Bakit May Dala-Dalang Ilaw Ang Alitaptap
Noong araw ay may isang batang nagngangalang Ali. Ito ay may ugaling pagkasutil sutil at labis kung magbiro sa kanyang mga kapatid. Dahil anak ng isang Lakan at nag-iisang lalaki sa pamilya ay labis ang pagkahalina rito ng kanyang ama. Wala itong hiningi na hindi naibigay. At wala rin itong kagustuhan na hindi nasunod lalo pa't hiniling ito ng tahasan sa kanyang ama. Kagyat ito'y mapapasakamay.
Alamat Ng Alitaptap |
Puro babae ang mga kapatid ni Ali, at sa araw-araw ay wala itong ginawa kundi inisin ang mga ito. At sa gabi nama'y ugali niyang patayin ang mga lampara na gamit ng mga ito kapag sila'y nag-aaral o di kaya'y nagsusulsi ng mga damit. Bigla na lamang may sisigaw ng "Aliiii!!" at kasunod nito'y magkakabasagan ang ilang mga gamit dahil sa kani-kaniyang hanap ang kanyang mga kapatid ng kanilang mga gamit sa gitna ng dilim.
Ang iba'y natatapakan at ila'y natutusok ng karayom dahil sa pagkagulantang dahil isa-isa nitong hihipan ang mga lampara nilang gamit.
At kapag narinig na ng pilyong bata ang tinig at yabag ng ina na papalapit ay saka pa lamang nito isisindi ng hawak na lampara at saka tatawa na aliw na aliw sa kaniyang pagbibiro. Wala namang magawa ang mga kapatid dahil bukod sa ito'y nakakabata sa kanila ay paniguradong kapag ito'y kinagalitan ay iiyak lamang ng pagkalakas lakas at tatawag ng pansin sa kanilang ama. Alam nilang lahat na sila na rin ang dapat magpasensya kay Ali dahil kung hindi ay sila pa rin ang mapapagalitan.
Lingid sa kanilang kaalaman, sa katabing puno na abot tanaw lamang sa kanilang sala na nasa kanilang bakuran ay may mga engkantadang nagmamatyag sa lahat ng mga ito. Ang puno'y abot ng tanglaw ng mga lamparang kanilang ginagamit kung kaya't naliliwanagan din ang maliit na bahagi nito. Subalit dahil kay Ali, madalas mainis ang mga engkantadang sumasabay din pala sa kanyang mga kapatid na babae sa panunulsi at paghahabi. Hindi sila masaya sa pilyong ugali na ipinamamalas ni Ali.
"Marapat na bigyang leksyon ang pilyong batang ito!" ang sabi ng isang engkantada. At ang mungkahing iyon ay sinang-ayunan ng iba pang engkantada na kasama nito. Kinabukasan paggisisng ng lahat, sila'y labis na nagtataka. Tahimik ang paligid at walang mga ibon na nasira ang pakpak at manok na nagtatatarang na tumatakbo sa takot.
Wala si Ali.
Hinanap ng magkakapatid ang kanilang bunso subalit di nila ito makita kahit saan. Tumulong na din sa paghahanap ang kanilang ama at ina subalit walang Ali na nagparamdam. Hindi nawalan ng pag-asa ang Lakan. Maghapon nilang hinintay ang pag-uwi ni Ali subalit hanggang sa dumilim ay di na nila ito nasilayan.
Nang biglang napahagulgol ang kanilang ina dahil sa nakita. Itinuro nito sa kanyang asawa ang isang maliit na insektong animo may bitbit na lampara na iikot-ikot sa tabing puno sa kanilang bakuran. Malakas ang kutob ng kanilang ina na ito'y kaparusahan ng mga engkantada dahil sa kanyang labis na kapilyuhan. Napaiyak na lamang ang Lakan sa kanyang nasaksihan.
Hiniling ng Lakan na patawarin na lamang ang kanilang anak na si Ali sa kaniyang pagkakamali subalit ito'y hindi tinugon ng mga engkantada. Patuloy na nag-alay ng regalo ang Lakan upang mabawi ang anak mula sa parusa ng mga diwata. Subalit ang ama ay nabigo at dahil dito'y naratay ito at nagkasakit na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Hindi na muli pang nakabalik si Ali!
Dahil dito'y tinawag nilang alitaptap ang maliit na insektong may animo'y dalang lampara sa kanyang puwitan. At magbuhat nuon, makikita na ang mga alitaptap na iikot-ikot sa malalaking puno na sinasabing pinagbabahayan ng mga engkantada at nagsisilbing tanglaw ng kanilang mga tahanan.
***