw ay matibe.


Matitiis mo bang mga prutas na ito'y di makain?

Lalo ng pinyang masarap sa salad pa mandin,

Isabay ang prutas na mala-estrelyang balimbing,

Siguradong hayahay na buhay sa saganang pagkain.

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma