Alamat Ng Pag-Ibig

 Alamat Ng Pag-Ibig


Ang Kwento Ng Kwintas Ng Pag-Ibig

Noong unang panahon ay may isang dalagang ubod ng sungit at suplada. Siya ay si Petra. Wala itong makasundo kahit na sino sa kanilang bayan. Tuloy ay napag-alamang lahat na ng kapangitan ng pag-uugali ay tila nasa sa kanya na.


Bukod pa dito ay hindi rin ito marunong ngumiti at tumawa. Dahil dito ay wala ni isa mang nangahas na magkagusto sa dalaga. Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang Ada ang laging nakamasid sa kanya. Ang Ada at may may gintong puso at busilak na liwanag na taglay na nagpapaningning sa kanyang kagandahan.


Awang-awa ang Ada sa dalaga na hindi nya nakitaan ni minsan ng pagngiti sa mga labi nito. Tuloy dahil sa aura nitong masungit at laging nakasimangot at nagmumukha siyang napakatapang at pinangingilagan ng lahat. Wala ring naging kaibigan ang dalaga dahil lahat ay pinag susungitan nito.


Subalit sa kabila ng kasungitan at kagaspangan ng ugali ay tumatangis sa kanyang pag-iisa ang dalaga. Batid ng Ada ang nasa puso ng dalaga.


Nagpahatid ng isang mensahe ang Ada sa dalaga sa pamamagitan ng isang puting kuneho. 


“Punuin ng pag-ibig ang sisidlan at ang yaman ng sanlibutan ay iyong makakamtan.” 


Nakasukbit ang mahiwagang liham sa leeg ng kuneho. Nang makuha at mabasa iyon ng dalaga ay naglaho na ang mahiwagang liham sa kanyang mga palad.


“Anong sisidlan?” ang tanging nasambit ng dalaga


At walang anu-ano ay lumitaw sa leeg ng kuneho ang nakasabit na kwintas na hugis puso. Ito ay tila isang babasaging baso na parang lobo at singlaki lamang ng kanyang hinlalaki.

Nagtataka man ay walang pag-aalinlangan na kinuha ito ni Petra at isinuot sa kanyang ulo.


Naging palaisipan sa dalaga ang yaman na sinasabi sa liham. Yayaman na siya at hindi na sya malulungkot. Dahil sa isipan na iyon ay napangiti ang dalaga. At hindi niya napansin na may kung anong makinang na kulay pulang butil ang biglang kumislap sa kanyang kwintas.


Pagkalipas ng isang araw ay hindi malaman ni Petra kung sa paanong dahilan nya makakamtan ang pag-ibig na tinutukoy ng mahiwagang liham. Nasa kalagitnaan ng ganoong pag-iisip ang dalaga ng biglang natumba ang isang bata na naglalaro sa daan ang kanyang bakod at nahawi ang kanyang mga halaman. Nagkatitigan si Petra at ang bata na nahintakutan ng sya ay makita.


Nakatulala ang bata habang papalapit si Petra. Inaasahan nito na may gagawin sa kanya ang dalaga dahil sa laki ng ginawa niyang pinsala sa mga alaga nitong halaman. Nakita ni Petra ang takot ng bata sa mga mata nito. Dahil sa pag-iisip sa misteryo ng liham ay hindi na niya masyadong pinansin ang pinsala ng bata. Bahagya ding may kumurot sa kanyang puso ng makitang parang mangingiyak sa takot ito ng sya ay papalapit na. 


Ang tanging nasambit na lamang niya dito ay, “...nag-iingat kayo sa inyong paglalaro at baka kayo ay magkasakitan…” ang sabi sa mga bata. Sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi nagsungit ang dalaga.


Pagkasabi nito ay muling may kung anong mapulang bagay ang kuminang sa kanyang kwintas na puso. At hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Petra. Nanlaki ang mata ni Petra sa nakita. Ano ang kanyang ginawa? Ang takang-taka na tanong ni Petra sa sarili.


Nuon nya napagtanto na  ang sisidlan na tinutukoy sa liham ay ang kanyang kwintas na hugis puso. Pupunuin nya ito ng pag-ibig.


Pag-ibig? Ano ba nag pag-ibig? Ano ang alam nya sa pag-ibig? At paanong nagkaroon ng mapupulang parang likido sa kanyang hugis pusong kwintas?


