Alamat ng Aso

Bakit Tapat Ang Aso Sa Kanyang Tagapangalaga

Alamat Ng Aso

Noong unang panahon, kung saan simple at payak pa ang pamumuhay ng karamihan sa tao, may isang pamilyang masaya at maligayang namumuhay ng tahimik sa gitna ng kakahuyan.

Ang alamat ng aso at kung bakit sila tapat sa kanilang mga tagapangalaga. Ito ang kwento ng alamat ng aso.
Alamat ng Aso

Masipag siyang magtanim ng mga gulay at prutas maging ang manghuli ng mga hayop upang kanilang makain.Ang ina ng tahanan naman ay si Aling Magda. Isa siyang maasikaso at mapagmahal na ina sa kanilang dalawang anak na sina Maria at Jose.

Ang kanilang haligi ng tahanan ay mabait at mapagkalinga sa kanyang pamilya. Siya si Mang Roque. 

Minsan, sa pangangaso ni Mang Roque sa kagubatan ay nataagpuan niya ang isang lalaking duguan. Pinangko niya ang lalaki at iniuwi sa kanilang tahanan upang magamot at maalagaan. Siya si Damaso.

Habang nagpapagaling ng kaniyang mga sugat ay naikwento ni Damaso na siya ay pinalayas ng kaniyang amo. Ninakaw ang bunga ng mga ubas sa kanilang taniman dahil hindi niya ito nabantayan ng maayos. 

At dahil walang mapuntahan, siya ay nagpalakad lakad hanggang sa maligaw sa gubat. Inatake siya ng matatapang na alamid kung kayat natagpuang sugatan at halos walang malay tao.

Naawa ang pamilya ni Mang Roque kung kaya't doon muna siya pansamantalang pinatira. Itinuring nilang parang pamilya si Damaso at nakatulong ni Mang Roque sa pang araw-araw na paghahanap ng pagkain

Ngunit lingid kay Mang Roque, sa paglipas ng mga araw ay may namumuo na palang lihim na pagtitinginan sina Aling Magda at Damaso sa isa't isa. Dahil dito ay nagkaroon sila ng pagkakataong magpasya na tumakas na lamang at mamuhay sa ibang lugar malayo sa mag-aama.

Nalaman ito nila Maria at Jose. Sinubukan pa nilang kumbinsihin ang ina na huwag silang iwan habang sila ay nag-iiyakan. Ngunit nanaig ang pagkagusto ni Magda kay Damaso. Hindi niya alintana ang pagtangis ng kanyang mga anak.

Sumakay sila ng bangka at umalis na kasabay ng pag-agos ng ilog. Habang papalayo ang bangka ay patuloy ang mga bata sa pagmamakaawa sa kanilang ina. Naabutan ni Mang Roque ang ganoong tagpo. Mula sa malayo ay nakita ni Aling Magda na nagtalunan sa ilog ang kaniyang mga anak na nais pa ring humabol sa pinakamamahal na ina.

Nagulat at natulala si Magda dahil alam nyang wala ni isa man sa mga ito ang marunong lumangoy at sadya pa namang napakalakas ng agos ng ilog. Kitang kita niya kung paanong tumalon din ang kaniyang asawang si Mang Roque upang sagipin ang mga bata. Sa isang kisapmata ay parang bulang naglaho sa ilalim ng tubig ang mag-aama.

Tanaw nila Magad at Damaso ang pangyayari. At dahil sa lakas ng agos ng tubig ay wala na silang nagawa. Hindi na nila muling nasilayan ang mag-aama. Ninais niyang tumangis ngunit hindi na nya ito magawa. Si Damaso man ay sising sisi sa kaniyang nagawa.

Bigla, mula sa tubig ay lumutang ang isang Ada.

"Masahol pa kayo sa hayop! May mga inosenteng nagbuwis ng buhay dahil sa inyong makamundong pagnanasa at makasariling hangarin. Dapat lamang kayong maging kauri ng hayop. Kayo ay dapat maparusahan dahil sa inyong kapusukan."

Iyon lang at unti-unting nagbago ang anyo ng dalawa.
Humaba ang kanilang mga nguso, lumabas ang mga pangil at nagkabalahibo ang buong katawan. Nanggilalas ang dalawa sa kanilang kaanyuan, nais nilang humingi ng kapatawaran at magsisi sa nagawa subalit ng magsasalita na ay puro ungol at alulong lamang ang kanilang naisatinig.

"Mananatili kayo sa ganyang anyo hanggat ikaw Damaso ay hindi matutong tumanaw ng utang na loob sa mga taong kumalinga at nagpapala sa iyo. At ikaw Magda, hanggat hindi mo naipapakita ang tunay mong pagmamahal sa iyong magiging mga anak." Ito ang umaalingawngaw na tinig ng Ada.

Si Damaso at Magda at ang kanilang mga supling ang naging unang angkan ng mga aso sa daigdig. 
Patuloy pa rin silang umaasa na sila ay patatawarin ng Ada sa kanilang mga nagawa. Nais nilang patunayan na kaya nilang maging matapat na alaga sa kanilang mga amo. Masugid na nilang binabantayan ang bawat tahanan ng kanilang pinanunuluyan at tumatanaw din sila ng utang na loob sa pamamagitan ng pagtatanggol sa mga ito.

Ang mga inahing aso naman ay labis na nagbabantay sa kaniyang mga tuta. Nais rin nilang patunayan na marunong silang magmahal ng kanilang anak at hindi nila ito basta iniiwan lang.

***

Aral ng Kwento:
Ingatan natin na huwag makasakit ng damdamin ng iba. Sadyang may nakalaan na kaparusahan sa mga taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob at ganoon din sa hindi marunong magpahalaga sa pagmamahal na ipinakikita ng iba. Matakot sa masamang karma na maaari mong anihin at pagsisihan habampanahon.

Mas Bago Mas luma