Alamat ng Pinya

Bakit Maraming Mata Ang Pinya


Ang maalamat ng kwento ng pinya at kung bakit tinagurian itong maraming mata.
Alamat Ng Pinya

Alamat ng Pinya

Noong araw na halos hindi pa nagsisimula ang sibilisasyon sa mundo, may isang kwento ng isang ina na kung saan ay mag-isa nitong pinalalaki ang kanyang anak. At dahil walang kinagisnang ama ang kanyang anak na babae ay minabuti ng butihing ina na ibigay sa kanyang anak ang lahat ng maibigan nito at inarugang mabuti hanggang sa abot ng kanyang makakaya.

Si Aling Rosa at si Pina ay naninirahan sa isang liblib na nayon at tahimik na namumuhay sa kanilang dampa. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak at kahit anong maibigan nito ay siyang-siya niyang ibinibigay.

Lumaki si Pina na punong-puno ng pagmamahal sa ina. Ni hindi sya nito hinahayaang pinahahawak ng walis o pinaghuhugas man lamang ng pinggan kahit pa ang ina ay paminsa'y may simpleng karamdaman. Marami sa kanyang mga kalaro ang palagi ay naiinggit sa kanya lalo pa't ni hindi ito nakakaranas na tawagin o istorbohin sa kanilang paglalaro upang makapaghugas lamang ng pinggan o di kaya ay mautusang bibili man lang sa tindahan.

Sadya namang napakabait ni Aling Rosa at mapagmahal na ina.

Hinahayaan lamang ni Aling Rosa na maging maligaya ito sa kanyang pakikisalamuha sa mga kalaro. Subalit, lumilipas ang mga araw na nakakaramdam paminsan minsan ng pagkahapo ang ina ni Pina. Kaya't napag isip-isip ni Aling Rosa na turuan ang batang si Pina sa mga simpleng gawaing bahay para hindi din ito mahirapan kapag sya ay matanda na. Naisip rin niyang para din naman ito kay Pina.

Subalit hindi ito mapilit ni Aling Rosa lalo pa at palagi itong nakakakita ng makakalaro. Nagpatuloy ang ganoon na sistema ni Pina hanggang sa sya ay maging dalagita na. Magkagayon pa man ay patuloy lamang siyang pinangangaralan ni Aling Pina at pinagsasabihan. Pero parang walang naiintindidan ito kapag nakakita na ng  mga kaibigan.

Walang magawa si Aling Rosa kaya may mga pagkakataong ito'y ipinagkikibit balikat na lamang nya. Madalas kapag ito'y inuutusan ay mas marami pa ang pagrereklamo at ni hindi madaling tumalima kaya madalas ay wala rin talaga itong maitulong sa kaawa-awang ina na mag-isa syang itinataguyod. Hindi maipakita ni Aling Rosa ang lihim na pagdaramdam nya sa anak sapagkat mas nananaig sa kanyang puso ang pagmamahal sa anak.

Lumaki at nagdalaga si Pina na  masasabing walang masyadong alam sa gawaing bahay. Hindi rin ito makikitang nagkukusang tumulong sa ina na medyo matanda at ubanin na kaya madalas na syang pangaralan ng ina.

"Pina, anak tumulong ka naman sa gawaing bahay dahil alam mo namang ako'y tumatanda. Mainam din naman na ika'y may matutunan dahil papaano ka na lang kapag ako'y nawala na." Ito ang malimit ituran ng ina ni Pina na si Aling Rosa.

"Ay naku, Nanang naman...sermon na naman!" ang sabi lang nito sa ina. Ito ang pandalas niyang sinasabi kahit wala naman itong makabuluhang pinagkakaabalahan.

"Pwede naman po mamaya na ang mga gawain na yan e. Nakakahiya naman sa mga kaibigan ko kung hindi ako papanaog e kanina pa nila ako inaantay. " Ganito naman ang isa pang madalas na pangangatwiran ni Pina.

Magmula nuon, gumagawa ng iba't ibang paraan si Aling Rosa na maisali ang anak sa mga simpleng gawaing bahay upang ito ay may matutunan. Pero hindi rin naman nauubusan ng alibay si Pina sa ina.

