Alamat Ng Kape

Alamat ng Kape



Noong araw, likas pa ang pagkabatugan at katamaran ng mga tao sa iba't ibang bahagi ng mundo. At sa labis nga na katamaran, kahit sa gitna ng katirikan ng araw, ang mga tao sa nayon ay tulog na tulog pa at mga nakahilata lang. 

Nabahala ang mahabaging Bathala sa ginagawa ng kanyang mga isinugong nilalang para mangalaga sa mundong kanyang ginawang paraiso para sa mga ito. Kumain, magpahinga at matulog ang tanging naging gawain ng mga ito.

Lumipas ang mga araw at ang mga tao'y wala ng kontrol sa kanilang mga sarili. Palagi na lamang silang nakaupo at kumakain at pagkaraa'y matutulog na kusa kung saan abutan ng antok.

At dahil dito...

Nagpadala ng malakas na kidlat at kulog ang Bathala ng sangkalupaan, ngunit ay mga tao'y nagsipagkubli lamang sa mga kweba at nagsitulog. At muli, nang sumunod na araw ay nagpadala naman ng malakas na hangin kasabay ng malakas na buhos ng ulan ang Bathala upang ang mga tao'y gumising at matutong magbanat ng kanilang buto. Subalit, sa kasamaang palad, sa lamig na dala ng panahon ay lalo pa silang inantok. 

Sumunod ay hinipan nya ang mga halaman at puno, at hinayaang malagas ang mga dahon nito. Pero, dahil sa takot sa mga kumpol na dahon at nagsipagpinid lamang ang mga ito ng pinto.

Nanlulumong minasdan ng Bathala sa langit ang kanyang mga nilalang. Wari ba nya'y isa siyang bigo. Sa kabila ng kanyang ginawa at biyayang isinaboy sa lupa, ang mga taong kaniyang nilikha ay di natutong gumalaw at mangalaga ng kusa sa yamang lupa na sa kanila ay kanyang isinuko.

Nangalit ang Bathala, binulungan nito ang lahat ng makukulay na bunga ng mga puno at halaman na hwag mamunga upang ang mga tao'y gumising at mabahala sa kanilang nalalapit na tag-gutom. Nais ng Bathala na matutong mangalaga ang mga tao sa biyayang kanilang tinatamasa.

At nagkatotoo ang lahat, walang makukulay na bulaklak ang sumibol at walang mga bungang kahoy ang umusbong sa mga puno't halaman. Nagsimula ang tagtuyot at taggutom, ang mga tao'y naghanap ng mga pagkaing tutugon sa kanilang mga sikmurang kumakalam at nagugutom. May nagbungkal ng lupa at nagsimulang mangalaga ng mga pananim at sila'y natuto ding manalangin ng pagsusumamo at pati na ang marubdob na paghingi ng awa sa Bathala ng Kalangitan.

Ang Bathala ay nakamasid lamang at lihim na nahahabag sa kanilang mga ginagawa. Ngunit nais nyang matuto ang mga tao na magsikap.

Isang bata ang nakakita sa isang puno na noo'y may natatanging bilog bilog na bunga. Hindi pa ito hinog kung kaya't di pa maaaring makuha. Pinagtulung-tulungan na diligan at alagaan ito ng mga tao.

Lingid sa kanila, ito ay sinadya ng maawaing Bathala. Ang magiging bunga nito ay sanhi ng pait at hinagpis na kanyang nasaksihan sa katamaran ng mga tao. Subalit ito rin ang ibinibigay nyang pagkakataon para sila ay matauhan at matutong bumangon. 

Pagkaraan lamang ng ilang araw ay nahinog ang bunga. At nang kanilang kagatin ay mapait ito. Nanaghoy ang mga tao, at sila ay nagsipagsisi. Nagsipagdasal ng taimtim kay Bathala at buong pusong humingi ng kapatawaran sa kanilang kapabayaan at katamaran.

Sa gitna ng kalangitan, lumabas ang Bathala ng Sangkatauhan. Ipinabatid nya ang kanyang sama ng loob at awa. Sinabi nyang lahat ng kanyang inihagis sa lupa ay kaniyang biyaya. Matuto lamang nilang pangalagaan at pagyamanin ng kusa para patuloy na managana at walang mapinsala. Sinabi din niy na hindi na nya babawiin ang kulog at kidlat, gayundin ang malakas na ihip ng hangin at bagyo bilang paalala sa kanilang kapabayaan at katamaran. 

Bukod pa dito ay sinabi din nyang pakatandaan ang simbolo ng kanilang kaapihan, ay bunga din ng kanilang naging kapabayaan. Sa isang baso ng mainit na tubig at butil ng bunga na kapag kanilang pinagsama ay gigising sa kanilang antuking mga diwa. At mananariwa sa kanilang isip ang kanilang katamarang ginawa.

Kaya't sa tuwing inaantok ang mga tao, ang kape ang kanilang niluluto at inuming kanilang pinagsasaluhan para kanilang gisingin ang inaantok na mga diwa. At upang maalala rin nila ang katamaran at kapabayaan na di na nila nais pang maulit na magawa. Patuloy na umiinom ng kape ang mga tao lalo na sa pagsikat pa lamang ng araw sa umaga para magising ang kanilang mga antuking diwa at bilang pasasalamat na rin sa Mahabaging si Bathala.

At ito na nga ang alamat ng kape...

Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma