Alamat Ng Kalabaw

Bakit Masipag Magtrabaho Ang Kalabaw

Alamat Ng Kalabaw

Napakasarap kapag nakakarinig tayo ng kwentong mga alamat. Bumabalik sa atin ang mga alaala ng kabataan kung saan napakarami nating katanungan sa mundo. Isa sa nakakatuwa at punung puno ng aral na alamat ay ang alamat ng Kalabaw.

Bakit Masipag Magtrabaho Ang Kalabaw ay isang kwentong alamat na maari kaaliwan ng mga mambabasa
Alamat Ng Kalabaw

Noong unang panahon may isang lalaking matipuno at makisig sa isang maliit na nayong Pilipino.  Kilala sya sa tawag na Labaway. At dahil sa angkin nitong katangian, maraming kadalagahan ang nabibighani sa kanya at nagnanais na sya ay mapangasawa. Isa na rito ang magandang dalaga na si Liwanag. 

Alam ni Labaway na may natatangi din syang pagtingin sa dalaga. Subalit nananaig sa kanya ang labis labis na pagmamahal sa kanyang sarili. Sa sobrang kakisigan at kagwapuhan, hindi na nito magawang magtrabaho dahil ayaw niyang madapuan ni langaw ang kanyang kutis. Ni ayaw din niyang humawak ng maduduming bagay dahil ayaw nya na sya ay pandirihan ng mga kadalagahan sa kanilang nayon.

Marami naman ang naiinis at naiinggit na kalalakihan sa kanya dahil pawang lahat na yata ng magagandang dilag sa kanilang nayon ay sya na lamang ang bukambibig. At dahil dito ay wala syang masyadong naging kaibigan at nakakasama liban na lamang sa kanyang amang nagkaka-edad na din.

At hindi iyon alintana ni Labaway. Masyado syang nawiwili sa atensyon at pagpupuring ibinibigay sa kanya ng mga kababaihan. At labis naman iyong ikinalungkot ng kanyang ama. Pakiwari nito'y hindi na sya makaranas na magkaroon ng apo bago man lang sya pumanaw.

Samantala, labis din ang pagkalungkot ni Liwanag sa nakikita kay Labaway. Unti-unti ay nilisan na rin sya ng pag-asa na maging kaisang dibdib ang binata na kanyang lihim na iniirog. Ang maliwanag nyang buhay ay dahan dahang naging malamlam. Dinapuan sya ng matinding karamdaman na naging sanhi ng kanyang maagang pagkamatay. 

Lihim na nanangis si Labaway dahil dito. Batid ito ng kanyang ama na lihim syang pinagmamasdan sa araw-araw magbuhat ng si Liwanag ay pumanaw. Subalit mababanaag pa rin ang sobrang pagmamahal nito sa kanyang sarili. Hindi sya nagpakita ng kalungkutan at pilit nagkukubli sa kanyang magandang kaanyuan ang damdamin ng binata.

Labis na ikinalungkot ng amang nagmamasid ang pangyayaring ito kay Labaway. Sinikap na lamang ng matanda na sya ay unawain dahil alam nyang hindi na rin madali sa anak na baguhin ang itinanim na ugali sa sarili. At dahil sa katandaan, dahan dahan na rin naramdaman ng matandang lalaki ang panghihina ng katawan.

At hindi iyon napansin ni Labaway. Kuntento na si Labaway na nakikita ang ama na tuwing hapon ay umuuwi galing sa bukid na bitbit ang mga gamit sa pagtatanim. At nakamulatan na rin niyang umaalis ito bago magbukangliwayway para  puntahan ang kanilang taniman ng palay. Magsasaka ang ama ni Labaway at pagtatanim ang kanilang ikinabubuhay.

Isang hapon nagulat na lamang si Labaway ng may mga magsasakang pumunta sa kanilang tahanan para sya ay sunduin at sabihin na natagpuan ang kanyang ama na nakahandusay sa pilapil tangan ang mga pananim na dapat ay iimbakin para sa kanilang pagkain.

"Ka Labaway," ang tawag ng isang magsasaka, "...ang inyo pong ama'y natagpuang isa ng bangkay. Tila may iniinda itong karamdaman at sya ay natumba sa pilapil ng inyong bukirin." ang nagmamadaling sabi nito kay Libaway.

Nagtatakbo ito papunta sa pilapil. Biglang umatungal na parang bata si Labaway ng makita ang ama na wala ng buhay at madusing ito na nakahandusay. Ikinabigla ng lahat ang nasaksihan sa ipinakitang labis na kalungkutan ng binata. Hindi nila iyon inaasahan dahil si Labaway ay sadyang matipuno at makisig at hindi ito kailanman nagpakita ng kalungkutan at lagi lang itong nakangiti na parang nang-aakit.

Nalungkot at naiyak naman ang mga labis na nagmamahal ng lihim kay Labaway. Batid nilang wala na itong kasama ngayon sa buhay. Hindi naman nakakibo ang mga kalalakihan at dali-dali na lamang nila itong tinulungan hanggang sa mailibing ang kaniyang ama.

Ni hindi ito umalis kahit isang saglit sa burol ng kaniyang ama. Ni hindi na rin nya nagawang magpalit o ni maligo man lamang magbuhat ng matagpuan ang ama na nakahandusay sa pilapil. Hindi na makita sa mga mata nito ang katiting na sigla. At alam ng lahat na labis labis ang kaniyang kalungkutan, dahil halos magkasunod lamang na namayapa si Liwanag at ang kanyang ama na labis na nagmamahal at sa kanya ay umuunawa.

