Kalungkutan at Kaligayahan
Sa aking paglalayag sa buhay
Kalungkutan ang lagi ng karamay
Ngumiti ma'y saglit lang
Si kalungkuta'y parating nariyan.
Hindi mo man tawagin
Kalungkuta'y laging dumarating
Iwaksi man at iyong palayasin
Bumabalik-balik pa rin.
Mabuti ba syang kaibigan?
Palagi kang babantayan
Hindi ka rin tatantanan
Kahit di na sya kailangan.
Minsan, maiisip mo rin
Si Kaligayahan, palagi mang hanapin
Pero dumating ma'y saglit din
Kagyat iiwan ka't lilisanin...
Si Kaligayahan kapag pumansin
Parang hanging dadampi sa'tin
Masasabik ka't bibigyang alalahanin
Ipalalasap ang galak na sasariwain.
Kapagdaka'y kay Kalungkutan
Ika'y kanya namang ihahabilin
Upang presensya nya'y hahanap-hanapin
Iiwan kang tulala sa hangin
Si Kalungkutan nga ba'y kaibigan?
Hirap syang mang-iwan...
...pero itong si Kaligayahan!
Hindi mo man lamang asahang ika'y bantayan.
...
Si Kalungkutan nga ba'y kaaway o kaibigan? Si Kaligayahan nga ba'y mailap at di maasahan?