Boknoy, Ang Batang Palaboy
Si Boknoy ay isang batang palaboy. Walang magulang, sa kalsada lang ito madalas nakikitang natutulog. Hindi kumakain sa oras, madalas ay namamalimos. Sa tabing daan, ang batang si Boknoy ay nakatulala at laging nakatanghod.
Marami ang nagtataka, sino ang kanyang kasama? Bakit si Boknoy ay hinahayaang mag-isa? Sino ang kanyang magulang o kamag-anak kaya? Ni isa ba sa kanila'y walang malasakit na sadya?
Ang kaawa-awang bata ay walang magawa. Kasama lang palagi ang palaboy din niyang aso at pusa. Saan man abutin ng pagod at gutom ay sasaldak na lamang ng kusa. Saka iaatang ang kanyang maruruming palad sa madla. Hihingi ng makakain o maiinom kaya. At ang kanyang matitira ay ibibigay sa kasamang aso o pusang gala.
Hay buhay ng pobreng bata. Hanggang saan nya mapagtitiisan ang maging palaboy ng lansangan. Sino ang kukupkop? May aampon kaya? Magmamalasakit nga ba ang namamahala?
Ang kasuota'y makutim dahil sa alikabok. Halatang puti na nangingitim dahil kung saan masandal at maupo ay bakas ang lahat sa likod. Pati na rin salawal ay naninigas na sa dumi at mga mantsa. Halatang di nilalabhan o kinukula. Kanino ba sya aasa?
Ang bata'y lumaking matibay ang sikmura at matatag ang loob. Ito ang tanging sandata laban sa gutom at kanyang pagod. Hindi pa iniinda madalas kung paano ang kanyang buhay ay susulong. Ang masaklap ay walang matyagang bukaspalad sa kanya'y tutulong. Meron nga ba?
Nasaan ang iyong ina? Nasaan ang iyong ama? Bakit kasama mo ay iyong aso lamang at ang iyong pusa? Paano na ang kinabukasan nitong bata? Aso't pusa na lamang ba ang sa iyo ay magtityaga?