Ng kung ano-ano’y may kumatok na panauhin sa tahanan ng dalaga? Nagtatakang binuksan niya kaagad ang pinto. Bumungad sa harap nya ang batang nakasira sa kanyang bakod at kasama ang mga magulang nito. Nakakunot ang mga noong pinagmamasdan ni Petra ang mag-anak.


Binasag ng ina ng bata ang katahimikan at takot na kanilang nararamdaman. “Hihingi sana kami na paumanhin sa nagawa ng aming anak” ang sabi ng ina nito.


“Ako na ang kukumpuni sa nasirang bakod ng mga bata” ang sabi naman ng ama ng bata.

“Huwag nyo ng alalahanin. Hindi naman nila iyon sinasadya” ang biglang nasabi ni Petra sa mga ito.

Na gulat ang mga magulang ng bata. Hindi naman pala ito masungit at magaspang ang ugali. Dahil dun ay nagpasalamat ang ina ng bata. Ngunit ipinangako pa rin ng ama ng bata na aayusin ang mga nasira.


Pagkaalis ng mga ito ay nagulat na lamang si Petra ng makitang halos mangalahati ang kulay pula sa kanyang puso. Napalundag sya sa tuwa at kakaibang galak ang kanyang naramdaman. Marahil ay iyon na ang isa sa mga tinatawag na pag-ibig.


Maligayang pinagmamasdan ng Ada ang dalaga. At ng mga sumunod pang mga araw ay unti-unting nagbago nga ang pakikitungo ng dalaga sa lahat. Dahilan iyon upang mapuno at tuluyan ng maging pula ang kanyang puso. Umaliwalas na rin ang mukha ng dati ay palaging nakasimangot na dalaga. Sumisilay na rin ang matatamis na mga ngiti s kanyang labi. 


Pulang pula na ang puso pero nasaan ang kayamanan na ipinangako gaya ng nakasaad sa liham? At dahil duon ay biglang lumitaw ang napakagandang Ada ng pag-ibig. Nanlalaki ang matang gilalas na gilalas ang dalaga.


“Petra, matagal na kitang sinusubaybayan. Ako ang nagmistula mong gabay para mahanap ang pag-ibig mong tangan tangan. Ang lahat ng iyong nakamtan magbuhat ng maging mapula ang iyong puso ay isang yamang walang kapantay.”


Dahil natuto kang maging masayahin, mapagbigay, mapagpatawad, at maging palakaibigan ay natuto ka ring umunawa, gumalang at maging mapagpakumbaba. Higit sa lahat ay natuto kang magmahal ng iyong kapwa at maging sa likas na yaman ay iyong pinahahalagahan. Ikaw ay isang mayaman.  Mayaman ang iyong kalooban at busilak ang iyong pagmamahal. Isang bagay na hindi matatawaran ninuman.”


Iyon lang at naglaho na ang Ada.


Nakangiting pinagmasdan ni Petra ang kanyang kwintas ng pag-ibig. At magbuhat noon ay hindi na naging masungit at magaspang ang ugali ng dalaga. At kumalat ang kwento ng alamat ng kwintas ni Petra. Ang Alamat ng Kwintas Ng Pag-ibig. At dito nagmula ang kwento ng pag-ibig.


***

Buod:

Ang kwento ng "Alamat ng Pag-ibig" ay tungkol sa dalagang si Petra na ubod ng sungit at suplada. Walang makasundo si Petra dahil sa kanyang kasungitan. Ngunit, may isang Ada na nakamasid sa kanya at awang-awa sa kanyang kalagayan. Isang araw, nagpadala ng mensahe ang Ada sa dalaga sa pamamagitan ng isang puting kuneho. Naglaho ang mahiwagang liham nang mabasa ito ni Petra. Isang kwintas na hugis puso ang lumitaw sa leeg ng kuneho, na isinuot ni Petra sa kanyang ulo.


Sa pamamagitan ng pagtulong sa isang batang nangangailangan, natanto niya ang tunay na kahulugan ng pag-ibig at nagsimula siyang magbago.Sa paglipas ng mga araw, nakita ni Petra ang mga epekto ng pag-ibig sa kanyang buhay.


Mag-post ng isang Komento

Maraming Salamat sa inyong pagsubaybay!!

Mas Bago Mas luma