"Pina, kumuha ka nga ng talbos ng kamote sa ating likod bahay,"ani Aling Rosa

Makaraan ang ilang oras, "Nanang, wala akong nakitang talbos" ang sigaw ni Pina.

"Hay naku Pina, baka naman hindi mo lang tinitingnan na mabuti."

"Wala nga po!"

Tumatalima naman ito, pero madalas ay wala itong naiuuwi dahil ang dahilan nya ay wala syang makita.

"Pina, kumuha ka nga ng barya sa pitaka at ibili mo ako ng suka."

"Nanang, wala po akong makitang barya!"

"Pina, ikuha mo ako ng karayom at sinulid sa ibabaw ng tokador"

"Nanang, wala po akong nakitang nakapatong sa tokador na karayom at sinulid."

"Pina, ipitas mo nga ako ng sili sa harap ng bahay."

"Nanang, wala na po akong makitang bunga ng sili." 

"Pina, kuhanin mo nga ang barya ko para ako'y makapanaog."

"Nanang, hindi ko po makita."

Bumunbuntunghininga na lamang si Aling Rosa sabay sabing, "...ano ka ba namang bata ka at lahat na lamang ng bagay na ipahanap sayo ay wala o di kaya'y di mo makita kahit nasa harapan mo lang madalas ang mga ito." ang madalas na sambit nito sa anak.

Hanggang isang umaga, nagising si Pina na punong-puno ng pagtataka. Ni wala syang naririnig na kaluskos man lamang sa kanilang kusina. Tanghali na sya kung siya ay gumising at tirik na madalas ang araw. Kapag ganitong oras ay nakaluto na ang kanyang ina at naglilinis na ito sa kanilang paminggalan. Madalas nyang naririnig ang mga gamit na nagkakalampagan dahil walang humpay kung ito ay maglinis ng bahay.

May bahid ng pagtataka subalit hindi kakikitaan ng pagkabahala si Pina. Nagsipilyo at naghilamos pa muna ito bago tumuloy sa kanilang kusina para harapin ang kanyang ina na sa kanyang pag-aakala ay naruon lamang at nag-aayos ng kanilang makakain. Subalit wala ni anino ng kanyang ina. Kaya't nagtataka itong tumungo sa kwarto ni Aling Rosa.

Nakahiga si Aling Pina at animo'y may dinaramdam dahil ito'y gising naman na nabungaran ni Pina. 

"Mabuti at gising ka na" ang turan nito kay Pina.

"Anong pong nangyari sa inyo," ang pagtataka nitong tanong sa kanyang ina na nuon lamang nya nakitang tanghali na'y nakahiga pa. Mababatid sa mukha ni Aling Rosa ang malamlam na mga mata at namumulang mga mukha. Lumapit si Pina at hinawakan ito sa noo sabay sabi, "...may lagnat kayo, Nang".

"Masakit ang mga kasu-kasuan ko at masama ang aking panlasa," pabulong na sabi nito sa anak, "maaari bang ikaw na muna ang magluto ng ating makakain habang ako muna ay magpapahinga" ang hiling nito sa anak na si Pina.

Tumalima naman si Pina upang ipagluto ang nakaratay na inang maysakit. Kaagad itong naghanap ng bigas at tumingin na mailulutong ulam. 

Subalit dahil hindi ito sanay magluto at gumalaw sa kanilang kusina, madalas ay iniistorbo nito ang inang nakahiga para itanong ang mga bagay-bagay na di niya alam at di niya makita. 

"Nanang, ano ilang baso ba ng bigas ang dapat kong isaing?"

"Nanang, gaano ba kadami ang tubig ng sinaing?"

"Nanang, ano bang dapat kong lutuin?

"Nanang, saan ba nakalagay ang asin?"

"Nanang, saan ba nakalagay ang kaldero?"

"Nanang, saan ba nakalagay ang sandok?"

Mula sa pagkakahiga ay, napaupo si Aling Rosa na galit. 

"Ano ka ba namang bata ka, matagal na kitang tinuturuan pero di ka nakikinig. Ngayon lamang ako nagpahinga dahil masama ang aking pakiramdam. Hindi mo ba naiintindihan na ang nais ko lamang naman ay magkaroon ng sapat na pahinga para manumbalik man lamang ang aking lakas sa kinabukasan" ito ang naibulalas ni Aling Rosa sa anak na walang humpay sa kakatanong sa inang may karamdaman.

