Bakit Nakalabas Ang Buto Ng Kasoy
Nung araw sa isang malayong nayon na napapagitnaan ng mga burol. May mangilanngilan na mga nakatira at tahimik na namumuhay rito. Kabilang na rito ang mag-iinang sina Aling Maring at ang kanyang dalawang anak na sina Senya at Soy.
Si Aling Maring ay biyuda na at pinapalaking mag-isa ang kanyang dalawang anak sa pamamagitan ng pangangahoy ay pagtatanim. Si Senya ay isang mabait at ulirang anak, samantalang si Soy naman ay may kakulitan at labis ang pagiging makaina nito.
Mapagmahal na ina si Aling Maria sa mga anak subalit alam niyang kailangan niyang itaguyod ang mga ito ng buong pagsusumikap para matustusan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Dahil sa pagiging pasaway at makulit ni Soy, madalas ay kinakailangan pang takasan ni ALing Maria ang anak habang ito'y natutulog para makapangahoy at makapamitas ng mga gulay na kailangan nilang kainin.
At dahil maasahan na si Senya bilang kapatid at ate ay sa kanya na lamang madalas na ipinagbibilin ni Aling Maria ang bunsong anak. May mga pagkakataon naman na hindi nya ito matakasan at ang ginagawa na lamang niya'y isinasama na lamang ang mga anak sa pangangahoy. Ngunit lubhang mapanganib ito sa mga bata kung kaya't kadalasa'y sinasadya na lamang niya umalis bago pa magising ang bunsong anak.
Ang kaawa-awa at mabait na ate na si Senya na lamang ang magtityaga na mag-aruga at magpapatahan sa halos maghapon nitong pagngangawa at pagmamaktol kahahanap sa ina. Minsa'y may pagkakataong nais pang takasan ni Soy ang kaniyang ate para lamang matagpuan ang kinarororonan ng ina. Subalit matalas ang pakiramdam ni Senya sa kapatid at pilit na lamang niya itong nililibang hanggang makauwi ang kanilang ina sa hapunan.
Awang-awa ang ina sa kaniyang mga anak subalit wala siyang magawa kundi tikisin na lamang ang ganitong pangyayari sa kanilang mag-iina. Madalas ay naiiyak narin ito sa hirap kung paano bubunuin ng mag-isa ang pagpapalaki sa mga bata. Nasanay siyang ang kaniyang asawa ang naghahanapbuhay para sa kanila.
Subalit nasawi ito sa pangangahoy dahil sa pagkakadulas na nauwi sa kanyang kamatayan. Kaya't gayun na lamang kung iiwas niya ang mga ito na isama sa kakahuyan. Naunawaan ito ng murang isip ni Senya kaya't sinisikap niya na makatulong sa ina.
Si Senya ay walong taong gulang lamang at si Soy naman ay limang taong gulang. Dahil walang ama na sumasaway sa mga kagustuhan niya, madalas ay kinakikitaan na nila ito ng katigasan ng ulo.
"Ipilit ang lahat ng maibigan at walang alam pakinggan" ang madalas sambitin ng kanilang mga kanayon na madalas din ay nabubulahaw ni Soy sa kanyang pagngangangawa at pag-aalburuto. Awang-awa ang ibang mga nakakakita sa sinapit ng mag-iina magbuhat ng mamayapa ang ama ng kanilang tahanan.
Lingid sa kanila'y nabubulahaw rin pala ang mga naninirahang mga diwata na masayang nakikipamuhay ng tahimik sa mangilanngilan na mga taga-nayon. Sila'y mga piping saksi sa kaawa-awang Senya na sa murang isip ay nagtitiis na nag-aaruga sa kapatid at nagbibigay rito ng makakain sa tuwing wala ang ina.
Subalit madalas ay naihahagis nito ang mga pagkain dahil sa pagwawala sa tuwing gigising na wala ang ina sa kanilang tahanan ay magsisimula na itong umiyak.
Madalas itong nagpupumilit na tumakbo palabas ng bahay at pilit nagpupumiglas kung inaabutan ang ina na papaalis pa lamang.
May mga pagkakataong hindi na rin nakakaalis si Aling Maring dahil hindi talaga bumibitaw si Soy sa kanyang laylayan.
Ang ganitong eksena ang pumukaw sa mga taga nayon at ikinaiinis na ng ilan. Ikinabahala ito ng mababait na diwata. Kaya't isang umaga ay buong pagtatakang gumising ang mga tao na ni walang tinig ng batang nambubulahaw sa iyak na maririnig.
Mula noon ay hindi na nga nila nakita ang mag-iina at tanging ang kubo na lamang ang kanilang natatanaw. Wala na ang nagmamaktol na si Soy at ang ate niyang napakasipag na nag- aaruga rito araw-araw.
Hindi matiyak ng mga naroroon ang sinapit ng mag-iina. Ang iba'y nakaramdam ng lungkot subalit alam din nila na sila'y matatahimik ng muli mula sa maingay na pambubulahaw ni Soy araw-araw.
Makalipas lamang ang ilang linggo'y may napansin silang kakaibang halaman na halos nakadikit na sa kubo at patuloy itong lumaki at yumabong. Hanggang sa ito'y naging puno. Namunga ito makaraan lamang ang ilang linggo at ng makita ito ng mga taga nayon sila ay natuwa ng labis.
Ang unang bunga nito'y labas ang buto at animo hugis ng isang sanggol na nakasabit sa laylayan ng paldang maliit. "Yan si Soy!" ang sambit ng isang matanda. Nagpalakpakan ang mga tao. Batid nilang ang mag-iina'y nasa pangangalaga na ng mga diwata. At kinagiliwan ng mga ito ang puno kaya't sa paglipas ng panahon ito'y lalo pang namunga.
Sa paglipas ng panahon ang bunga ay tinawag na Kasoy na ibig sabihin ay 'kapatid na si Soy'. At dito nagmula ang hiwaga ng puno ng kasoy.
***