Sa Paskong Darating
Kay bilis ng paglipas at pagdaan ng panahon
Sa bawat araw na sisikat at buwan na tumatalon
Masayang isipin parating na ang pasko ng taon
Kapanganakan ni Jesus ay gugunitain ulit ngayon.
Maaari ng lumabas at magsimba at magdasal sa Poon,
Titingala sa liwanag ng buwan at magbibilang ng parol
Sa samyo ng malamig na tinig na umaawit ng pamasko
Buong galak na sasabay at aawit ng taas ang noo
Sasabay sa mga nagsisimbang nagdarasal ng taos-puso
Ipapanalangin mga mahal sa buhay na di makakapiling ng pasko
Gugunitain silang mga dinaanan ng pagsubok at bagyo
At magpapasalamat sa biyayang nakamit ng husto.
Paskong nagdaan man ay may ligalig at dusa
Isantabi ang mga pusong umiiyak, nagdurugo at nagluluksa
Bagkus manalangin at manikluhod at magdasal ka sa Kanya
Nakatindig ka pa't nakatayo sa gitna ng naging pandemya
Ang sayaw ng mga lumang parol sa poste't gitnang kalsada
Lasap ang diwa ng paskong katatapos lamang magdusa
Sumisimbolo ng kagalakan sa kaarawan ng sanggol sa sabsaban
Di man magara at magarbo, dulot ay sanlaksang galak at ligaya
Manalangin ng taos-puso at huwag kang hihinto
Maniwala ng tapat at huwag ka munang kikibo
Anumang pagsubok lilipas kayat huwag kang susuko
Pagkat pasko'y may pangakong pagmamahal at wagas na pagsuyo.