"Tubuan ka sana ng maraming mata at ng hindi ka na tanong ng tanong. Matuto ka namang maghanap ng mga bagay-bagay at kumilos ng mag-isa. Aba'y tumatanda ka'y wala ka pang natututunan sa mga gawaing bahay. Lahat na lamang ba naman ay iaasa mo sa akin kahit ako'y matanda na?" ang sambit nito na punong puno ng sama ng loob sa anak.

Natahimik si Pina, at pagkatapos ay tahimik itong tumungo sa kusina para sana ipagluto ang ina. Bumalik naman sa pagkakahiga si Aling Rosa para magpahinga. 

Mahimbing itong nakatulog at lumipas ang maghapon na sya ay payapang nakatulog ng walang umiistorbo sa kanyang tanong ng tanong. Pagkagising niya ay bahagya ng humupa ang kanyang lagnat at bahagya ng nanumbalik ang kanyang lakas. Ginising sya ng isang mabangong amoy ng pagkain na nanggagaling sa kanilang kusina. 

Agad nya itong pinuntahan at masarap na lutong ulam ang kanyang dinatnan. Wala si Pina sa kusina. At dahil gutom ay kaagad syang sumandok ng makakain at humigop ng mainit na sabaw na sa kanyang pag-aakala'y niluto ni Pina. Hindi na nya muna tinawag ang anak dahil inisip niyang baka ito'y nasa kanyang mga kaibigan lamang.

Pagkatapos kumain ay bahagyang napangiti ito. Natutuwa syang isipin na nagkakaisip na marahil ang kanyang anak na si Pina. "Si Pina? Nasaan na nga ba ang batang 'yon?", ang pagtatakang sambit nito.

Hinanap ni Aling Pina ang anak subalit di niya ito makita. Inisip na lamang nya na sumama ang loob nito dahil ito'y kanyang napagalitan. Marahil ay nasa kaibigan lamang ito na kanilang kapitbahay at nagpapalipas oras. Alam niyang uuwi rin ang anak.

At dahil medyo masama pa ang pakiramdam, nahiga muli ito at hindi na namalayan na buong himbing syang nakatulog. Magbubukang liwayway na ng ito ay magising. Sa wakas ay nanumbalik na ang lakas ni Aling Rosa. Buong galak niyang tinungo ang kwarto ng anak, subalit wala roon si Pina. Hinanap ng hinanap ni Aling Rosa ang anak sa harap at likod bahay. Ipinagtanong na rin niya ang anak sa mga kapitbahay at mga kaibigan nito. Umuwi ng dapithapon si Aling Rosa na buong pag-aalalang iniisip ang anak.

Umupo ito sa kanilang harap bahay at sa di kalayuan sa kanilang pintuan ay may napansin syang bagong usbong na halaman. Hindi na nya ito pinansin. Ilang araw naghanap at naghintay si Aling Rosa para sa pagbabalik ng anak na si Pina. Subalit walang Pina na dumating.

Nagulat na lamang si Aling Rosa isang umaga ng makita niyang ang umusbong na halaman sa harapan ng kanilang bahay ay nagkaroon ng bunga. Ito'y hugis ulo at animo'y buhok ang mga dahon nito sa tuktok. Ang nakakamangha pa rito'y animo napakarami nitong mga mata. Biglang naalala ni Aling Rosa ang anak na si Pina. Nanumbalik sa kanya ang kanyang mga sinambit sa anak nung huling beses nya itong makagalitan. 

Napahagulgol na lamang si Aling Rosa. Alam nyang ito ang kanyang pinakamamahal na si Pina. Marahil ay narinig ng mga diwata ang kanyang panangis. Ang kaawa awang si Pina ay pinarusahan nila.

Pinangalagaan ni Aling Rosa ang tanim at ito'y kanyang naparami. Pinangalanan niya itong Pina, na sa kalaunan ay naging Pinya.

*** 

Mga Simpleng Aral: 

Salawikain tungkol sa Sipag at Tyaga 

Salawikain tungkol sa Pagsisinungaling

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma