Bughaw Pa Nga Ba Ang Langit?
Habang nakatingala sa kalangitan
May magkapatid na nagkukwentuhan
Mababanaag sa mata ang katanungan
Sa isip hinahanap ang kasagutan.
Nagwika ang syang nakatatanda,
"Sabi nila'y bughaw ang langit?
Ngunit sa tuwing tayo ay titingala
Makutim ang ulap at sa gabi'y walang tala"
Taka naman ang syang nakababata,
"Bakit nga ba parang ulap ay di ulap na sadya,
Asul ay tila di bughaw na inadya"
Sa murang isip tila nalinglang pa ng bahagya.
Wala na nga bang bughaw na langit?
Luntiang kulay ay kupas na rin sa paligid
Ang paraisong minsa'y di ipinagkait,
Tila nasira na ng tuluyan, o kay pait!
***
Ang minsa'y paraiso na ating naging tirahan, sa mga taong pabaya naging mistulang basurahan. Paligid nati'y wala ng katahimikan, di napapansin ang pagkasira ng Inang Kalikasan. Ano nga ba ang sa atin ay mahalaga, ang mamuhay ng masagana o mamuhay ng marangya?