Undas Ng Makabagong Panahon
Undas Ng Makabagong Panahon |
Undas: Araw Ng Mga Patay
Undas sa unang araw ng buwan ng Nobyembre,
Dia de Todos Los Santos na tinuringan,
ang tawag na iniwan ng mga mananakop,
Nakintal sa higit-kumulang tatlumpu't tatlong daan at tatlong taon,
Bilang pag-alala at respeto sa mga mahal na yumao.
Ang araw na inilaan para pumunta ng sementeryo.
Pagdalaw sa himlayan at paglinis sa mga nitso,
Ang pagtulos ng kandila, at pag-aalay ng magagandang bulaklak,
Pag-usal ng mga dalangin, at pagtangis na mula sa puso.
Mga kagawian na iminulat na totoo.
Ang halos magdamag na pakikipag-umpukan at pagbabantay,
at tanging tanglaw ay mga kandilang aandap andap ang buhay,
ang sama-samang pagdalaw ng mga kamag-anaka'y,
Para sa yumaong mahal nang di daw makaramdam ng lumbay.
Ang kinagisna'y nabura unti-unti ng panahon,
Ang magdamag na pagbisita'y sa iba naging maghapon.
May mga puntod na di na napansin at tila lupa'y syang lumamon,
habang magagarbong pantiyon ay parang bulaklak na umusbong,
At mga kandila'y nabawasan ang sirkulasyon.
Pulot kandila'y biglang nangawala
Kaya't bulaklak pagkapatong sa puntod,sya namang nanangawala!
Bawa't puntod kapag kilala'y may nangangalaga
Pagkaganda-ganda at pagkarangya-rangya.
Pag walang pera at ordinaryo ang nakahimlay ay nangangawala!
Habang tumatagal, pyesta ng patay ay nangangawala.
Masayang pag-gunita'y, pagtutulos na lamang ng kandila,
High-tech na pag-uukit ng lapida'y nabawasan ng sadya,
'Krimeysyon', ito ang tawag kung turingan ng madla,
habang yumao'y nakalaga'y na lamang sa sisidlan parang banga.
***