"Nadudurog ang puso ko kay Labaway." ang sabi ng mga kadalagahan. "Alam naman nating lahat na nalungkot at nagluksa din sya sa kamamatay lang na si Liwanag. Marahil ay hindi nya ito kinakaya kaya hindi na nya alintana ang kanyang hitsura ngayon" sambit pa ng iba.

Pagkaraang mailibing ang ama ay nanaog ito sa kanilang tahanan tangan ang mga gamit sa pagtatanim ng amang namayapa. Nakamasid lamang ang bawat nakakaita sa kanya. Hindi na ito kagaya ng dati na laging mabango at ayos na ayos kung manamit. Hindi pa rin ito naliligo at ngayo'y nanlilimahid.

Nagulat naman ang mga kalalakihan na nagtatrabaho sa bukid na kanyang inabutan. Lumusong ito sa bukid na walng pag-aalinlangan. Walang humpay ang ginawang pagtatrabaho ni Labaway at ni halos gabi na kung ito'y magpahinga. Maaga pa minsan sa bukang liwayway ito'y nagtatrabaho na. Naroon pa rin ang angking kakisigan ng binata ngunit, nangingitim na ang mga balat nito sa dumi at madalas di'y nilalangaw pa.

May mga pagkakataon din na ito'y umaatungal na parang bata. Marahil ay dala ng kanyang kalungkutan.

Isang hapon, sa tabi ng isang magsasaka na kanyang kasama, nasambit nito ang mga katagang "Nasaan ka, Liwanag," aniyang mahinahon at may lungkot.
At pagkatapos, "...ama ko, patawad!" at saka ito umatungal na parang bata. 

Ilang araw pa'y nasanay na ang mga tao sa ipinakitang sipag ng matipunong si Labaway. Naging matunog ang tawag sa kanya ng mga kapwa magsasaka na 'Ka Labaway' na ang ibig sabihin ay 'Kapatid na Labaway'. Madalang itong maligo at minsan ay naglulublob lang sa patubig kapag ito'y init na init na marahil sa sikat ng araw.

Sa labis na pagtatrabaho, hindi na nito inisip ang kumain at matulog ng mahimbing. naging sanhi ito ng kanyang pagpanaw. Marami ang tumangis sa naging kinahinatnan ni Labaway.

Subalit isang araw, nagulat ang mga magsasaka ng makakita sila ng isang hayop sa bukid na kakaiba ang anyo sa kanilang mga alaga. Maitim ang balat nito, makisig at matipuno ang pangangatawan at mayroon itong malulungkot na pares ng mga mata at may sungay na animo'y sumisimbolo ng kanyang tapang. 

Nahintakutan ang mga magbubukid at sila'y napaatras, subalit tahimik lamang ito na nanginginain ng damo sa kanyang tabi. Ilang araw nila itong pinagmasdan at sinubukan patulungin sa bukid para maghakot ng mga pananim at napatunayan nila itong isang masipag na hayop. At nakita ng mga tao na maasahan ito sa bukid at dahil dito ay napaabilis din silang makapagani at makapagtanim.

"Napakakisig nya at napakabait naman pala kahit nakakatakot ang kulay ng kanyang mga balat dahil ito'y itiman at mukha syang madusing. Pero mukha rin syang matapang at napakatikas ng kanyang mga tindig. Malungkutin lamang ang kanyang mga mata na parang laging iiyak" sabi ng isang dalaga na naghatid ng makain sa kanyang amang katatapos lang lumusong sa bukid kasama ng naturang hayop.

"...naalala ko tuloy si Labaway, sya ang pinakamakisig sa lahat ng kabinataan dito hanggang sa magmistula na syang madusing dahil sa pagtatrabaho. Mayroon din syang malulungkot na pares ng mga mata gaya nito" ang sambit naman ng kanyang ina na naghahain ng makakain nila.

"Tama, katulad sya ni 'Ka Labaway'," ang sabi naman ng isang binatang magsasaka na minsa'y nakarinig sa mga tangis nito. Animo'y narinig naman ito ng hayop at ito'y umatungal na parang bata. Natahimik ang lahat at biglang nilang naalala ang binata sa ginawi ng hayop. 

Magmula nuon, tinatawag na nila ang naturang hayop na Kalabaway. Para sa mga tao sa nayon ito ay si 'Ka Labaway' na patuloy nagsisikap para makabawi sa kanyang mahal na si 'Liwanag' kung kaya bago pa lamang magbukang liwanag ito ay masigasig ng nagtatrabaho. At umaatungal naman itong parang bata kapag humihingi ng paumanhin at kapatawaran sa kanyang amang kanyang napabayaan dahil sa labis nyang kaartehan at pagmamahal sa kanyang kagwapuhan.

Dahil minsa'y kinatatakutan ang kulay nito, napapasigaw ang ilang kababaihan ng '...ay kalabaway!' Ngunit mapapatunayan nila sa bandang huli na ito naman pala ay maamo.

At sa paglipas ng panahon ang kalabaway ay tinawag na kalabaw. Isang masigasig at matipunong hayop. Kilalang masipag at maasahan sa bukid at lumulusong na walang pagod. Iyan ay si 'Ka Labaway' na kilala na bilang ang kalabaw.

***

Aral:
Hindi masama ang mahalin ang sarili ngunit ang labis na pagpapahalaga sa kahit na ano pa man ay sadyang nakapagpapalihis ng tunay nitong halaga.
Ingatan natin ang mga taong nag-iingat at nagmamahal din sa atin dahil ang mga ito kapag nawala ay hindi na muling makakabalik hindi katulad ng mga bagay na maaari mo lamang bilhin ng paulit-ulit.

Mas Bago Mas luma